Mga kaalaman tungkol sa Pagsusuri ng Dugo o Blood Testing

Ano ang Blood Testing at para saan ito?

Ang pagsusuri ng dugo ay isang mabisang uri ng diagnostic test o pamamaraan sa pagtukoy ng kondisyon o karamdaman na isinasagawa sa laboratoryo. Sa pamamaraang ito, natutukoy ang ilang mga bagay gaya ng bilang ng mga cells, balanse ng mineral at kemikal na natural na nasa dugo, pati na ang presensya ng ibang bagay na karaniwang wala naman. Ang anumang pagbabago sa normal na bilang, sukat, at lebel ng mga bagay na bumubuo sa dugo ay maaaring indikasyon ng karamdaman, abnormalidad o anumang kondisyon sa katawan. Maaari din itong isagawa upang mabantayan ang reaksyon ng katawan mula sa mga binibigay na gamot, o kaya naman ay para makita ang ilang kaganapan sa katawan, partikular sa atay at bato.

Kanino at kailan isinasagawa ang pagsusuri ng dugo?

Kahit na sinong tao ay maaaring isailalim sa pagsusuri ng dugo lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Maaaring ito ay para matukoy ang sanhi ng nararanasang sintomas o abnormalidad sa katawan, o kaya naman ay para lamang makasiguro na ang katawan ay nasa normal na kondisyon. Mahalaga rin ang blood testing sa pagmomonitor ng mga kaganapan sa katawan. Sinusuri din ang dugo bago magsagawa ng paglilipat ng dugo o blood transfusion.

Paano isinasagawa ang pagsusuri ng dugo at anu-ano ang sinusuri dito?

Ang pagsusuri ng dugo ay nagsisimula sa blood extraction o pamamaraan ng pagkuha ng dugo na kadalasang ginagawa ng mga nurse, medical technologists, paramedics o kaya naman ay mismong doktor lalo na sa mga kritikal sa kondisyon. Depende sa uri ng pagsusuring isasagawa, ang pagkuha ng dugo ay maaaring maramihan o kaya ay kakaunti lamang. Para sa mga simpleng pagsusuri ng dugo, maaaring kumuha lamang ng ilang patak ng dugo mula sa pagtusok sa daliri. Ngunit kung ang isasagawang pagsusuri ay mangangailangan ng marami-raming dugo, kinukuha ito direkta mula sa ugat na nasa tupi ng braso. Pinupuluputan ng malagoma na tali ang braso, na kung tawagin ay tourniquet, upang mas makita ng husto ang ugat na tutusukan. Kapag ang ugat ay lumitaw na, tinutusok ito ng karayom at saka hihigupan ng ilang mililitrong dugo gamit ang hiringilya. Ang dugong makukuha ay nilalagay sa espesyal na lalagyan o bote na makapipigil sa pamumuo ng dugo.

Ang nakuhang dugo ay inaaral sa laboratoryo at sinusuri depende sa kung ano ang pangangailangan. Maaaring ito ay silipin sa ilalim ng microscope, o kaya ay haluan ng iba’t ibang substansya para makita ang paggana ng dugo o para masukat ang mga lebel ng ilang kemikal na nasa dugo.

Anu-ano ang mga iba’t-ibang uri ng pagsusuri ng dugo?

Ang mga karaniwang pagsusuri ng dugo na ginagawa sa laboratoryo ay ang sumusunod:

  • Blood smear – Ito ang pinakasimpleng pagsusuri ng dugo sa ilalim ng microscope. Maaari itong isagawa upang matukoy ang presensya ng “foreign bodies” sa dugo, gaya ng pagkakaroon ng parastiko.
  • Complete blood count (CBC) – isinasagawa upang mapag-aralan ang bilang at kondisyon ng mga cells na nasa dugo. Kadalasan ay para matukoy ang pagkakaroon ng anemia.
  • Paggana ng Atay (LFT) – Maaaring suriin ang dugo ispesipiko para sa paggana ng atay o Liver Function Test (LFT). Matutukoy dito kung mayroong problema sa atay.
  • Paggana ng Bato (eGFR) – Ang paggana din ng mga bato ay maaaring matukoy sa pamamagitang ng ispesikipong pagsusuri para dito. Ang Estimated glomerular filtration rate o eGFR ay tumutukoy sa kakayahan ng bato na salain ang dugo.
  • Paggana ng Thyroid (TSH) –
  • Blood sugar (Glucose) level – Binabasa ang lebel ng asukal sa dugo upang mabantayan ang kondisyon ng diabetes.
  • Blood cholesterol level – Mahalaga rin na matukoy ang lebel ng cholesterol sa dugo upang maagapan ang posibilidad ng stroke at atake sa puso.
  • Pagsusuri para sa implamasyon o pamamaga – Ang ano mang impeksyon at pamamaga sa katawan ay maaari ding masuri sa pamamagitang ng mga ispesipikong blood tests gaya ng erythrocyte sedimentation rate (ESR), C-reactive protein (CRP) at plasma viscosity (PV). Ang pagtaas sa lebel ng mga ito ay indikasyon ng implamasyon sa katawan.
  • Pagsusuri  para sa Antigen at Antibody – Isinasagawa ito para malaman kung may kakayahan ang katawan na labanan ang ilang particular na sakit na dulot ng mga mikrobyo.
  • Blood Type – Isa sa mga pinakakaraniwang isinasagawa ay ang pagtukoy sa blood type ng isang tao. Mahalaga ito para maiwasan ang paghahalo-halo ng magkakaibang uri ng dugo lalo na kung maglilipat ng dugo (blood transfusion). Mahalaga din na matukoy ang blood types sa pagbubuntis.

Paano pinaghahandaan ang pagsusuri ng dugo?

Sa mga simpleng pagsusuri ng dugo gaya ng pagtukoy ng bloodtype, CBC at blood smear, wala namang mahalagang paghahanda. Ngunit para sa iba pang pag-susuri, maaaring kinakailangang huwag munang kumain isang araw o ilang oras bago ang pagkuha ng dugo. Maaaring pagbawalan sa pag-inom ng kahit na anong gamot, pati na ang pag-inom ng alak. Sunding mabuti ang payo ng doktor bago isagawa ang pagsusuri ng dugo.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng pagsusuri ng dugo?

Ang resulta ng pagsusuri ng dugo ay maaaring makuha sa loob ng ilang oras lamang hanggang isang buong araw, o kaya ay isang buong linggo. Depende ito sa uri ng pagsusuri na isinagawa.

Ano ang maaaring epekto sa katawan ng pagsusuri ng dugo?

Ang pagsusuri ng dugo na sumunod sa pamantayan ng pagsasagawa nito ay kadalsang wala namang epekto sa katawan kung kaya ang pamamaraang ito, sa pangkalahatan, ay itinuturing na safe. Ngunit kung sakaling may pagbabago o pagkakamali sa mga hakbang ng pagkukuha ng dugo, maaaring magdulot ng ilang epekto na kadalasang hindi naman seryoso gaya ng pagkakaroon ng pasa sa lugar ng pinagtusukan. Minsan pa, maaari ding magkaroon ng impeksyon sa lugar ng pinagtusukan lalo na kung hindi malinis ang pamamaraan ng pagkuha ng dugo.