Ano ang mga dapat at hindi dapat gawin kung napaso o nasunog ang bahagi ng katawan?

Ang pagkakapaso o pagkasunog ng bahagi ng katawan ay isa sa mga hindi kanais-nais na aksidenteng maaaring maranasan ng sinuman. Ito ay kayang-kayang maiwasan kung may tamang pag-iingat sa sarili at sa mga lugar na pinupuntahan. Ngunit kung sakaling hindi na naiwasan ang aksidente at dumanas na nga ng pagkapaso, ano ang mga dapat at hindi dapat gawin upang matulungan ang sarili o kung sinuman na apektado ng insidente para mapabuti ang pakiramdam at hindi lumala ang kondisyon? Alamin ang mga ito sa Kalusugan.Ph

paso

Mga dapat gawin kung sakaling napaso o nasunog ang bahagi ng katawan.

  • Itigil ang patuloy na pagkasunog ng bahagi ng katawan sa pamamagitan ng pag-alis sa damit na nakapatong sa apektadong bahagi ng katawan at pagpapadaloy ng tubig dito.
  • Kung ang indibidwal ay patuloy na nababalot pa rin ng apoy, hayaang magpagulong gulong sa lupa ang pasyente, balutin ng makapal na kumot, o kaya naman ay buhusan ng tubig o iba pang paraan ng pagpatay sa apoy.
  • Mahalaga na mapababa ang temperatura sa pamamagitan ng pagpapadaloy ng malamig at patuloy na dumadaloy na tubig sa bahaging napaso o nasunog.
  • Kung ang pagkasunog ay dulot naman ng iritasyon mula sa matapang na kemikal, mahalaga na madaluyan din ng patuloy na umaagos na tubig.
  • Balutin muna ng malinis na tela o gasa ang bahagi na nalapnos ng sunog at agad na isugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Mga hindi dapat gawin kung sakaling napaso o nasunog ang bahagi ng katawan.

  • Huwag sisimulang lagyan ng paunang lunas ang paso hanggat hindi naiaalis ang sarili sa panganib ng sunog.
  • Huwag basta-basta maglalagay ng kung anu-anong substansya sa paso gaya ng langis, toothpaste, bulak at iba pang substansya.
  • Huwag maglalagay ng yelo sa nalapnos na bahagi ng katawan sapagkat maaaring lumala lamang ang pinsala.
  • Huwag susubukang alisin ang nalapnos na balat o natutuklap na balat hanggat wala pang antibiotic na gamot.
  • Iwasang tapalan ng kung anu-anong bagay gaya ng tuwalya at bulak ang sugat sapagkat maaari itong pagmulan ng impeksyon
  • Huwag munang maglalagay ng gamot sa paso hanggat hindi pa natitignang mabuti ng doktor at hindi pa nalalaman kung anong gamot ang nararapat para sa kondisyon.

Paano makaiwas sa paso?

Ang kaso ng paso ay kayang-kayang maiwasan, sa bahay man o sa trabaho, kinakailangan lamang ang pagiging maagap at maingat sa lahat ng bagay na maaaring pagmulan ng sunog o paso. Narito ang ilan sa mga simpleng hakbang na maaaring sundin upang maiwasan ang kaso ng paso o sunod:

  • Huwag iiwan ang pagkain habang niluluto
  • Iiwas nang mabuti ang hawakan ng mga lutuan mula sa init ng apoy.
  • Gumamit ng maasahang proteksyon sa kamay kung trabaho ang paghawak sa maiinit na bagay.
  • Ilayo ang maiinit na likido o maiinit na bagay sa maaabot ng mga bata at alagang hayop.
  • Huwag magsusuot ng mga damit na maaaring sumayad sa apoy habang nagluluto
  • Ilayo ang mga bagay na madaling magliyab sa mga bagay na mainit
  • Huwag maninigarilyo. Kung hindi maiwasan, matutuong manigarilyo sa tamang lugar at itapon ang upos ng sigarilyo sa tamang tapunan.
  • Ilayo ang mga kemikal at mga bagay na madaling magliyab sa maaabot ng mga bata.

Ano ang gamot sa paso (burns)?

Ang paggagamot sa paso o burns ay depende pa rin sa kung gaano kalala ang kaso. Ang mga paso na umaabot lamang sa una at ikalawang antas ay maaaring malunasan na sa bahay gamit ang ilang mga aprubadong gamot para dito. Maaari itong pahiran ng ointment na mabibiling over-the-counter, o kaya ay katas ng aloe vera. Ang mga pasong hindi malala ay kadalsang gumagaling na pagkalipas lamang ng ilang linggo. Ang malulubhang kaso ng paso na umaabot sa ikatlo at ikaapat na antas ay maaaring mangailangan naman ng mas matinding gamutan.

Ang mga gamot na maaaring ibigay, depende sa lala ng kaso ng paso, ay ang sumusunod:

  • Pain reliever. Maaaring bigyan ng gamot na kontra sa sakit ang pasyenteng napaso. Ang malalang pagkasunog ng balat ay tiyak na magdudulot ng matinding hapdi at pananakit.
  • Cream at ointment. May ilan ding gamot na pinapahid ang mahusay para sa paso. Ang mga ito ay kadalsang nabibili na over-the-counter sa mga butika.
  • Antibiotic. Maaari ding bigyan ng antibiotic ang pasyente kung ang paso niya ay malala at nagdulot ng bukas na sugat. Dapat alalahanin na may posibilidad ng impeksyon sa pagkakaroon ng bukas na sugat.

Pagkatapos ng paggagamot, maaaring kailanganin din isailalim sa therapy ang pasyente lalo na kung naapektohan ang kakayanan nito sa pagkilos. Mahalaga din na mapaliit ang epekto sa normal na pamumuhay ng pasyente gaya ng paghinga, pagsasalita, at paglalakad ng peklat na posibleng matamo mula matinding paso.

Paano malaman kung may paso (burns)?

Ang paso o sunog sa katawan ay maaaring kailanganing ipasuri sa doktor upang malaman kung gaano kalala ang antas ng paso at anong bahagi ng katawan ang napinsala nito. Kung ang paso ay katamtaman lamang, maaaring susuriin lamang sa pamamagitan ng pag-oobserba sa bahaging napaso, titignan kung gaano ito kalala at maaaring tukuyin na rin kung anong mga bahagi ang napinsala.

Kung ang paso naman ay grabe o umabot sa ikatlo o ikaapat na antas ng paso, maaaring kailanganin pa ang ilang mga pamamaraan gaya ng X-ray, CT Scan at iba pang imaging procedures upang matukoy ang lawak ng pinsalang naidulot ng pagkasunod ng bahagi ng katawan.

Ano mga sintomas ng paso (burns)?

Ang sintomas na maaaring maranasan mula sa pagkakapaso ay naiiba-iba depende sa lala ng kondisyon. Ito ay nahahati sa apat na antas o degree.

• First Degree Burn. Ang unang antas ng lala ng paso ay tumutukoy sa bahagyang pagkakapaso na nakaaapekto lamang sa ibabaw na patong ng balat o epidermis. Ang balat ay namumula at mahapdi. Madali naman itong malunasan at gumaling pagkalipas lamang ng ilang araw.

• Second Degree Burn. Ang ikalawang antas ng lala ng paso ay nakaaapekto naman ibabaw na patong at sa bahagi ng balat na nasa ilalim nito (dermis). Ang balat ay namumula, mahapdi at kadalasang namamaga. Maaari ding labasan ito ng mga likido at mas matindi ang pananakit na mararanasan. Maaari na rin itong magdulot ng peklat sa balat.

• Third Degree Burn. Ang ikatlong antas ng lala ng paso ay tumutukoy naman sa pagkasunog, hindi lamang ng balat, kundi pati na rin ang laman at taba na nasa ilalim nito. Sa lala ng kondisyong ito, maaaring masira pati na ang mga nerves sa nasunog na bahagi ng katawan.

• Fourth Degree Burn. Ang ikaapat at ang pinakamalalang kaso ng paso o sunog sa katawan ay nakaaapekto sa mga kalamnan at maging sa buto. Sa sobrang lala ng kondisyon, ang malat at ilang bahagi ng laman ay maaring nangingitim na at nagsisimula nang magmistulang uling. Maaaring mawalan na rin ng pakiramdam ang bahagi ng nasunog na katawan dahil sa pinsala din sa mga nerves nito.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang mga karaniwang kaso ng paso ay kadalasang nalulunasan na sa bahay at hindi na kailangan pang ipatingin sa doktor. Ngunit kung maranasan ang mga sumusunod na sintomas, maaaring kailanganin na ang agarang atensyong medikal:

  • Tumitinding pananakit, pamamaga, pamumula, at paglabas ng mga likido sa paso.
  • Matagal o hindi naghihilom na paso kahit pa lumipas na ang ilang linggo.
  • Dumaranas ng kakaiba at bagong sintomas

Hindi na kailangang mag-atubili pang magpatingin sa doktor kung sakaling maranasan naman ang mga sumusunod na sintomas:

  • Malalang paso o sunog sa kamay, braso, mukha, singit, at iba pang mahalagang kasu-kasuan sa katawan gaya ng siko at tuhod.
  • Sunog o paso na dulot ng kuryente at matapang na kemikal
  • Paso na umabot sa ikatlo at ikaapat na antas.
  • Dumadanas ng hirap sa paghinga.

 

Mga kaalaman tungkol sa paso (burns)

Ano ang paso o burns?

Ang paso ay tumutukoy sa pinsala sa balat o sa anumang bahagi ng katawan na kadalasang dulot ng pagkakadikit sa mainit na bagay, o kaya ay dulot ng radiation, kuryente, pagkakakiskis (friction), o matapang na kemikal. Depende sa lala ng pagkakapaso, ito ay maaaring magdulot bahagyang pinsala na madaling malunasan, o kaya ay grabeng pinsala na maaaring makamatay.

Gaano kalaganap ang mga kaso ng paso?

Ayon sa World Health Organization, ang pagkakapaso ay isang nakababahalang problemang pangkalusugan na humahantong sa pagkamatay ng humigit kumulang 265,000 na mga indibidwal kada taon sa buong mundo. At karamihan ng mga kaso nito ay mula sa rehiyong Timog Silangang Asya kung saan kabilang ang Pilipinas.

Ano ang mga posibleng sanhi ng paso?

Sinasabing ang pagkakapaso sa balat at iba pang bahagi ng katawan ay karaniwang dulot ng mga sumusunod:

  • Mainit na likido (bagong kulo na tubig)
  • Mainit na bagay (plantsa, lutuan)
  • Apoy

Ang iba pang mga tinuturong sanhi ng pagkakapaso sa katawan ay ang sumusunod:

  • pagtama ng radiation sa katawan
  • pagkakakuryente
  • pagkiskis ng bahagi ng katawan sa isang bagay
  • Iritasyon mula sa matapang na kemikal

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng panganib ng pagkakapaso?

Maraming salik ang tinututring na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakapaso. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Trabaho na malapit sa panganib ng sunog (pagluluto sa kusina, mga pabrika, gasulinahan)
  • Mga tirahan na walang sapat na kaligtasan mula sa sunog
  • Pagkakaroon ng mga sakit kung saan nawawalan ng kontrol sa pagkilot (epilepsy, peripheral neuropathy)
  • Madalas na pag-inom ng alak at paninigarilyo
  • Paggamit ng mga likido na madaling magliyab (kerosene)