Ang bungang araw, o prickly heat rash sa Ingles, ay ang kondisyon ng pagkakaroon ng mapupulang at maliliit na butlig-butlig sa balat na maaaring mahapdi o makati. Ito ay karaniwang kondisyon sa mga lugar na maiinit gaya ng Pilipinas at sa panahon ng tag-araw o summer. Higit itong nakaaapekto sa mga kabataan at mga sanggol sapagkat ang kanilang mga sweat glands ay hindi pa lubos na nabubuo.
Bakit nagkakaroon ng bungang araw?
Ang pagkakaroon ng bungang araw ay nagsisimula sa sobrang pagpapawis ng balat dahil sa sobrang init at pagkaalinsangan ng paligid. At dahil dito, mas madaling nababarahan ng dumi at bacteria ang mga sweat glands na siya namang nagdudulot ng pagkakaroon ng butlig-butlig sa balat. Sa oras na pumutok ang mga butlig-butlig na ito at tumagas ang mga naipong pawis, makakaramdam ng pangangati at paghapdi.
Ano ang maaaring komplikasyon ng pagkakaroon ng bungang araw?
Ang mga karaniwang bungang araw ay hindi naman dapat ikabahala, at nawawala rin naman ng kusa matapos ang ilang araw. Ngunit dapat tandaan na ang kondisyong ito ay maaaring makaapekto sa mekanismo ng pagpapalamig ng katawan (body’s cooling system), at sa oras na mangyari ito, nariyan ang panganib ng heatstroke. Ang heatstroke ay isang seryosong kondisyon na maaaring makamatay kung hindi maaagapan.
Ano ang gamot sa bungang araw?
Sa karamihan ng kaso, kusang nawawala ang bungang araw at mga sintomas nito matapos ang ilang araw lalo na kung mananatiling malalamigan. Hanggat maaari iwasang mainitan at pagpawisan upang hindi na lumala ang konidisyon. Makatutulong ang pagpapatuyo sa tapat ng bintilador o aircon upang malamigan. Kung mahapdi o makati, makatutulong ang paglalagay ng calamine o hydrocortisone cream. Iwasan din ang paglalagay ng ibang substansya o likido na maari lamang makairita sa balat.
Paano makaiwas sa bungang araw?
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng bungang araw, dapat ay maiwasan mismo ang dahilang ng pagpapawis. Hanggat maaari, umiwas sa mga lugar na sobang maalinsangan at mainit; Umiwas din sa pagkilos na magsasanhi ng matinding pagpapawis. Makatutulong din ang pagsuot ng mga damit na maluluwang at yari sa cotton.