Ano ang gamot sa pagkabulag o malabong mata?

Ang paggagamot sa iba’t ibang kondisyon ng problema sa mata ay naiiba-iba depende sa sanhi ng pagkabulag o panlalabo ng paningin. Narito ang mga karaniwang paraan ng paggagamot sa mata:

  • Ang mga simpleng panalalabo ng paningin ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng pagsusuot ng salamin sa mata na may tamang sukat.
  • Ang katarata naman ay nangangailangan ng operasyon upang malunasan.
  • Kung ang pagkabulag ay dulot naman ng kakulangan sa mahalagang bitamina, nararapat lamang na agad na mapunan ang pagkukulang sa sustansya na kinakailangan sa pamamagitan ng pagkain nang sapat at pag-inom ng mga supplement.
  • May mga gamot naman na iniinom o pinapatak sa mata na makatutulong naman kung ang problema sa mata ay dulot ng impeksyon.

Paano malaman kung nabulag o malabo ang paningin?

Ang kakayanang makakita ng mga mata ay maaaring masuri at masukat gamit ang ilang mga instrumento na para sa mata. Sa pamamagitin nito, maaaring matukoy kung gaano kalala ang kondisyon, kung posible pa itong magamot, at kung ang pagkabulag ay nakaaapekto sa isang mata lamang o sa parehong mga mata.

Ang pasyente ay kakausapin din ng ophthalmologist upang matukoy ang mga posibleng dahilan ng problema sa mata.

Ano ang mga sintomas ng pagkabulag at panlalabo ng paningin?

Ang kawalan ng abilidad na makakita o hirap na makakita ang pangunahing sintomas na nararanasan ng lahat ng taong may kondisyon ng panlalabo ng paningin at pagkabulag. Ngunit bukod dito, maaaring may iba pang mga sintomas na maranasan na may kaugnayan sa sanhi ng panlalabo o pagkawala ng paningin. Kabilang dito ang pananakit ng mga mata, at madalas na pagtulo ng luha. Kung ang pasyente ay nabulag dahil sa katarata o impeksyon sa mata, maaaring ang itim na bilog sa mata ay matakpan ng maputing harang.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang pagpapatingin sa doktor dahil sa nararanasang kondisyon sa mga mata ay maaaring agad na kailanganin lalo na kung nakaaapekto ito sa pang-araw-araw na gawain. Ang panlalabo o pagkawala nang tuluyan ng paningin ay maaaring ikonsulta sa opthalmologist, ang doktor na espesiyalista sa mata.

Mga kaalaman tungkol sa pagkabulag at panlalabo ng paningin

cataractAng pagkabulag ay tumutukoy sa kondisyon kung saan ang parehong mata ay nawawalan ng abilidad na makakita. Dito’y walang liwanag na makapapasok sa mata at makapagbibigay mga larawang kayang makita ng taong may normal na paningin. Mistulang kadiliman lamang ang lahat ng nakikita. Ang panlalabo ng paningin (visual impairment) ay isa ring kondisyon na maaaring maiugnay at humantong sa tuluyang pagkabulag.

Gaano kalaganap ang kondisyon ng pagkabulag?

Tinatayaang aabot sa 285 milyong katao sa buong mundo ang apektado ng pagkabulag at panlalabo ng paningin. At higit 82% ng mga kaso nito ay nakaaapekto sa mga matatandang ang edad ay 50 na taon o higit pa.

Ano ang mga sanhi ng pagkabulag?

Ang pagkabulag ay maaaring dulot ng ilang mga kaganapan at kondisyon na nakaaapekto sa kalusugan ng mata. Ang mga karamdaman tulad ng diabetes, glaucoma, macular degeneration, pati na ang mga aksidente at impeksyon na makapipinsala sa mata, ang mga karaniwang sanhi ng pagkabulag ng marami sa mundo. Sa mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas, katarata ang nangungunang dahilan ng kawalan ng abilidad na makakita.

Maituturong dahilan din ng pagkabulag ang kakulangan sa Vitamin A, at mga problema sa ugat na daluyan ng dugo patungo sa mata.

Ang iba pang posibleng dahilan ng pagkabulag at panlalabo ng pangingin ay ang mga kondisyon ng myopia, hyperopia o astigmatism, ngunit ang mga ito ay maaari namang maitama sa tulong ng pagsusuot ng salamin namay tamang sukat.

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkabulag at panlalabo ng paningin?

Edad na 50 taon pataas.

Karamihan ng kaso ng problema sa paningin ay nararanasan ng mga taong may edad na 50 taon o higit pa. Ang pagtanda ng katawan at pagkakaroon ng iba’t ibang mga sakit na maaaring makaapekto sa kalusugan ng mata ang siyang nakapagpapataas ng posibilidad ng panlalabo o tuluyang pagkawala ng paningin.

Mga kabataang may edad na 15 taon pababa.

Mataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng porblema sa paningin sa mga kabataan na mas bata sa 15 na taon ang edad. Sinasabing 12 milyon na kabataan sa buong mundo ang may problema sa paningin, bagaman ang mga ito ay maaari namang maitama sa tulong ng pagsusuot ng salamin sa mata.