Bukol-bukol sa kili-kili: Mga tanong

May bukol-bukol na tumutubo sa kilikili

Q1: May mga bukol bukol po na tumutubo sa kilikili ko tapos kumikirot po ..namumula din po mga 4 days na po nag simula po yun nang may tumubong pigsa.

Q2: Ano po ung bukol sa kili kili ng anak Ko lalaki 5 years old p lang po sya Ngayon Nya lang po napansin at masakit po daw pag hnhwakan. Hindi naman po pigsa Ano po b yun natatakot po ako..

Q3: may dalawang maliit n bukol po ako sa kili-kili napansin ko po ito matapos akong lagnatin at magkaron ng pantal nawala naman po agad ang lagnat ko tapos umabot naman ng tatlong araw ang pantal ko. ano po kaya ang bukol ko sa kili-kili?

A: Kalimitan, ang bukol o bukol-bukol sa kilikili o underarm ay kulani o mga kulani na namamaga dahil sa isang pangkasulukang impeksyon. Ito’y normal na reaksyon ng mga kulani dahil taglay ng mga ito ay cells na lumalaban sa impeksyon bilang bahagi ng immune system ng katawan. Ang halimbawa ng mga impeksyon ay mga pigsa, ubo’t sipon, trangkaso, ngunit maaari ring walang maramadaman ang pasyente na ibang sintomas.

Maaaring uminom ng mga pain reliever gaya ng Paracetamol o Ibuprofen para mabawasan ang pagkirot. Pwede ring subukang lagyan ng ice o cold compress ang apektadong bahagi ng kilikili. Inaasahan na kusang mawawala ang pamamaga ng kulani sa loob ng ilang linggo. Ang kulani mismo ay hindi mawawala sapagkat lahat naman ng tao ay may kulani; lumalaki lamang sila kapag may impeksyon. Subalit kung patuloy silang malaki at namamaga, o may iba pang kasamang sintomas na higit na sa dalawang linggo, magpatingin sa doktor upang masuri ito.

May pigsa na pabablik-balik sa kili-kili

Q: Ako po ay may pigsa din po,,ito po ay sa kili-kili,, 4 times napo etong pabalik balik.. at akopo ay anemic,, 90/60 ang bp ko,, i need a best midicine po,,nag bavitamins din po ako,, ano po ang pwede kong gawin,, uminom nadin po ako ng antibiotic, nag pacheck up nadin po ako sa center namin.

A: Ang pagbalik-balik na pigsa ay maaaring senyales ng isang machining immune system. Kailangan mong palakasin ang iyong immune system sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, pag-iwas sa stress, pagtulog ng tama araw-araw, at pag-iwas sa mga bisyo gaya ng pag-inom at paninigarilyo.

Maaari din naman na hindi wasto ang iniinom mong antibiotic para sa pigsa, o kaya may iba pang problema sa iyong kalusugan na nagpapabagal sa kakayanan ng katawan na lumaban sa mga impeksyon gaya ng pigsa. Magpatingin ka na sa doktor upang masuri kung anong posibleng sanhi ng pababalik-balik na pigsa. Mas magandang ma-interview ka nya tungkol sa iyong mga gawain na pang-araw-araw, mga bisyo (kung meron), mga naging sakit, at iba pang mahalagang impormasyon.

Lumilitaw ang bukol sa kilikili tuwing may regla

Q: Ano ba ang ibig sabihin ng bukol sa kilikili? Lumilitaw siya pag malapit na ang menstruation ko at nawawala pag tapos na. Masakit xia at hindi ako mapakali. TY sa response nyo.

A: Ang karanasan mo ay nararanasan din ng maraming kababaihan, at maaaring ito’y dahil sa mga hormonal imbalance na nangyayari kasabay ng pagregla. Isang posibilidad ay ang kondisyon na tinatawag na ‘hidradenitis suppurativa’ – pamamaga sa mga kilikili, singit, at iba pang bahagi ng katawan. Magandang mapatingin mo ito sa isang OB-GYN o iba pang doktor dahil dapat ito’y makompirma. Habang hindi ka pa nakakapagpatingin, maaari mong lagyan ng cold compress o yelo ang apektadong bahagi ng kilikili o uminom ng mga pain reliever. Sa pangmatagalan, makakatulong din ang pagpapapayat o pagbabawas ng timbang. Ikonsulta sa doktor kung anong mga gamot at iba pang pwede mong gawin para dito.

May bukol sa baba ng kili-kili na parang monggo

Q: Bakit po may bukol sa baba ng kili-kili ko parang monggo po siya di naman po masakit nababahala lamang po ako. Ano po ba yun? Salamat.

A: Maraming possibleng sanhi ang bukol na ganito. Maaaring ang mga ito ay mga cyst. Ang mga cyst sa kilikili ay pwedeng dahil sa paggamit ng mga deodorant, antiperspirant, o shaving cream. Pwede rin itong mga ‘lipoma’. Magpatingin sa doktor para matukoy kung ano ba ang sanhi nito. May mga paraan para ipatanggal ang mga cyst gaya ng laser o operasyon. Huwag tangkaing paputukin, tirisin, o kurutin ang mga bukol dahil maaari itong lumala. Obserbahan ang mga ito kung magkakaron ng mga pagbabago at magpakonsulta sa doktor kung nais mo itong magamot.

Nagkakulani sa kilikili pagkatapos magkaroon ng kurikong o scabies

Meron po akong kulani sa mag kabilang kilikili.nababahala po ako.may scabies po kase ako. Nahawaan po kase ako ng pinsan ko.nung pinahinto na po ako ng doc sa pag gamit sa scabicides lotion at uminom ng loratidine nag karoon po ako ng kulani sa mag kabilang kili kili…

A: Malamang, hindi ito dahil sa pag-inom ng Loratadine. Maaaring dahil parin sa scabies ang iyong nararanasang pagkakaron ng mga kulani. Maghintay ng ilang linggo at malamang liliit na ang mga kulani.

Posible bang sign ng breast cancer ang bukol sa kilikili?

Q: Good day po doc! May tanong lang po ako. Meron po akong bukol sa may kilikili ko. Bali matagal na po ito. 3rd yr high school pa po ako. Kasi po yung nag aaral pa aq nagplaplansya muna aq ng uniform q bgo mligo. Ngaun na 24yrs old n ako. At nang mabuntis ako at nanganak sa baby grl q.then nagkagatas po aq yung suso ko po namaga dhil sa gatas.kaya yung kilikili ko namaga din ska ko lang nakita yung bukol sa kilikili ko pero non nkalabas na yung gatas sa suso ko saka nman bumlik n uli dting normal ang kilikili ko. Hnd ko po alm kong kulani lang ba ito dahil matagal na po kasi. Then kapag nasasagi po un kilikili ko ng manggas ng damit nasakit po siya. Tanong ko lang po kung maaari rin ba itong maging sign ng kanser sa suso?

Kung ang iyong kilikili ay namamaga kasabay ng pamamamaga ng suso, posibleng ito’y kulani lamang na nagrereact sa isang pamamaga o impeksyon. Normal lang sa mga tao ang may kulani at paminsan, ito’y maaari talang makapa. Ngunit kung mga napapansin kang pagbabago gaya ng pagkirot, pamamaga, o pananakit, mas magandang mapatingin mo na ito sa doktor. Oo, maaaring sign ng kanser ang kulani sa kilikili ngunit kung wala ka namang nakakapang bukol sa iyong breast, maliit lang naman ang posibilidad na kanser ito. Pero mas maganda naring mapatingnan para sigurado tayo.