Paano makaiwas sa Osteoporosis?

Upang makaiwas sa pagkakaroon ng Osteoporosis, kinakailangang mapanatiling malusog ang mga buto at may tatlong bagay lamang na dapat tandaan upang manatiling malusog ang buto: Sapat na Calcium, Sapat na Vitamin D, at Sapat na ehersisyo.

Calcium

Para sa mga taong may sapat na gulang, ang dami ng calcium na kinakailangan ng katawan sa pang-araw-araw ay 1000mg. Sa pagtanda, tumataas sa 1200mg ang pangangailangan sa calcium. Kinakailangan lamang mapunan ang pangangailangang ito upang mapanatiling malusog ang mga buto. Ang Calcium ay maaaring makuha sa gatas, berde at madahong gulay, tokwa, maging sa salmon at sardinas.

Kung nahihirapan sa pagkuha ng mga pagkaing nabanggit, may mga supplement na maaaring inumin upang mapunan ang pangangailangan sa calcium. Tandaan na hindi maaaring sumobra sa calcium sapagkat maaaring magdulot ito ng karamdaman sa bato at sa puso.

Basahin sa Kalusugan.PH ang kahalagahan at mga pagkain na mapagkukunan ng calcium. Kahalagahan ng Calcium at mga Pagkain na Mayaman Dito.

Vitamin D

Mahalaga ang Vitamin D sa pagsipsip ng katawan sa calcium. Sinasabing nakukuha ang bitaminang ito mula sa araw. Kaya’t nakabubuti ang pagbibilad sa araw paminsanminsan. May ilang bagay lamang na tinuturong dahilan kung bakit mahirap makakuha ng bitamina mula sa araw.

  •  Kung nakatira sa mataas na lugar
  •  Kung nananatili lamang sa loob ng bahay
  •  Madalas na paggamit ng sunscreen

Basahin sa Kalusugan.PH ang kahalagahan at mga mapagkukunan ng Vitamin D. Kahalagahan ng Vitamin D sa Katawan.

Regular na Ehersisyo

Malaki ang naitutulong ng pag-eehersisyo sa pagkakaroon ng malusog na mga buto. Lalo na kung ito ay masisimulan habang bata pa lang. Ayon sa mga pag-aaral, mas maliit ang tsansa ng pagkakaroon ng osteoporosis sa mga taong regular na nag-eehersisyo.

Basahin ang sa Kalusugan.Ph ang kahalagahan ng pag-eehersisyo. Kahalagahan ng Pag-eehersisyo.

Ano ang gamot sa Osteoporosis?

Ang Osteoporosis ay isang kondisyon na progresibo at hindi maaaring mapigilan. Ngunit ito ay maaaring pabagalin sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansya, at paginom ng gamot na may preskripsyon ng doktor. Marami ring paraan upang ito ay maiwasan.

Ano ang gamot para sa Osteoporosis?

Maraming gamot ang maaring inumin kung may osteoporosis. Ang mga gamot gaya ng Actonel, Binosto, Boniva, at Fosamax, na maaari din namang mabili na generic, ay makakatulong upang mapanumbalik ang kakulangang nutrisyon sa buto. Kinakailangan ang preskripsyon ng doktor para sa mga gamot na ito sapagkat maaaring magdulot ng ulcer kapag sumobra. Ini-rereseta din ang gamot na Reclast na itinuturok.

Para naman sa mga kababaihan na nakaranas ng menopause, kadalasang ini-reseta ang Evista. Kung mataas naman ang posibilidad ng pagkakaroon ng fracture, inirereseta ang Forteo. Ang sobrang paggamot ng mga ito ay maaaring magdulot ng blood clot, nausea at pagkahilo.

May iba naman na sumasailalim sa hormonal therapy upang mapunan ang kakulangan sa estrogen.

Paano malaman kung may Osteoporosis?

Upang makatiyak sa pagkakaroon ng Osteoporosis, unang tinitignan kung nagkaroon ng kabawasan sa taas. Isa sa unang naapektohan ng osteoporosis ay ang buto sa likod kaya naman apektado ang taas sa pagkakroon nito. Minsan, natutukoy din ang pagkakaroon ng osteoporosis na hindi sinasadya sa pamamagitan ng X-ray examinasyon para sa ibang kasong nararamdaman.

Ngunit para makasigurado, nagsasagawa ng DXA scan sa buto upang mabasa ang Bone Mineral Density o BMD.

Ano ang DXA Scan?

Sa pamamagitan ng DXA scan o Dual X-ray Absorptiometry, nasusukat ang Bone Mineral Density o BMD. Ang BMD ay mahalaga upang matukoy kung gaano kalakas ang buto, gayundin ang pagkakaroon ng Osteoporosis. Malalaman kung ang buto ay normal, mahina, o kaya naman ay nakakaranas ng Osteoporosis.

Ano ang mga sintomas ng Osteoporosis?

Kadalasan, ang pagkakaroon ng osteoporosis ay hindi agad natutukoy hanggang sa magkaroon lamang ng fracture sa buto. Ito’y sa kadahilanang halos walang senyales o sintomas ang nakikita o nararamdaman sa pagkakaroon ng kondisyong ito. Ngunit sa ilang kaso, maaaring malaman na may osteoporosis kung:

  • May pananakit sa likod o backache
  • Bahagyang pagbawas ng taas at pagsisimula ng pagiging kuba.
  • Fracture o pagkabali ng buto sa likod, kamay o baywang.

Kailan kinakailangang magpatingin sa doktor?

Maaring magpatingin sa doktor kung napapadalas ang pananakit ng buto sa likod. Ang pananakit na ito ay maaaring spinal compression fracture  na dulot ng osteoporosis. Anumang bali sa likod ay nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Kung sakaling mapansin ang pagnipis ng buto sa panga sa pagkakataong sumailalim sa X-ray sa ngipin, kinakailangan na ring magpatingin sa doktor.

Mga kaalaman tungkol sa Osteoporosis

OsteoporosisAng osteoporosis ay isang karaniwang kondisyon kung saan numinipis at rumurupok ang buto na maaring maging sanhi ng ‘di inaasahang fracture o pagkabali ng buto. Ang sakit na ito’y tinututring na traydor sapagkat hindi madaling makitaan ng senyales ang pagkakaroon nito. Wala ring pinipiling edad o kasarian ang kondsisyong ito sapagkat ang lahat ay maari nitong dapuan. Ang pagnipis at pagrupok ng mga buto, na may kaakibat na pananakit at posibilidad ng pagkapilay, ay progresibo na nangyayari sa loob ng maraming taon.

Sa Pilipinas, tinatayang 26% ng kababaihan at 11.4% ng kalalakihan na nasa edad 60 pataas ay nakararanans ng Osteoporosis.  Gayunpaman, ito’y tinuturing ng karamihan na normal lamang na kaganapan sa pagtanda at hindi dapat ikabahala.

Ano ang sanhi ng Osteoporosis?

Walang nakatitiyak kung ano ang tunay na sanhi ng pagrupok ng buto. Ang tanging alam lamang ng mga eksperto ay kung ano ang proseso sa likod ng osteoporosis. Sa buong buhay ng tao, mayroong prosesong tinatawag na “remodeling”, o ang regular na pagpapalit ng mga bone tissue. Ang pagpapalit na ito ay pinaka aktibo kabataan at nagsisimulang bumabagal naman pagsapit sa edad na 40. Ang mabagal na pagpapalit sa mga lumang bone tissue ang nakapagdudulot ng pagkasira ng ilang buto na kapag lumala ay tumutungo sa pagkakaroon ng osteoporosis.

Ano ang mga salik na nakakapagpataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng osteoporosis?

Mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng osteoporosis dahil sa mga sumusunod:

  • Namamana. Ang pagrupok ng buto ay maaaring mamana. Kung may kasaysayan ng malalang kaso ng osteoporisis sa pamilya, hindi malayong taglayin din ito nga mga anak.
  • Pagiging babae. Mas mataas ng apat na beses ang pagkakaroon ng osteoporosis sa mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Ngunit hindi ibig sabihin nito’y hindi na dinadapuan ng osteoporosis ang mga lalaki.
  • Edad. Ang panganib ng pagkakaroon ng osteoporosis ay tumataas kasabay ng pagtanda. Malaki ang posibilidad na magka-osteoporosis ang mga nasa edad 50 pataas.
  • Timbang at istraktura ng buto. Ang mga taong magagaan ang may mas malaking posibilidad ng pagkakaroon ng osteoporosis, gayundin ang mga taong may maliit na istraktura ng buto.
  • Kasaysayan ng fracture. Ang taong nakaranas ng fracture, o pagkabali ng buto, ay may mas mataas na tsansa na magkaoon ng osteoporosis.
  • Paninigarilyo. May ilang pag-aaral ang nagsasabing mas marupok ang buto ng mga taong naninigarilyo.
  • Mga Gamot. Ang pangmatagalang pag-inom ng ilang gamot, gaya ng antacids, steroids, anticonvulsants at thyroid drugs ay maaring makapagparupok ng buto.

Paano nakakaapekto sa pagkakaroon ng osteoporosis ang pagkakaranas ng menopause sa kababaihan?

Sa pag-sapit ng menopause, o ang pagtigil ng buwanang dalaw dahil sa katandaan, nagkakaroon ng malaking pagbaba sa lebel ng estrogen sa katawan ng babae. Ang pagbabagong ito ay nakaaapekto ng malaki sa buto sapagkat mahalaga ang estrogen sa proseso ng remodeling o ang pagpapalit ng bagong bone tissues. Dahil dito, mas napapabilis ang pagkakaroon ng osteoporosis. Ito ang dahilan kung bakit mas mataas ng apat na beses ang pagrupok ng mga buto sa mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan.