Pwede bang maging A ang blood type ng anak kung O at B ang magulang?

Q: Doc, ang blood type ko po ay O+ at ang husband ko ay blood type B+ bakit po naging A+ ang baby namin?

A: Ang blood type ng anak ay nakadepende sa blood type ng mga magulang. Kung talagang ikaw ay type O at ang asawa mo naman ay type B, tanging O at B lang ang pwedeng maging blood type ng anak nyo. May isang artikulo sa Kalusugan.PH na nagpapaliwanag ng mga blood type ng tao (tingnan dito).

Isang posibilidad ay nagkamali sa pagsuri ng blood type ang alin man sa inyong mag-asawa o sa inyong anak. Madali lamang itong ipa-double check sa pinakamalapit na laboratoryo o ospital. Halimbawa, kung ikaw ay O at ang iyong asawa ay AB, posibleng maging A o B ang blood type ng iyong anak.

Kung talagang A ang blood type mo, O ang blood type ng asawa mo, at B ang blood type ng anak nyo at nais nyong malaman kung bakit nagkaganito, maaari kayong magpatingin sa isang doktor upang magabayan kayo sa mga hakbang na pwedeng gawin gaya ng DNA testing.

O, A, B, at AB: Ano ang iyong blood type?

Ang “blood type” ng isang tao ay isang paraan na ginagamit ng mga doktor at medical technologist upang mapaghiwahiwalay ang mga tao ayon sa uri ng dugo na hindi magdudulot ng anumang masamang reaksyon sa kanilang katawan. Ito ay mahalaga kung may mangangailangan ng pagsasalin ng dugo o blood transfusion.

Sa totoo lang, ang iba’t ibang blood type ay dahilan lamang sa isang maliit na pagkakaiba na isang bahagi ng ‘molecule’ na bumubuo sa ‘red blood cell’ ng mga tao. May apat na blood type: A, B, AB at O, bagamat marami pang ibang mga bibihirang ‘blood type’ na nadiskubre.

Ano ang aking blood type?

Ang blood type ng isang tao ay kadalasang kasama na iyong medical records. Kung meron kang regular na doktor, klinika, o ospital, maaari mo silang lapitan tungkol dito. Mayroon ding simpleng pagsusuri na pwedeng gawin upang malaman ito. Kung ikaw ay nag-donate ng dugo at nabigyan ng donor card, ang blood type mo ay nakasulat rin dito.

Paano namamana ang blood type?

Ang pagkamana ng ‘blood type’ ay hindi anoong kasimple. Kasi, bawat tao, may dalawang ‘gene’ na kapag nagsama ay nagdedetermina kung ano ang blood type. Ang iyong nanay at tatay ang tag-isa ng kontribusyon sa mga genes na ito. Tatlong uri ang genes, A, B, O. Pero ang O, never itong nananaig sa A at B. Kaya kung nagsama ang A at O, ang blood type mo ay A.

Heto ang posible mong maging blood type base sa mga blood type ng mga magulang mo:

  • A at A = A, O
  • A at B = A, B, AB, O
  • A at O = A, O
  • B at B = B, O
  • B at O = B, O
  • O at O = O
  • Ano ang ibig-sabihin ng “+” na kadugsong ng blood type?

    Ang pagiging “+” o “-” ay nakadepende sa pagkakaroon ng isa na namang diprensya sa red blood cell, and presensya o kawalan ng tinatawag na “Rhesus factor”. Sa ibang bansa, malaking isyu ito dahil hindi pwedeng isalin ang “+” sa “-“; bagamat pwedeng isalin ang “-” sa “+”. Sa Pilipinas, ang Rh negative o blood type na may “-” ay bihirang bihira. Halos lahat ng Pinoy ay “+”, nagbabago lamang kung type A, B, O, o AB. Subalit malaking problema ito para sa mga Pinoy na Rh-.

    Ano ang pinaka-karaniwang blood type?

    Ayon sa isang pag-aaral sa UP Diliman noong, heto ang mga porsyento ng blood type sa Pilipinas:

    • Blood Type A – 27.45%
    • Blood Type B – 25.49%
    • Blood Type O – 41.18%
    • Blood Type AB – 5.88%

    Ano ang implikasyong ng blood type sa pagsasalin?

    Naka-depende ito kung anong bahagi ng dugo ang isasalin. Kung red blood cells (RBC) ang isasalin, heto ang pwedeng magsalin sa iyo:

    • Type A – Pwedeng salinan ng A at O
    • Type B – Pwedeng salinan ng B at O
    • Type AB – Pwedeng salinan ng A, B at O
    • Type O – Pwedeng salinan ng O lamang

    Kung ang paguusapan naman ay ang ibang bahagi ng dugo, gaya ng plasma:

    • Type A – Pwedeng salinan ng A at AB
    • Type B – Pwedeng salinan ng B at AB
    • Type AB – Pwedeng salinan ng AB lamang
    • Type O – Pwedeng salinan ng A, B, AB, at O

    Subalit, tandaan, ang mga nabanggit natin ay gabay lamang sa karaniwang kaso. Kailangan paring suriin ng mga doktor at med tech kung anong klase ng dugo ang nararapat.

    Kung bibihira ang blood type mo, mas mahirap makakuha ng mga blood donor na pwedeng magbigay ng kanilang dugo. Kaya magandang kilalanin kung sino-sino ang mga taong pwedeng malapitan na kapareho ng ‘blood type’, lalo na kung “AB” ang iyong dugo, at higit pa kung “-” ang iyong RH factor.

    May epekto ba ang blood type sa personalidad ng tao?

    Wala. Bagamat ito’y isang paniniwala sa ilang mga bansa gaya ng Japan at Korea, walang katunayan na nakakaimpluwensya ang ‘blood type’ sa ugali, asal, o sa anumang bahagi ng buhay ng tao – pisikal man o emosyonal.