Paano makaiwas sa Meningococcemia?

Ang mainam na paraan ng pag-iwas sa sakit Meningococcemia ay ang paggamit ng mga pang-iwas na mga gamot at ilang mga bakuna. Bagaman hindi sakop ng bakunang Meningococcal conjugate vaccine ang lahat ng uri ng mga bacteria na meningococcus, makatutulong pa rin ito na makaiwas sa mabilis na pagkakahawa sa sakit. Kadalasang binibigay ito sa edad na 11 o 12, at pinapalakas pa ng booster na bakuna sa edad na 16. Mabuting kumonsulta sa doktor para makakuha ng bakunang ito.

Bukod sa pagpapabakuna, makatutulong din ang pag-iwas mismo sa mga lugar na maaring mapagkunan ng bacteria, at ang pagpapanatiling malinis sa sarili at ng kapaligirian. Narito ang ilang mga hakbang na makatutulong rin sa pag-iwas sa sakit:

  • Umiwas sa mga matataong lugar
  • Iwasan ang malapitang makikisalamuha sa taong may sakit na meningococcemia
  • Palakasin ang resistensya ng katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, at regular na pag-eehersisyo
  • Ugaliin ang paglilinis at pag-disinfect sa bahay at mga kagamitan
  • Huwag gagamit ng mga bagay na ginamit ng taong apektado ng sakit
  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig.

Ano ang gamot sa Meningococcemia?

Kung ang sakit ay matutukoy nang maaaga, malaki ang posibilidad na magamot at malampasan ang sakit. Kadalasan ay nadadala ito sa paggagamot gamit ang mga iba’t ibang uri ng penicillin, at chloramphenicol naman kung may allergy sa penicillin. Ngunti kung ang impeksyon ay malala at kumalat na sa katawan, ito ay mangangailangan na ng agarang paggagamot (medikal emergency). Ang pasyente ay agad na dinadala sa intensive care unit o ICU ng ospital kung saan ang pasyente ay matututukan.

Ang paggagamot sa pasyenteng may menigococcemia sa binubuo ng sumusunod:

  • Agad na pagbibigay ng malalakas na antibiotic na pinapadaan sa ugat o intravenous (IV)
  • Suporta sa paghinga
  • Gamot na tutulong sa pamumuo ng dugo at pagdaragdag ng mga nawalang platelets
  • Pagdaragdag ng tubig sa katawan na pinapadaan din sa ugat o intravenous
  • Gamot para sa mababang presyon ng dugo
  • Pangangalaga sa mga sugat sa katawan

 

Paano malaman kung may Meningococcemia?

Ang pagtukoy sa sakit na meningococcemia ay kadalasang isinasagawa sa pamamagitan pag-aaral sa dugo at dura na mula sa baga (sputum) sa laboratorio. Tinutukoy dito kung may presensya ng bacteria na Neisseria meningitidis na siyang nagsasanhi ng meningococcemia. Maaari din itong matukoy mula sa pagsusuri sa spinal fluid, sa mga sugat sa balat, pati na rin sa ihi ng pasyente.

Ano ang mga sintomas ng Meningococcemia?

Sa simula ng pagkakasakit, ang taong may sakit na meningococcemia ay maaaring dumanas ng mga sintomas gaya ng sumusunod:

  • Mataas na lagnat
  • Pananakit ng ulo
  • Ubo
  • Sore throat
  • Pananakit ng mga kalamnan
  • Pagiging iritable
  • Pagsusuka
  • Tuldok-tuldok na rashes na karamihan ay nasa binti

Kinalaunan, ang mga sintomas ay maaaring lumala o madagdagan pa. Narito ang mga sintomas na maaari ding maranasan sa mas malalang kondisyon ng meningococcemia:

  • Matinding pagsusugat sa balat na maaaring humantong din sa pagkamatay (gangrene) ng bahaging ito.
  • Pabago-bago o paghina ng mga Vital Signs
  • Pagdedelrio
  • Paglawak ng mga rashes sa katawan na humahantong din sa pagkamatay ng bahaging ito.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Agad na magpatingin sa pagamutan kung makaranas ng mga sintomas na nabanggit lalo na kung kakagaling pa lamang sa lugar na may bali-balitang pagkalat ngsakit na meningococcemia. Makabubuti rin na kumonsulta sa doktor kung biglang dumanas ng matinding lagnat sa loob ng 10 araw ng pagbisita sa lugar na may mga kaso ng sakit.

Mga kaalaman tungkol sa Meningococcemia

Ang sakit na meningococcemia ay isang malalang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (upper respiratory tract) at sa daluyan ng dugo (blood stream). Ito ay maaaring makamatay kung mapapabayaan. Sa simula, ang bacteria ay maaaring manirahan sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (loob ng ilong at lalamunan) nang walang pinapakitang anumang karamdaman o sintomas, ngunit kinalaunan kung ito ay makapasok sa daluyan ng dugo, maaaring magsisimula na ang pagkakaroon ng mga sakit.

Gaano kalaganap ang sakit na Meningococcemia?

Ang sakit na ito ay kalat sa buong mundo at maaaring naiiba-iba ang uri depende kung saang bansa ito nakakaapekto. May mga uri ng meningococcal infection sa mga bansang nasa gitang Africa, mayroon din sa mga bansang China at Russia. At ang iba pa ay nasa mga bansang nasa Hilagang Amerika.

Sa Pilipinas, nagkaroon din ng ilang mga kaso ng pagkakasakit nito noong taong 2004 at 2005 sa lugar na Baguio at mga karatig na bayan sa Cordillera Region, na humantong sa kamatayang ng halos 50 na katao. Ang huling kaso ay naganap sa North Cotabato na ikinamatay din ng isa noong 2008.

Ano ang sanhi ng Meningococcemia?

Ang meningococcemia ay dulot ng impeksyon ng bacteria na Neisseria meningitidis. Ito ay nakukuha mula sa mga maliliit na patak o droplets mula sa bibig at ilong ng taong may sakit. Maari din itong makuha mula sa ubo, bahing, pakikipaghalikan, at iba pang malapitang pakikisalamuha sa taong may sakit.

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakahawa ng sakit?

Ang pagkakaroon ng malapitang pakikisalamuha sa taong apektado ng sakit ang pangunahing salik na nakapagpapataas ng panganib ng pagkakahawa nito. Tumataas din ang posibilidad pagkakaroon ng sakit kung magtutungo sa mga lugar na napapabalitang may kaso nito.

Ano ang mga komplikasyon ng sakit na meningococcemia?

Maaaring magdulot ng ilang mas seryosong kondisyon ang pagkakasakit ng meningococcemia. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Arthritis
  • Pagkamatay at pagkabulok (gangrene) ng ilang bahagi ng katawan na hindi nararating ng dugo.
  • Pamamaga ng mga daluyan ng dugo dahil sa impeksyon
  • Impeksyon sa puso
  • Pagkasira ng adrenal glands

Paano makaiwas sa stroke?

Upang makaiwas sa stroke, makabubuting malaman at maiwasan ang mga salik na nakapagpapataas ng panganib ng stroke. Kung nauna nang nakaranas ng stroke, makabubuting sundin ang payo ng doktor upang maiwasan din ang posibleng susunod pang atake ng stroke. Narito ang ilan sa mga hakbang na makatutulong sa pag-iwas sa stroke.

  • Pagkontrol sa presyon ng dugo. Ang madalas na altapresyon ay nakaka-kontribyut sa pagkakaroon ng stroke lalo na ang pagputok ng ugat sa utak. Numinipis at humihina ang pader ng ugat kung madalas dumaranas ng mataas na presyon ng dugo.
  • Pagbabawas ng cholesterol at taba sa pagkain. Isa rin sa pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sroke ay ang atherosclerosis o ang paninikip ng daluyan ng dugo dahil sa naiimbak na mga taba sa pader ng mga ugat. Makatutulong kung iiwasan ang mga pagkain mataaas sa taba at cholesterol.
  • Pagtigil sa paninigarilyo. Nagdudulot din ng panganib ng stroke ang paninigarilyo, gayun din sa mga taong nakalalanghap ng usok nito (second hand smoking) kung kaya makabubuting itigil na ito.
  • Pagkontrol sa diabetes. Makatutulong ang pag-iwas sa karagdagang asukal sa mga kinakain para makontrol ang sakit na diabetes. Mas mataas ang posibilidad ng pagkakaranas ng strok kung may sakit din na diabetes.
  • Pagmementena ng tamang timbang. Ang mga taong obese o may sobra-sobrang timbang ay hindi nakabubuti at nakaka-kontribyut din sa stroke.
  • Pagkain ng karagdagang prutas at gulay. Bukod sa pagkain ng masusustansyang gulay at prutas, dapat ay gawin ding balanse ang mga kinakain upang matulungan ang kabuuang kalusugan sa pag-iwas sa mga sakit kabilang na ang stroke.
  • Regular na pag-eehersisyo. Makatutulong na pigilan ang pagkakaroon ng pamumuo sa mga ugat kung regular na mag-eehersisyo at palalakasin ang sistemang cardiovascular.
  • Pag-iwas sa pag-inom ng alak. Ang sobrang pag-inom ng alak ay hindi rin makabubuti sapagkat maaari itong magdulot ng pagtaas ng presyon ng dugo.
  • Pag-iwas sa mga pinagbabawal na gamot. Walang mabuting naidudulot ang mga ipinagbabawal na gamot kung kaya makabubuting iwasan na ang mga ito.

Ano ang gamot sa stroke?

Ang paggagamot sa stroke ay depende sa anong uri ng stroke ang naranasan ng pasyente at kung gaano ito kalala o gaano kalawak ang bahagi ng katawan na naapektohan. Ang pagpapabalik ng maayos tuloy-tuloy na suplay ng dugo sa utak ang prayoridad sa paggagamot ng stroke, kasunod nito ay ang rehabilitasyon sa mga naapketohang bahagi ng katawan at mga abilidad sa pagsasalita at paglalakad.

Mga gamot at pamamaraan na isinasagawa sa mga kaso ng stroke

  • Pag-inom ng aspirin. Upang maiwasan ang patuloy na pamumuo ng dugo, binibigyan ang pasyente ng gamot na aspirin. Ang gamot na ito ay nakapagpapanipis ng dugo at pumipigil sa pamumuo o blood clot.
  • Pag-turok ng tissue plasminogen activator (TPA) – Nakatutulong ang TPA upang matanggal ang pagbabara sa ugat sa utak. Ito ay itinuturok sa loob ng 3 hanggang 5 oras mula nang unang maranasan ang mga sintomas ng stroke. Ito ay hindi nararapat sa kaso ng pumutok na ugat sa utak.
  • Pagpapasok ng catheter sa ugat papunta sa utak. Maaaring magpasok ng mahabang tubo sa ugat patungo sa bahagi ng utak na mayroong pagbabara upang matanggal ito.
  • Operasyon. Maaari ding magsagawa ng operasyon sa ugat na daluyan ng dugo upang tanggalin ang mga namuong taba at cholesterol sa pader ng mga ugat na nagdudulot ng pamumuo ng dugo.

Para naman sa mga kaso ng pumutok na ugat sa utak, maaaring isagawa ang sumusunod:

  • Pag-papatigil ng pagdurugo sa utak. Maaaring ipa-inom ang warfarin at clopidogrel upang maiwasan ang pamumuo ng dugo sa utak, o kaya ay gamot na nakapagpapababa ng presyon ng dugo sa ulo upang mabawasan ang pag-agos ng dugo dito. Sa oras na matapos ang pagdudugo, maaaring simulan na ang pagsasaayos sa pumutok na ugat sa utak. Maaaring isara ang ugat na pumutok sa pamamagitan ng surgical clipping, paglalagay ng bypass sa ugat ng utak, radiosurgery, at iba pang komplkadong pamamaraan ng pagkokonekta sa nasirang ugat.

Matapos matanggal ang pagbabara o maisara ang pumutok na ugat at maibalik na ang maaayos na suplay ng dugo sa utak, sisimulan naman ang rehabilitasyon para sa mga naapektohang abilidad at pagkilos sa ilang mga bahagi ng katawan.

  • Pagpapanumbalik ng kakayahang makapagsalita sa tulong ng isang speech therapist
  • Pagpapanumbalik ng maayos na pagkilos sa tulong ng physical therapist at occupational therapist
  • Pagpapanumbalik ng maaayos na pag-iisip sa tulong ng neurologist at psychiatrist

 

Paano malaman kung na-stroke?

Ang stroke ay unang natutukoy sa pagkakaranas ng mga sintomas gaya ng pamamanhid ng kalahati ng katawan, kawalan ng balanse, hirap sa pagsasalita at pagintindi. Ngunti ang karamdamang ito ay maaaring makumpirma sa pamamagitan ng ilang mga pagsusuri at eksaminasyon. Maaring sumailalim sa mga sumusunod na eksaminasyon at pagsusuri upang makatiyak na nagkaroon nga ng stroke:

  • Eksaminasyon upang matukoy ang ilang mga kondisyon at karamdaman. Maaaring suriin ang pasyente kung positibo sa ilang mga kondisyon gaya ng altapresyon at atherosclerosis upang makumpirma ang pagkakaroon ng stroke.
  • Blood test. Tinutukoy din sa pagsusuri ng dugo ang bilis ng pamumuo ng dugo, at kung may abnormalidad sa lebel ng asukal sa dugo at ilan pang mga kemikal sa dugo.
  • CT Scan. Natutukoy sa CT scan ang pagkakaroon ng pagbabara o pagputok ng ugat na daluyan ng dugo sa utak.
  • MRI. Nakukumpirma rin ang mga pagbabara o pagputok ng ugat sa utak sa pamamagitan ng magnetic resonance imaging o MRI.
  • Ultrasound. Sa pamamagitan ng ultrasound, makikita ang mga pamumuo ng dugo o pagkakaroon ng pangangapal sa mga pader ugat na daluyan ng dugo.
  • Angiogram. Ginagamitan ng manipis at mahabang catheter para makulayan ang daluyan ng ugat at masilip ng mas maayos ang pagbabara ng ugat sa utak.
  • Echocardiogram. Ginagamit ang echocardiogram upang mabantayan ang aktibidad ng puso at makumpirma rin kung may problema dito. Ang problema sa pagkilos ng puso ay nakaka-kontribyut sa stroke.

Ano ang mga sintomas ng stroke?

Makikitaan ng ilang mga sintomas ang taong dumanas ng stroke, na habang tumatagal ay patindi nang patindi. Kabilang dito ang sumusunod:

  • Biglaang panghihina at pamamanhid ng mukha, braso at kamay, mga binti, at paa sa isang bahagi ng katawan.
  • Biglaaang kawalan o hirap sa pananalita at kakayanang maintindihan ang mga salita
  • Problema sa paningin sa isang mata
  • Biglaang hirap sa pagbalanse, at hirap sa paglalakad
  • Pagsusuka, lagnat, at hirap sa paglunok
  • Biglaan at matinding mananakit ng ulo
  • Kawalan ng malay
  • Hindi maintindihang pagkahilo

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang stroke ay itinuturing na emergency at nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Agad na magtungo sa emergency room ng mga pagamutan sa oras na makitaan ng mga sintomas at senyales ng stroke. Ang kaligtasan ng taong dumanas ng stroke ay nakasalalay sa maagang pagkakadiskubre ng sakit at pagbibigay ng lunas.

Mga kaalaman tungkol sa Stroke

Ang stroke ay ang kondisyon kung saan nahaharang o nalilimitahan ang maayos na suplay ng dugo sa utak dahil sa ilang mga kadahilanan. Bunga nito, ang indibidwal ay nahihirapang kontrolin ang kanyang mga galaw, pananalita, pag-iisip, at ilang mga paggana sa katawan. Maaari ding maapektohan ang kamalayan ng taong dumaranas ng strok at humantong sa pagkaka-coma.

Gaano kalaganap ang stroke sa Pilipinas?

Ang stroke ay ang pangalawa sa mga nangungunang dahilan ng kamatayan sa Pilipinas. Isa rin ito sa mga pangunahing dahilan ng pagkabaldado ng mga mga matatanda. Tinatayang nakaaapekto ito sa  humigit kumulang 10% ng populasyon ng bansa.

Ano ang iba’t ibang uri ng stroke?

Mayroong iba’t ibang uri ng stroke na nakaapekto sa tao depende sa paraan ng pagkakabara o pagkakapigil ng maayos na daloy ng suplay ng dugo sa utak. Kabilang dito ang sumusunod:

  • Pamumuo ng dugo sa ugat malapit sa utak (ischemic stroke). Ang pinakakaraniwang uri ng stroke ay ang pagbabara ng ugat sa utak dahil sa namuong dugo. Ang pamumuo ng dugo ay kadalasang nagaganap dahil sa paninikip ng daluyan dahil sa naiipong cholesterol sa mga pader ng ugat.
  • Pagbabara ng namuong dugo mula sa ibang bahagi ng katawan papunta sa utak (transient ischemic attack). Ang kondisyong ito ay nagaganap kung sakaling may namuong dugo sa ibang bahagi ng katawan ay dumaloy ito patungo sa mga ugat malapit sa utak at nagsimulang magbara.
  • Pagputok ng ugat sa utak (hemorrhagic stroke). Ang pagputok ng ugat sa utak ay nakapagdudulot din ng paghinto sa tuloy-tuloy na suplay ng dugo sa utak. Kadalasang nagaganap ang pagputok ng ugat dahil sa nanghinang pader nito dulot ng madalas na altapresyon.

Ano ang sanhi ng stroke?

Ang iba’t ibang uri ng stroke ay dulot ng ilang mga karamdaman at kondisyon na nararanasan sa haba ng panahon. Halimbawa, ang pagbara ng ugat sa utak dahil sa mga namuong dugo ay konektado sa pagkakaroon ng mataas na lebel ng cholesterol at iba pang substansya sa dugo na naiipon at naninigas sa mga pader ng ugat at nakapagpapasikip sa daloy ng dugo. Ang kondisyon ng paninikip na ito ay tinatawag na atherosclerosis.

Ang iregular na pagtibok ng puso naman ang pangunahing dahilan ng pamumuo ng dugo sa ibang bahagi ng katawan na maaaring mapunta sa mga ugat sa utak at magdulot ng pagbabara.

Nakapagpapataas naman ng panganib ng pagputok ng ugat sa utak ang madalas at matagal na pagkakaranas ng altapresyon o ang pagtaas ng presyon ng dugo. Dahil dito, maaaring humina ang mga pader ng ugat at saka naman hahantong sa pagputok nito.

Sino ang may mataas na panganib na ma-stroke?

May ilang salik ang nakapagpapataas ng panganib ng pagkakaranas ng stroke, at ito ay kadalasang konektado sa kalidad ng pamumuhay na nakasanayan. Kabilang dito ang sumusunod:

  • Mga taong may sobrang timbang (obese)
  • Kakulangan ng aktibidad sa araw-araw
  • Sobra-sobrang pag-inom ng alak
  • Paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot gaya ng cocaine at shabu
  • Sobrang paninigarilyo

Higit na mataas din ang posibilidad ng pagkakaranas ng stroke dahil sa ilang mga kondisyon at karamdaman na nararanasan gaya ng sumusunod:

  • Altapresyon
  • Mataas na lebel ng cholesterol sa katawan
  • Diabetes
  • Abnormalidad at mga kondisyon na nakaaapekto sa daloy ng dugo at paggana ng puso

Nakaaapekto rin sa pagkakaranas ng strok ang edad, kasaysayan ng stroke sa pamilya, at kasarian.

Ano ang maaaring komplikasyon ng stroke?

Ang mga taong dumanas ng stroke ay maaaring makaranas ng sumusunod na komplikasyon:

  • Pagiging paralisado.
  • Hirap sa pananalita
  • Hirap sa paglunok
  • Hirap sa pagmemorya
  • Pagiging malilimutin
  • Depresyon
  • Kawalan ng abilidad na makadama ng maayos
  • Pagbabago sa pag-uugali