Nanlalabo ang paningin pagkatapos kumain

Q: Blurred o nanlalabo ang paningin ko kapag bagong kain o nabusog. Ano kaya ito?

A: Isa sa maaaring sanhi ng panlalabo ng mata pagkatapos kumain ay ang pagtaas ng antas ng asukal sa dugo o blood sugar level. Napa-tingin mo na ba ang iyong blood sugar? Magpatingin ka sa doktor sapagkat ang paglabo ng paningin pagkatapos kumain ay isa ring sintomas ng diabetes, isang sakit kung saan hindi makontrola ng katawan ang antas ng asukal sa dugo.

Ihanda ang sarili sa konsultasyon sa doktor. Mga maaaring itanong sa iyo:

  • Inom ka ba ng inom, at ihi ng ihi?
  • Nagbago ba ang iyong timbang?
  • May diabetes o may high blood ba sa inyong lahi?
  • Ano pang ibang sintomas na iyong nararamdaman?

Habang hindi ka pa nakakapagpatingin, mga payo ko sa’yo:

  • Iwasang kumain ng marami. Mas maganda ang paunti-unting pagkain, maski mas madalas
  • Iwasan ang pagkain ng masyadong matamis ng pagkain. Bawasan ang asukal at mga pagkain na mataas na glycemic index.
  • Mag exercise ng madalas

Muli, ang paglalabo ng mata (blurring of vision) pagkatapos kumain ay maaaring isang sintomas ng diabetes. Magpatingin kaagad sa doktor upang ikaw ay ma-examine at matiyak ang iyong karamdaman.