Kilalanin Ang Mga Parasitikong Bulate sa Katawan ng Tao

Parasitismo ang tawag sa interaksyon ng dalawang organismo kung saan, ang isang organismo (parasitiko) ay kumukuha ng sustansya o kahit na anong benepisyo mula sa ikalawang pang organismo (host), habang siya naman ay walang nakukuha mula sa naunang organismo kundi’y pinsala lamang. Ang kuto na naninirahan sa ulo ng tao ay isang halimbawa ng parasitismo, gayundin ang lahat ng uri ng fungus, virus at bacteria na makikita sa katawan na nakapagdudulot ng iba’t ibang sakit. Ngunit bukod sa mga ito, ang isa sa mga pinakakilalang parasitiko sa katawan ng tao ay ang mga bulate sa tiyan. Ang mga parasitikong bulate, na kadalasan ay nakukuha sa mga kontaminadong pagkain at maruming istilo ng pamumuhay, ay kadalasang naninirahan as tiyan ng tao at walang mabuting maidudulot.

Narito ang ilang klase ng bulate ang maaaring maging parasitiko sa katawan ng tao

Ascaris o Roundworm. Ang mga bulateng Ascaris o roundworm ay makikilala sa kanilang bilogan at mahabang katawan. Kadalasan itong naninirahan at nagpaparami sa bituka ng tao. Maaari itong makuha kung ang pagkain na kinain, o ang kamay o kahit na anong bagay na isinubo, ay kontaminado ng itlog nga bulate. Ang taong apektado ng bulateng ito ay maaaring makaranas ng panghihina, kabawasan ng timbang, kawalan ng gana kumain, diarrhea, at pananakit ng tiyan. Kung mapapabayaan, maaari itong humantong sa pagkakaroon ng anemia o malnutrisyon. Tinatawag na ascariasis ang kondisyon ng pagkakaroon nito sa tiyan.

Ascaris o roundworm

Enterobius o pinworm. Ang sumunod na uri ng bulate sa tiyan ay ang Enterobius o pinworm. Kilala ito sa pagkakaroon ng mala-kalawit na buntot at naninirahan sa bituka ng tao. Nakukuha ito sa pagkain ng kontaminadong pagkain o kaya naman ay sa pagkakalangham ng itlog na tinangay ng hangin. Ito ang bulate na nakapagdudulot ng matinding pangangati sa butas ng puwet. Nagaganap ang pangangati sa tuwing mangingitlog ang bulate sa butas ng puwet. Maliban sa iritableng pakiramdam mula sa matinding pangangati ng puwet, wala nang iba pang seryosong komplikasyon ang maaaring idulot ng parasitikong ito.

Enterobius o Pinworm

Tapeworm. Ang mga tapeworm ay bulate na mahaba at pipi o flat, na tila isang haba ng tape, na kadalasang naninirahan sa bituka. Ito ay nakukuha mula sa pagkain ng karne ng baka, baboy o isda na kontaminado ng itlog at hindi naluto ng tama. Ang pagkakaroon ng tapeworm sa katawan ay maaaring magdulot ng pangangayayat, panghihina ng katawan, pananakit ng katawan at madalas na pagkagutom. Di tulad ng ibang bulate, ang tapeworm ay may kakayanang dumami sa pagkakahati ng katawan nito, kung kaya’t makabubuti na maaalis ang lahat ng tapeworm sa katawan sa panahon ng gamutan, dahil kung hindi, maaari lamang itong manumbalik at muling magparami sa bituka.

Tapeworm

Trichina spiralis. Ang isa sa mga pinakanakakasamang parasitikong bulate ay ang Trichina spiralis na maaaring makuha sa pagkain ng karning hindi naluto ng tama. Ang mga bulateng ito ay natutukoy sa itsurang nakapulupot sa mga kalamnan. Sa umpisa ay naninirahan at nagpaparami ito sa bituka at maaaring makapagdulot ng pagsusuka, panghihina at kabawasan ng timbang, ngunit kinalaunan, ito ay may kakayanang pumasok sa kalamnan, at umabot sa puso at sa utak na maaaring makamatay. Tinatawag na Trichinosis ang sakit na dulot ng bulateng ito.

Trichina spiralis

Filarial worm. Ang mga bulate gaya ng Wuchereria bancrofti, Brugia malayi, at Brugia timori ay ang mga parasitikong bulate na naninirahan sa dugo at nakukuha mula sa kagat ng lamok na apektado ng bulate. Ito ang nakapagdudulot ng sakit na Elephantiasis na karaniwan sa ilang lugar sa Pilipinas. Ang sakit na ito ay natutukoy sa pagkakaroon ng paglaki at pamamaga ng mga paa at bayag ng kalalakihan.

Filaria worm sa dugo

Schistosoma o bloodfluke. Ang mga bulateng schistosoma o bloodfluke ay ang mga bulateng maaaring makuha mula sa pagkain ng suso o snail. Ang sakit na schistosomiasis na dulot ng bulateng ito ay ang itinuturing na pangalawa sa pinakamalala at nakamamatay na kaso ng parasitismo sa mundo, pangalawa sa malaria. Ang bulate ay naninirahan at nangingitlog sa mga daluyan ng dugo na pumapalabot pantog (bladder) kung kaya’t ang kadalasang naapektohan ay bato at pantog. Maaari itong makapagdulot ng pananakit ng tiyan, pagdurugo sa tae at ihi, sakit sa bato, at minsan ay pagkabaog. Ang taong apektado ng bulateng ito ay kadalasang mayroong malaking tiyan.

Schistosoma o bloodfluke

Trichuris o whipworm.  Ang bulateng ito ay natutukoy sa pagkakaroon ng katawan na mala-latigo ang anyo. Gaya ng ascaris, nakukuha ito sa sa mga kontaminadong pagkain. Naninirahan ang mga bulate at nagpaparami sa bahagi ng malaking bituka o large intestine. Kung ang bilang nito sa bituka ay tumaas, maaaring magdulot ito ng panghihina, pananakit ng tiyan, at pagtatae. Tinatawag na Trichuriasis ang sakit na dulot ng bulateng ito.

Trichuris o whipworm

 

Ano ang mabisang gamot sa bulate sa tiyan?

Q: ano po ang gamot sa bulate sa tiyyan??? 15 years old po ako.. dumumi ako kanina may lumabas po na isa ehh natatakot po ako..

A: Huwag kang mag-alala. Ang pagkakaron ng bulate sa tiyan ay isang karaniwang problema na may madali at epektibong lunas. Uminom lamang ng pampurga gaya ng Mebendazole (hal. Antiox), Albendazole, o Pyrantel Pamoate (hal. Combantrin). Ang iba sa mga gamot na ito ay isang inuman lang; ang iba naman ay tatlo o anim. Mas maganda kung humingi ng gabay sa doktor, barangay health worker, o sino mang bihasa sa gamutan para sa wastong pag-inom ng alin man sa mga gamot na ito. Tingnan ang “Ano ang gamot sa bulate sa tiyan” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman.

Pagkatapos uminom ng pampurga, huwag magulat kung magkaron ng mga side effects na pagtatae o pagsusuka. Ang mga bulate ay mawawala na sa loob lamang ng ilang araw. Subalit kung hindi ito nawala, magpatingin na sa doktor upang mabigyang linaw ang iyong nararamdaman. Ngunit halos lahat ng mga umiinom ng pampurga ay gumagaling ng walang komplikasyon o anumang problema.

Paano maka-iwas sa bulate sa tiyan?

Ang pag-iwas sa bulate sa tiyan ay makakamit sa pamamagitan ng pagiging maingat sa pagluluto at pagkain. Ang mga sumusunod ay ilang paraang upang maka-iwas sa bulate sa tiyan:

1. Huwag nang isubo o kainin ang anumang pagkain na nalaglag. Walang “5 seconds” o “10 seconds” na patakaran. Basta nalaglag, huwag nang kainan.

2. Maghugas ng kamay gamit ng sabon at tubig bago humawak ng pagkain.

3. Hugasan ng mabuti, talupan, o lutuin ang mga sariwang gulay at prutas bago kainan, lalo na kung ang mga ito ay tumubo sa lupa na ginamitan ng dumi ng tao o hayop bilang pampataba ng lupa.

4. Dumumi lamang sa mga nakatakdang lugar (hal. banyo) at iwasang dumumi sa lupa. Kung ito’y hindi maiiwasan, maghukay ng anim na pulgada o higit pa at ito’y ibaon dito.

5. Hikayatin ang mga opisyal ng inyong baranggay at bayan na siguraduhing epektibo at malinis ang ‘sewage disposal systems’ o ang wastong pagtatapon ng dumi.

6. Sa pakikipag-sex, ang pagdidila sa puwit (o ‘anilingus’) ay isa ring paraan na pwedeng makuha ang bulate sa tiyan, kaya’t ang pag-iwas dito ay isa ring paraan upang makaiwas sa pagkakaron ng bulate sa tiyan.

Ano ang gamot sa bulate sa tiyan?

Ang mga gamot laban sa bulate sa tiyan ay kung tawagin ay ‘pampurga’, sapagkat pinupurga nito ang mga bulate papalabas ng tiyan. Ang mga gamot na ito ay madaling inumin, sapagkat isa hanggang tatlong inuman lamang siya. Magpatingin sa doktor o health worker bago uminom ng mga gamot na ito.

Ang mga halimbawa ng pampurga ng bulate sa tiyan ay ang mga sumusunod:

  • Mebendazole (hal. Antiox)
  • Albendazole
  • Pyrantel Pamoate (hal. Combantrin)

Sa ilang mga komunidad, ang mga gamot na ito ay rekomendado na taon-taong inumin ng isang beses sa isang taon, upang maiwasan ang pagkakaron ng bulate.

TANDAAN: Ang mga gamot na ito ay maaaring bawal sa mga buntis, at sa mga sanggol 0-2 taong gulang.

Paano malalaman kung may bulate sa tiyan?

Ang pag-examine sa dumi ng tao sa ilalim ng ‘microscope’ (fecalysis), gamit ang isang technique na tinatawag na ‘Kato-Katz smear’ ay maaaring isagawa upang i-kompirma ang pagkakaron ng bulate sa tiyan. Sa pagsusuring ito, ang hinahanap ay ang mga itlog ng bulate na siyang magpapatunay na may bulate sa tiyan.

Isa pang karagdagang pagsusuri blood test o complete blood count (CBC). Ang pagtaas ng isang uri ng blood cell, eosinophils, ay isang maaaring indikasyon na may mga bulate sa tiyan.

Ang mga pagsusuring ito ay ginagawa lamang sa mga kasong hindi tiyak, ngunit kalimitan, ang mga sintomas lamang ay sapat na upang gabayan ang inyong doktor para masabing bulate sa tiyan nga ang naturang karamdaman.

Ano ang mga sintomas ng bulate sa tiyan?

Sa maraming mga kaso, ni walang sintomas ang pagkakaron ng bulate sa tiyan. Kaya hindi komo ‘normal’ ang dating ng isang bata o tao ay masasabi nang wala siyang bulate sa tiyan. Sa iba naman, ang mga sintomas ay ang mga sumusunod:

  • Paglaki ng tiyan
  • Sakit o pagkirot ng tiyan
  • Pagtatae
  • Pagkaliyo at pagsusuka
  • Pagbabawas ng timbang
  • Kapag may nakitang bulate sa puwet, o kaya sa bibig kung nagsuka, ito’y indikasyon na na may bulate sa tiyan (obvious ba?!).

    Isa pa, dahil ang ilan sa mga bulateng ating nabanggit ay dumadaan sa baga ng tao kung saan lumalaki ang mga bulate, pwede ring magkaron ng mga sintomas gaya ng ubo, hirap huminga, at humuhuni na paghinga, parang may hika.

Mga kaalaman tungkol sa bulate sa tiyan

Ano ang bulate sa tiyan?

Ang bulate sa tiyan ay isang uri ng impeksyon kung saan may mga bulate na loob ng tiyan ng tao, na siyang kumukuha ng nutrisyon na dapat ay para sa taong apektado. Ito’y nagdudulot ng pagkakasakit at pagkawala ng sigla. Ang bulate sa tiyan ay isang pangkaraniwang karamdaman sa mundo, lalo na sa Africa, sa Timog at Timog-Silangang Asya, at kasama na dito ang Pilipinas. Tinatayang nasa dalawang bilyong tao ang apektado nito.

Ano ang iba’t ibang klase ng bulate?

May tatlong uri ng bulate na karaniwang ‘sumasalakay’ sa katawan at siyang naninirahan sa tiyan. Ang mga ito ay tinatawag na roundworm (Ascaris), hookworm, at whipworm (trichuris). Bukod dito, may mga iba’t iba pang bulate na siyang sanhi ng karamdamang ito, ngunit ang nabanggit natin ay ang pinaka-malaganap sa Pilipinas.

Paano nakukuha ang bulate sa tiyan?

Ang bulate sa tiyan ang nakukuha sa pamamagitan ng paglunok ng kontaminadong pagkain o pagkaing may taglay ng itlog ng bulate na siya namang nagmula sa dumi ng tao. Ang pag-inom ng tubig na kontaminado rin ay isa ring paraan. Dahil dito, ang pagdumi na wala sa lugar, o hindi malinis na mga komunidad kung saan ang mga banyo ay wala sa lugar, o hindi sumusunod sa mga patakarang pangkalusugan, ay mga bagay na siyang pumapabor sa paglaganap ng bulate sa tiyan.

Ano ang epekto ng bulate sa tiyan?

Sakit ng tiyan, at paglobo ng tiyan sa mga bata, ang mga pangunahing sintomas ng bulate sa tiyan. Dahil lumalaki ang tiyan ng bata, maaari itong magbigay ng maling impresyon sa mga magulang na malusog ang mga ito, ngunit sa katunayan, mga bulate ang sanhi ng paglaki ng tiyan nila. Minsan, may lumalabas ring bulate sa puwet kapag dumudumi, o sa bibig habang nagsusuka. Bukod sa mga sintomas na ito, may mga mas seryoso at pangmatagalang epekto ng pagkakaron ng bulate sa tiyan, gaya ng pagkawala ng sigla dahil sa “anemia” na dulot ng mga bulate and pagbagal ng paglaki ng bata. Napag-alaman na apektado rin ang pag-aaral ng mga bata.

Hindi ba nakakatulong ang bulate sa tiyan?

Hindi. Bagamat napag-alaman ni Prof. Michael Tan at iba pang mga antropologista na may mga komunidad na naniniwala na ang mga bulate sa tiyan ay nakakatulong sa pagtunaw ng pagkain, walang katotohanan ang mga paniniwalang ito. Walang benepisyo ang pagkakaron ng bulate sa tiyan ng tao.