Mga Tanong: Anong gagawin pagkatapos ng Caesarian Section?

Kailan ako pwedeng magtrabahong muli pagkatapos ng Caesarian Section?

Sa unang linggo pagkatapos kang pauwiin, dapat pahinga lang muna, at syempre, ang pag-aalaga sa iyong baby. Iwasan ang mga trabahong mahihirap, ang pagbubuhat ng mga mabibigat, pag-iri, at pagtayo ng matagal. Ayos lang ang paglalakad, sa katunayan, ito’y makakatulong pa nga, basta dahan-dahanin lang sa umpisa.

Kailan ako pwede na ulit makipag-sex pagkatapos ng Caesarian section?

Konsultahin ang iyong doktor kung ano ang kanyang payo. Kalimitan, ang pakikipagtalik ang pwede na sa loob ng isang buwan.

Pwede bang maligo pagkatapos ng Caesarian Section?

Ang mahalaga ay panatilihing malinis at tuyo ang tahi ng operasyon, subalit ang paghuhugas ng ibang bahagi ng katawan ay ayos lang. Sa loob ng isa o dalawang linggo ay pwede naring maligo, subalit mas magandang hingin ang payo mismo ng iyong doktor.

Anong dapat kainin pagkatapos ng Caesarian section?

Uminom ng maraming tubig, at kumain ng pagkain na may sapat na sustansya at gulay. Dahil ayaw nating umiri masyado at maging tibi ang dumi, kumain ng mga pagkain na mataas sa fiber.

May mga bawal bang kainin o inumin?

Wala naman talagang bawal, maliban sa mga pagkain o gamot na maaaring dumaan sa gatas ng pagpapasuso at mapunta sa baby. Konsultahin ang iyong doktor sa mga ito.