Mga kaalaman tungkol sa Menstrual Cycle (Buwanang Dalaw)

Ano ang Menstrual Cycle?

Ang menstrual cycle ang tumutukoy sa buwanang pagbabago o kaganapan sa katawan ng babae bilang paghahanda sa pagbubuntis. Nakapaloob dito ang paglabas ng egg cell mula sa obaryo, pagpunta nito sa matres, pati na ang buwanang dalaw o pagdurugo na nararanasan ng mga kababaihan na nasa tamang edad.

Bakit nagkakaroon ng buwanang dalaw o pagdurugo?

Ang buwanang pagdurugo ay dahil sa regular na pagpapalit ng lining o pang-ibabaw na patong ng matres na nagaganap kapag walang nangyaring fertilization sa pagitan ng itlog o egg cell ng babae at isang semilya o sperm cell ng lalaki. Ang fertilization ay nagaganap lamang kapag nagtalik ang isang lalaki at babae at nagtagpo ang kanilang itlog at semilya.

Sa anong edad ito nagsisimula?

Ang menstrual cycle ay nagsisimula sa edad na 11 hangang 14 kung kailan dumadating sa maturidad o pagdadalaga ang mga batang babae. Ito ay bahagi ng mga pagbabago sa pangangatawan ng mga kababaihan sa pag-apak sa puberty stage. Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng hormones na estrogen at progesterone.

Gaano katagal ang isang ikot ng menstruation, at paano ito nagaganap?

Ang isang ikot ng menstruation ay nagsisimula sa unang araw ng pagdurugo at natatapos naman sa unang araw ng susunod na pagdurugo. Ito ay kadalasang tumatagal ng 28 na araw ngunit maaari rin namang mas maikli o mas mahaba kaysa dito.  Nakapaloob sa 28 na araw na ito ang paglabas ng itlog o egg cell mula sa obaryo (ovulation), pagdaan nito sa fallopian tube, at pag-abot nito sa matres. Kapag walang naganap na fertilization sa pagitan ng egg cell at semilya, ang ibabaw na patong ng matres ay mangangapal at mapapalitan ng bago. Ang nadurog na lumang patong ng matress ay lumalabas sa puwerta ng babae bilang dugo o regla.

Ano ang dapat gawin kung mayroong dalaw?

Ang babaeng mayroong dalaw ay lalabasan ng dugo sa loob ng ilang araw, depende kung gaano kalakas pag-agos ng dugo. Ito ay maaaring bumuhos ng malakas sa unang araw, at susundan ng paunti-unting patak ng dugo hanggang sa maubos dugo sa matres. Maaari din namang umagos ang dugo ng paunti-unti at tumagal ng 3 hanggang 5 araw. Kung kaya, makatutulong ang paggamit ng pasador o sanitary napkin sa panahon na nararanasan ang pagdurugo. Minsan pa, maaaring makaranas ng pananakit ng puson, o cramps, na maaaring maibsan sa pag-inom ng mga pain relievers.

Ano ang ibig sabihin ng iregular na dalaw?

Masasabing iregular ang dalaw kung ang pagitan ng bawat pagdurugo ay mas maikli sa 21 na araw o mas matagal pa sa 35 na araw. Gayundin kung may pagdurugo sa pagitan ng mga araw na ito. Ito ay nagaganap dahil sa ilang mga salik gaya ng sumusunod:

  • Sobrang pagdagdag o pagkabawas ng timbang.
  • Karamdaman sa pagkain tulad ng anorexia
  • Sobrang pag-eehersisyo
  • Emosyonal na stress
  • Paggamit ng ipinagbabawal na gamot
  • Abnormalidad sa hormones
  • Mga iniinom na gamot
  • Papalapit na menopause

Kailan humihinto ang buwanang dalaw?

Ang paghinto ng buwanang dalaw, na kilala sa tawag menopause, ay nagaganap sa edad na palapit sa 50. Dahil ito sa pagbawas sa hormones na lumalabas sa katawan kasabay ng pagtanda. Sa oras na dumating sa menopause ang babae, nawawala na rin ang abilidad ng babae na mabuntis.