Ang pagbubuntis ang isa sa mga pinakamaselang bahagi sa buhay ng isang babae. Kailangang isaalang-alang sa lahat ng pagkakataon, hindi lamang ang buhay ng inang nagbubuntis kundi pati na rin ang buhay ng bata sa kaniyang sinapupunan. Sa panahong ito, kinakailangang maging mapili sa mga pagkaing kinakain, at maging maingat sa mga gamot na iinumin.
Upang maging mas malinaw kung anong mga bagay ang dapat gawin, gayundin ang mga bagay na dapat namang iwasan habang nagbubuntis, mabuting tunghayan sa Kalusugan.Ph ang mga health tips kaugnay nito.
Mga bagay na dapat gawin sa pagbubuntis
1. Regular na magpatingin sa doktor.
Tiyakin ang buwanang pagdalaw sa doktor mula sa araw na malamang nagdadalang-tao. Mahalaga ito upang mabigayan ng tamang pangangalaga ang bata sa sinapupunan, at kaya naman, para matukoy kaagad kung may komplikasyon sa pagbubuntis at agad na maagapan. Kung meron man, tiyakin sa doktor ang paggagamot sa mga karamdaman o kondisyong nararanasan ng ina upang hindi maapektohan ang pagbubuntis.
2. Tuloy-tuloy na pag-inom ng bitaminang Folic Acid (Vitamin B9).
Ang folic acid o Vitamin B9 ay mahalagang bitamina na lalong kailangan ng mga babaeng maaaring magbuntis. Inaasahan ang 400 hanggang 800 microgram na bitamina sa bawat araw upang maiwasan depekto sa pagbubuntis. Basahin ang iba pang kahalagahan ng Vitamin B9 o Folic Acid: Kaalaman tungkol sa Folic Acid.
3. Kumain ng balanse at masustansyang pagkain.
Tiyakin din na sapat at balanse ang masusustansyang pagkain na kinakain sa bawat araw. Kumain ng prutas, gulay, whole wheat na tinapay, karne, at mga pagkaing mayaman sa calcium.
4. Tiyaking sapat ang iron na tinatanggap ng katawan.
Bukod sa mga bitamina at mineral na karaniwang nakukuha sa mga masusustanysang pagkain, dapat ding tumanggap ng sapat na dami ng iron bawat araw. Makatutulong ito na maiwasan ang pagkakasakit ng anemia na may kaugnayan sa maagang panganganak at mga batang mababa ang timbang. Basahin ang iba pang kahalagahan ng iron sa kalusugan: Kahalagahan ng iron sa katawan.
5. Damihan ang iniinom na tubig
Dapat lamang din na sapat ang tubig na iniinom ng nagbubuntis na ina upang maiwasan dehydration na masama sa kalusugan. Basahin ang kahalagahan ng regular na pag-inom ng tubig: Kahalagahan ng pag-inom ng tubig.
6. Regular pa ring mag-ehersisyo
Hanggat hindi pinapayuhan ng doktor na itigil ang pag-eehersisyo, makabubuting regular pa rin na mag-ehersisyo kahit pa nagbubuntis. Makatutulong ang pag-eehersisyo hindi lamang sa ina kundi pati na rin sa kanyang dinadalang anak. Basahin ang ilang mabuting paraan ng pag-eehersisyo sa umaga: 7 Mabuting ehersisyo sa umaga.
7. Panatilihin ang tamang timbang.
Mas tumataas ang pagkakaroon ng komplikasyon sa pagbubuntis sa mga inang may sobrang timbang. Kontrolin ang pagdaragdag ng timbang sa tulong ng payo ng doktor. Basahin ang ilang mga hakbang sa pagpapanatili ng tamang timbamg: Mga tips para maiwasan ang sobrang timbang.
8. Bigyan ang sarili ng sapat na oras ng tulog
Ang 7 hanggang 9 na oras ng tulog ang kinakailangang panahon ng pagtulog ng isang nagbubuntis na ina sa bawat araw. Ang pagtulog nang sapat ay makatutulong na pagbutihin ang pagdaloy ng dugo sa pagitan ng ina at batang pinagbubuntis. Alamin ang kahalagan ng sapat na tulog sa araw-araw: 5 Kahalagahan ng Pagtulog.
9. Iwasan ang emosyonal na stress
Kontrolin ang mag bagay na nakapagbibigay ng stress. Iwasan ang mga ito hanggat maaari. Alamin ang mga hakbang para mawala ang stress na nararamdaman: Pagrerelax kontra stress.
10. Maging maingat sa mga gamot na iniinom.
Laging kumonsulta muna sa doktor kung ligtas sa pagbubuntis ang iinumin na gamot. May ilang mga gamot kasi na maaaring makaapekto sa kalusugan ng ipinagbubuntis.
Mga bagay na hindi dapat gawin o dapat iwasan sa pagbubuntis
1. Paninigarilyo
Walang mabuting epekto ang paninigarilyo sa kalusugan ng sinuman, lalo na sa inang nagbubuntis. Itigil ang paninigarilyo.
2. Pag-inom ng alak
Maaaring may idulot din na masamang epekto sa pagbubuntis ang maramihang pag-inom ng alak. Upang makasigurado, itigil na ang pag-inom ng alak habang nagbubuntis. Alamin din ang mga sakit na makukuha sa sobrang pag-inom ng alak: Mga sakit na makukuha sa alak.
3. Paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot
Delikado hindi lamang sa buhay ng ina, kundi pati na rin sa batang nasa sinapupunan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot habang nagbubuntis. Ipaalam sa doktor kung gumagamit ng anumang ipinagbabawal na gamot upang matulungan na matigil ito.
4. Paglapit sa mga nakalalasong kemikal
Dapat ding umiwas sa anumang nakalalasong kemikal, usok, o substansya sa paligid lalo na kung nagbubuntis. Ang simpleng pagkakalanghap o pagdikit sa balat ng mga nakalalasong kemikal ay maaaring may epekto sa bata sa sinapupunan.
5. Pagkakahawa sa mga sakit at impeksyon
Hanggat maaari, dapat ding iwasan ang pagkakasakit sa buong haba ng panahon na nagbubuntis. Panatilihing malakas ang resistensya at sapat ang mga bakuna at mga gamot na pangontra sa mga malulubhang sakit gaya ng tigdas, bulutong, trangkaso at iba pa. May posibilidad na magkaroon ng depekto sa batang pinagbubuntis ang pagkakaroon ng sakit.
6. Pagpapasailalim sa X-ray
Hindi ligtas ang pagpapatama ng X-ray sa katawan ng nagdadalang-tao sapagkat maaari din itong magdulot ng depekto sa batang ipinagbubuntis. Laging ipaalam sa doktor na nagbubuntis bago sumailalim sa anumang pagsusuri sa mga ospital. Dagdagan ang kaalaman tungkol sa pamamaraang medikal na X ray: Mga kaalaman tungkol sa X ray.