Ligtas bang inumin ang amoxicillin pag buntis?

Q: ligtas ba inumin ang amoxicillin pag buntis?

A: Ang Amoxicillin ay itinuturing na ligtas para sa mga buntis, ngunit ang pag-inom ng antibiotics ay dapat ikonsulta parin sa inyong doktor. Paalala: Iba’t iba ang klase ng antibiotics; at hindi lahat ng sakit ay kinakailangan ng pag-inom ng mga ito.

Para sa listahan ng mga gamot na bawal sa mga buntis, tingnan ang “Mga Gamot na Bawal sa Buntis” sa Kalusugan.PH.

May pintig sa tiyan kahit hindi naman buntis

Q: Doc posible po ba na meron po talagang pintig sa loob ng tyan kahit hindi buntis?

A: Oo, posibleng posible. Maraming mga kababaihan ang nakakaramdam ng ganitong sensasyon kahit hindi naman sila buntis. Yung iba nga, nagpatali na pero nakakaramdam parin ng ganito. Yung iba naman, dahil dito ay inaakala nilang buntis sila, pero hindi naman! Ang resulta, maraming mga kababaihan ang nagkakaroon ng ‘stress’ dahil sa pag-aalala kung ano bang ang ibig-sabihin ng mga pagpintig na ito sa tiyan.

Sa katunayan, hindi lamang pagpintig ng tiyan ang maaaring maramdaman ng mga babae na hindi naman buntis. Yung iba, nakakaramdam rin ng paglilihi, paglaki ng tiyan, pagtigil ng monthly period, at pagsusuka! Sa ngayon, hindi pa napapaliwanag kung anong sanhi nitong kondisyon na ito na tinatawag na pseudocyesis o false pregnancy.

Para sa iba, ang katiyakan na hindi sila buntis (o buntis talaga sila ay sapat na upang mawala ang mga ganitong nararamdaman. Yung iba naman ay lumilipas na lang ng kusa. Kung hinihinala mo na buntis ka, mas magandang magpatingin na lang sa doktor o gumamit ng pregnancy test upang makapanigurado.

Buntis ba ako? Posible bang buntis ako? Mga karaniwang tanong

Delayed ang aking period. Buntis ba ako?

Q1: doc .. itatanung ko lang po kung buntis ako? dahil apat na buwan na akong walang period. simula ng nag sex kami ng BF ko nung june 20, 2012 .. july hanggang ngayon wala pa din po akong period . hindi pa po ako gumagamit ng pregnancy test. Salamat po sa pag sagot.

Q2: delayed na po ako ng 2months buntis na po kaya ako doc?

Q3: Kapag 1 week kang delayed doc may posibilidad ba na buntis ako?

A: Pakiramdaman mo ang iyong katawan. May mga sintomas ka bang nararamdaman? Tingnan ang “Paano malaman kung buntis” na artikulo sa Kalusugan.PH upang malaman kung ano-ano ang mga sintomas na ito.

Kung hindi ka pa gumagamit pregnancy test, maganda kung gumamit ka na nito. Basahin ang “Gaanong kaaga pwedeng gamitin ang pregnancy test pagkatapos ng sex” upang malaman kung pwede ka na bang gumamit ng pregnancy test. Tingnan rin ang “Paano gamitin ang pregnancy test” na arikulo sa Kalusugan.PH upang malaman kung paano gumamit ng PT at paano basahin ang resulta nito.

Kung apat na buwan ka nang buntis, panahon na rin upang magpa-check up sa isang OB-GYN o midwife sapagkat dapat regular kang nagpapa-prenatal checkup. So ang payo ko sa’yo ay suriin agad ang iyong sarili sa mga sintomas, bilisang gumamit ng pregnancy test, at kung positive ito, magpatingin na kaagad sa doktor.

Pwede bang buntis kahit nagkakaron ng period after mag-sex?

Q1: Nagsex po kami ng BF ko nung sept. 14 pero nagkaron ako noong nakaraang buwan. Pero may tibok sa tyan ko. Posible bang buntis ako?

Q2: may posibilidad po bang buntis ako kahit ng mens po ako noong nakaraang buwan?

A: Regular ba ang pakiramdam mo nung huling regla po, o parang may kakaiba? Pwedeng magkaroon ng “spotting” isa o dalawang linggo pagkatapos mag-umpisa ang pagbubuntis o pagkatapos makipag-talik. Pero kung talagang regular kang dinatnan noong nakaraang buwan, e di malamang, hindi ka buntis at at pagtibok ng tiyan ay may ibang sanhi.

Para sigurado, bakit hindi ka gumamit ng pregnancy test? Para panatag ang loob mo. Tingnan ang “Paano gamitin ang pregnancy test” na arikulo sa Kalusugan.PH upang malaman kung paano gumamit ng PT at paano basahin ang resulta nito. Basahin rin ang “Gaanong kaaga pwedeng gamitin ang pregnancy test pagkatapos ng sex” para sa karagdagang kaalaman.

Q3: Ask kulang po doc last po kc nmin nagkaroon ng loving loving ng aswa ko ay noong sept 16,2012 den nagkaroon po ako ng mens noong sept 22,2012 pero po sa buong October until now sala pa po ako mens. Posible bang buntis ako?

A: Katulad rin sa mga naunang tanong, kung ‘spotting’ lang ang nangyari noong huli mong regla, o parang iba ito sa dati, ay posible paring buntis ka. Ang tanong ko sa iyo ay: May mga sintomas ng pagbubuntis ka bang nararamdaman? Magpa-pregnancy test ka na lang, at kung positive ito, magpatingin sa OB-GYN, doktor, o magpunta sa health center upang mabigyang-gabay.

Paano malaman kung buntis, kung irregular ang regla?

Q1: Doc, tanong ko lang po ako po ba ay buntis? gumamit naman po kami ng condom. 1week na po ang nakakalipas. Ireg po kasi ang regla ko. Yung ika 1st week po matapos ang aming pagtatalik nag kamens po ako. Hindi ko po alam kung regla po yon na nasabay sa 1stweek. Or ibang dahilan po yung pagdudugo. Parang regla naman po sya kung lumabas. Tapos po parang hindi po okay ang tyan ko. Tapos parang gusto ko po dumighay pero hindi po ako makadighay hindi ko po alam kung naduduwal ako o nadidighay. May posibilidad po kayang buntis ako?

Q2: Possible din ba na buntis pag dalawang beses dinatnan ng regla sa isang buwan; 1stweek at last week tapos 1st week ng month nung sumunod ng buwan?

A: Muli, ang pinakamabisang solusyon upang malaman kung buntis ka o hindi ay ang pag-gamit ng pregnancy test. Kung ikaw ay naka-miss ng pag-regla, o kung 21 na araw na ang nakalipas mula ng inyong pakikipagtalik, pwede ka nang magpa-pregnancy test. Ang paggamit ng condom, bagamat mabisang paraan ng family planning, ay pwede paring sumablay, halimbawa kung nabutas ito habang kayo ay nagsesex. Kung nakakaramdam ka ng mga sintomas, mas mabuti nang sigurado.

Posible parin bang maging buntis kahit negative ang pregnancy test?

Q1: 2weeks and 3days delayed na po hindi ako dinatnan..pero sa PT ko po doc.negative ang resulta..hanggang ngayon hindi pa ako dinatnan..pwede parin bang buntis ako doc?

A1: Oo, posible parin, lalo na kung ang pregnancy test na ginawa mo ay napaaga – halimbawa, kung ginawa mo bago ka datnan, o wala pang 14 na araw pagkatapos ng iyong huling pakikipagtalik. Pwede ring maging negatibo ang resulta ng pregnancy test kung naparami ang inom mo ng tubig bago mo ito ginawa, o hindi mo nasunod ng maayos ang mga instructions kung paano gumamit nito (tingnan ang artikulo sa Kalusugan.PH). Bakit hindi mo ulitin ang pergnancy test para makatiyak? Ito’y mas maganda kung gagawin sa umaga, pagka-gising.

Kung negative talaga, hindi lamang pagbubuntis ang pwedeng maging sanhi ng delayed na mens. May mga kondisyon gaya ng PCOS, at pag-inom ng ilang mga gamot, na pwedeng maging sanhi nito. Upang ma-examine ka ng maayos, magpatingin sa OB-GYN o ibang doktor upang matiyak kung ano bang sanhi nito, at upang masigurado kung buntis ka ba talaga o hindi.

Q2: hi doc, posible po ba na buntis ako kahit negative ang p.t ko? sabi po ng traditional hilot may heartbeat po ng baby sa loob ng tyan ko posible daw po nababalutan ang baby ko. Ang case ko po kasi nung feb. 2013 ngpapasmear and inject po ako, ang bisa po ay hanggang may 20 di na po ako nagpainject ulit kasi gusto na po ng hubby ko magkaanak at gusto ko na din… simula po nung nagpainject ako until now di po ako nagkakaron ng mens, pero before nung pills palang gamit ko regular ang mens ko. Tanong ko po ulit posible po ba na buntis na ako talaga.

A2: Posible parin naman kung napaaga ang pag-gamit mo ng pregnancy test o PT. Ulitin ito kapag 21 days na makalipas ang iyong pakikipagtalik. Isa pa, obserbahan mo ang katawan mo kung may mga sintomas ng pagbubuntis (basahin ang artikulong ito sa Kalusugan.PH). Kung wala ang mga ito at negative ang pregnancy test, tiyak na hindi ka buntis.

Kapag ba positive ang P.T., buntis na talaga?

Q: Doc kapag po ba POSITIVE ang P.T at ginamit ito ng wala pang isang linggo buntis po ba iyun? , mas mabuti po bang gamitin ang P.T kung ika 21 days ?

A: Kung positibo ang P.T., ito’y indikasyon na talagang buntis na ang babae, maliban na lang kung depektibo ang ginamit na pregnancy test, may iniinom na gamot ang babae gaya ng fertility treatment, o may ilang kondisyon gaya ng kyawa. Kung kayo ay regular na nagsesex, pwede rin naman na makasanhi ng pagbubuntis ay yung mga nauna nyo pang pakikipagtalik, kaya kahit wala pang 14-21 na araw mula sa inyong huling pakikipagsex ay positibo na kaagad. Isa pa, minsan kahit isang linggo pa lamang makatapos ang inyong pakikipagtalk ay pwede na talagang mag-umpisa ang pagbubuntis at maging positive angg P.T. Para sure, bakit hindi nyo na lang ulitin? Mahalaga na wasto ang iyong paggamit ng P.T. para makatiyak sa resulta nito. Basahin ang artikulong Paano gumagamit ng pregnancy test sa Kalusugan.PH.

Posible bang mabuntis kung nag-sex ng kakatapos lang ng regla?

Q: posible bang mabuntis ako dahil kakatapos lng ng regla ko nagsex kami ng asawa ko? tapos after a week nagkaroon ako ng regla pero one day lang?

A: Oo, posible. Isa sa mga unang senyales ng pagiging buntis ay ang pagkakaron ng ‘spotting’ na maaaring mapagkamalang regla kahit na wala ito sa oras, at hindi tumatagal ng isa o dalawang araw. Maaari kang gumamit ng pregnancy test 14 na araw pagkatapos ng pakikipagtalik o sa unang araw ng susunod dapat na monthly period kung ito’y hindi na dumating. Panigurado, pregnancy test na lang muna. Maging alerto rin sa mga iba’t ibang sintomas ng pagbubuntis. Kung mapag-alamang buntis, siguraduhing may gabay ng isang OB-GYN o iba pang doktor o midwife.

Maaari bang buntis kung nagkaroon ng mens?

Q: Maaari bang buntis kung nagkaroon ng regla?

A: Kung ito ay totoo at regular regla, hindi maaari. Subalit tandaan na ilang linggo pagkatapos mabuntis ang isang babae ay maaari siyang magkaron ng spotting – duduguin ang babae ngunit konti lamang kung ikokompara sa mens. Upang makatiyak, gumamit ng pregnancy test para malinawan kayo ng kapartner mo.

Paano kung positive ang P.T. pero wala namang sintomas?

Q: Nagkaroon po yung friend ko noong july 12 2013 tas ngayon aug. 12 hindi pa din sya nagkakaroon..nahihilab naman po yun puson nya at nag p.t naman siya positve po. Pano ba yun buntis na po ba yung friend ko na yun kahit wala naman sintomas ng pagbubuntis?

A: Kung positive ang pregnancy test, natigil na ang pagregla, at may mga pagbabago sa puson, malamang buntis na talaga. Tandaan na ang pagtigil ng regla at ang mga pakiramdam gaya ng paghilab ng tiyan ay mga sintomas na mismo ng pagbubuntis.

Ilang araw pagkatapos magsex pwedeng malaman kung buntis?

Q: Ilang days po malalaman na ang isang babae ay buntis?.Last September 8, 2014 my nangyari po samin ng boyfriend ko. Thank you po.

A: Ang unang senyales ay kung hindi ka datnan ng regla sa iyong kabuwanan. Kung irregular ka, pwede kang gumamit ng pregnancy test 21 na araw paktapos ng inyong pagtatalik.

Posible bang mabuntis kung nagtalik ng kakatapos lang ng monthly period?

Q: Doc matanong ko lang sept 15 dinugo ang girlfriend ko tapos nong sept 18 nagtalik kami…pagkatapos ilang weeks buntis sya..posible ba yun doc?

A: Kalimitan, ang pakikipag-sex ng walang proteksyon mula unang araw ng regla o menstruation hanggang ika-pitong araw pagkatos ng araw na ito ay maliit ang posibilidad na ang isang babae na nabuntis. Pero hindi may pag-aalinlangan, o kung hindi tiyak ang mga petsa, tanging ang paggamit ng pregnancy test ang siyang makakasagot kung buntis ba o hindi ang isang babae. Ito’y maaaring gamitin kung hindi dinatnan ang isang babae, o kaya 21 na araw pagkatapos makipagtalik sa mga irregular ang period.

MAGBASA PA: MGA SENYALES NG PAGBUBUNTIS AT PANGANGAK
Mga senyales ng una hanggang ikatlong buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-apat hanggang ika-anim buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-pito hanggang ika-siyam na buwan ng pagbubuntis
Mga senyales na malapit nang manganak

Wastong nutrisyon para sa mga buntis

Ang tamang nutrisyon ay mahalagang bantayan sa isang babaeng nagdadalang-tao. Ayon sa mga pag-aaral, ang timbang ng ina ay nakakaapekto sa resultang timbang ng isinilang na sanggol.

Ang mga kulang sa timbang na ina o underweight ay nagsisilang ng mga mas maliliit na bata. Samantala, ang sobra naman sa timbang o overweight ay nagkakaroon ng mas malaki sa normal na sanggol na hindi rin mabuti sapagkat maaari itong magbunga ng mas mahirap na proseso ng pagluluwal sa bata. Sa ibaba nakatala ang nirerekomendang dagdag na timbang sa mga ina sa panahon ng pagdadalang-tao ayon sa kanilang body mass index (BMI=kg/m2).

Read More

BMI bago ang pagbubuntis Rekomendang Dagdag sa Timbang

Klasipikasyon ng Timbang BMI Pounds na idadagdag Kilo na idadagdag
Mababa ang Timbang (Underweight) Mababa sa 18.5 28 – 40 13 – 18
Normal na Timbang 18.5 – 24.9 25 – 35 11 – 16
Medyo Mataas na Timbang (Overweight) 25 – 29.9 15 – 25 7 – 11
Lubhang Mataas ang Timbang (Obese) Mataas sa 30 11-20 5 – 9

Minerals

Maliban sa iron, lahat ng diets na nagbibigay ng sapat na calories upang makamit ang sapat na timbang ay magbibigay ng sapat na minerals upang maiwasan ang kakulangan kung iodized food ang gagamitin.

  • Iron. Humigit kumulang 300 mg ng iron ang napupunta sa fetus at sa placenta o inunan samantalang 500 mg naman ang napupunta sa satumataas na hemoglobin ng ina kung kaya’t halos lahat ng iron ay gamit na pagdating g kalagitnaan ng pagbbuntis. Kakaunti lamang sa mga babae ang may sapat na supply ng iron sa katawan at hindi kadalasan nakukuha mula sa diet ang kinakailangang dami ng iron. Nirerekomenda na at least 27 mg ng ferrous iron supplement ang ibigay araw-araw sa mga nagdadalangtao. Ang mga sumusunod ay nirerekomenda na mabigyan ng 60 – 100 mg ng iron kada araw: (a) kung siya ay malaking tao, (b) kambal ang dinadala, (c) sa huling bahagi na ng pagbubuntis nagsimulang uminom ng iron, (d) hindi regular uminom ng iron, (e) o kaya naman ay mababa ang lebel ng hemoglobin. Hind kinakailangang magbigay ng iron sa unang apat na buwan ng pagbubuntis. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagkahilo at pagsusuka. Inumin ang iron bago matulog o pag walag laman ang tiyan upang mas madali ito magamit ng katawan at maiwasan ang hindi kanaisnais na reaksyon sa sikmura.
  • Calcium. Hindi mahigpit na pinagbibilin na uminom ng calcium supplement ang nagdadalang tao. Siya ay maaaring uminom o hindi uminom nito. Mayroong 30 g ng calcium ang nagdadalan tao na kung saan ang karamihan nito ay napupunta sa kanyang supling sa huling bahagi ng agbuunis. Mayroon pang ibang pinagmumulan ang calcium ng ina tulad ng mga buto; maaari itong gamitin para sa paglaki ng fetus.
  • Phosphorus. Marami at sapat ang distribusyon nito sa katawan.
  • Zinc. Kailangang uminom ng zinc ang nagdadalang tao ng 12 mg kada araw. Ang kakulangan sa zinc ay nagdudulot ng kawalan ng gana sa pagkain, hindi mahusay na paglaki, at hindi mainam na paggaling ng sugat. Pag matindi ang kakulangan, maaaring magkaroon ng dwarfism, hypogonadism, o acrodermatitis enteropathica.
  • Iodine. Ang paggamit ng iodized salt upang matugunan ang pangangailangan ng fetus at pagkawala mula sa ihi ng ina. Mahalaga rin ito upang maiwasan ang cretinism, isang abnormal na kondisyon mula pagkapanganak na kung saan ay may kakulangan sakanyang paglaki at pag-iisip na maaaring idulot ng matindng problema sa thyroid.
  • Magnesium. Ang pagbibigay ng magnesium ay hindi naman nagpapahusay ng resulta ng pagbubuntis.
  • Copper. Ang copper ay mahalaga lalo na sa paggawa ng enerhiya na kailangan sa metabolismo ng katawan ngunit wala pang naulat na kakulangan nito sa mga tao habang nagbubuntis.
  • Selenium. Ito ay mahalaga upang malabanan ang free radical damage. A akulangan nito ay nagdudulot ng nakamamatay na sakit sa puso ng mga bata at mga nagdadalang tao. Hindi rin nakabubuti kung ito ay sobra-sobra.
  • Chromium. Wala pa naming naitalang impormasyon na kinakailangang magbigay nito sa mga buntis.
  • Manganese. Ang pagbibigay nito ay hindi naman kinakailangan sa pagbubuntis.
  • Potassium. Ang konsentasyon nito ay bumababa sa dugo ng nagddalangtao sa gitna ng kanyang pagbubuntis. Matagal na pagkahilo at pagsusuka ay maaaring magdulot ng pagbaba ng potassium o hypokalemia at metanolic alkalosis.
  • Sodium. Kung normal ang diet ng babae, sapat naman ang dami ng sodium na makukuha mula dito.
  • Fluoride. Hindi naman nirerekomenda na ibigay sa mga buntis.

Bitamina

  • Tumataas ang pangangailangan sa mga bitamina sa pagbubuntis. Ito ay makukuha mula sa diet na nagbibigay ng sapat na calories at protina maliban sa folic acid na kailangan pang lalong dagdagan tulad pag tuloy-tuloy ang pagsusuka, mahigit sa isa ang pinagbubuntis, o kapag may hemolytic anemia.
  • Folic Acid. Ang mga babaeng maaaring mabuntis ay nirerekomenda na umnom ng 400 ug ng folic acid sa buong panahon na pwede silang magdalangtao. Ito ay nakabubuti upang maiwasan ang mga neural tube defects o mga problema sa pagdebelop ng utak at spinal cord.
  • Vitamin A. Mainam na kumain ng maraming prutas at gulay sapagkat mayaman ang mga ito sa beta carotene a pinagmumulan ng bitamina A. Ang kakulangan nito ay nagdudulot ng panghihina ng paningin sa gabi at anemia sa mga ina pati na rin ang panganganak ng kulang sa buwan.
  • Vitamin B12. Ito ay makukuha mula sa mga pagkain na galing sa mga hayop kung kaya’t ang mga ina na kumakain lamang ng gulay at hindi kumakain ng karne ay maaaring magkaroon ng kakulangan sa bitaminang ito. Ang sobra-sobrang pag-inom ng bitamina C ay maaari ring magdulot ng kakulangan nito.
  • Vitamin B6. Ang mga babae na hindi sapat ang kinakain ay kailangang uminom ng 2 mg nito.
  • Vitamin C. Nirerekomenda na uminom ng 80-85 mg/day ang mga buntis. Ito ay maaari nang makuha mula sa sapat at masustansyang diet.

Mahahalagang Paalaala ukol sa Nutrisyon

  • Dapat kumain ang mga buntis kung ano ag nais nyang kainin, sa dami base sa kanilang ninanais, at ayon sa kanilang panlasa.
  • Kumain ng sapat ang dami upang matugunan ang pangangailangan ng katawan.
  • Bantayan ang pagbigat ng timbang. Ang nais na dagdag na timbang ay 25-35 lbs kung normal ang body mass index o tama lamang ang katawan.
  • Uminom ng sapat na iron – pinakamababa na ang 27 mg araw-araw. Uminom din ng folate bago at sa mga unang lingo ng pagbubuntis.
  • Bantayan ang konsentrasyon ng hemoglobin o hematocrit sa ika-28 hanggang ika-32 linggo ng pagbubuntis.

Folic acid at pagbubuntis

Q: paano po kung nauudlot ang pag inom ng folic acic n nireseta sa akin? ano po ang pwedeng idulot nito saking pagdadalang tao lalo na’t unang anak ko po ito.?

A: Ang folic acid ay rekomendadong inumin ng mga nagdadalang-tao sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis (hanggang 12 na linggo), sapagkat ito’y nakakatulong maka-iwas sa pagkakaron ng mga karamdaman sa baby gaya ng mga neural tube defect (NTD) o problema sa spinal cord.

Nirerekomenda na ang mga buntis o ang mga gustong mabuntis ay uminom ng folic acid, 400 mcg bawat araw, hanggang 12 na linggo. May mga pagkain rin gaya ng mga gulay at ‘brown rice’ na may folic acid, at magandang kainin ng mga buntis.

Kung ikaw ay buntis at hindi ka naka-inom ng folic acid at hindi pa nakaka-12 linggo ay iyong pagdadalang-tao, bumalik sa pag-inom ng folic acid. Maraming preparasyon ng folic acid na nabibila sa alin mang botika. Kung nakalampas na ang 12 weeks, hindi na kailangang uminom nito. Huwag mag-alala sa lagay ng iyong baby, sapagkat hindi naman nangangahulugan na magkakaron ng sakit ang iyong baby kung hindi ka naka-inom ng folic acid. Subalit, makipag-ugnayan sa iyong doktor o OB-GYN kung anong mga dapat gawin. Halimbawa, ang Vitamin D ay rekomendadong inumin hanggang sa panganganak.

Tingnan ang artikulong “Wastong Nutrisyon Para sa Mga Buntis” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman tungkol sa wastong pagkain habang buntis.