Ang vitamin B7 o biotin ay isa sa walong uri ng Vitamin B na mahalaga sa maayos na paggana ng katawan. Ang biotin ay responsable sa maayos na pagpoproseso ng taba (fats) at carbohydrates. Tumutulong din ito sa pagmementena ng balanse ng asukal sa dugo at pagkakaroon ng malusog na balat. Ang bitaminang ito na minsan ay kinilala bilang Vitamin H, ay kadalasang nakukuha sa mga pagkaing mani, bungang ugat, at itlog.
Ang Vitamin B7 ay maaari ding makuha sa mga supplement na karaniwang inirereseta para gamutin ang kakulangan sa Vitamin B7, paglalagas ng buhok, pagbibitak ng mga kuko, pagkakaroon ng dermatits, karaniwang kaso ng diabetes, at depresyon.
Gaano karaming Vitamin B7 ang kailangan ng katawan sa araw-araw?
Ang itinakdang dami ng vitamin B7 na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong nasa hustong edad ay 30 micrograms. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.
Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Vitamin B7?
Wala pang kaso ng pagkakaranas ng masamang epekto dahil sa sobrang pagkonsumo ng Vitamin B7. Kaya naman, wala ring itinakdang limitasyon sa pagtanggap ng bitaminang ito sa bawat araw. Ang Vitamin B7 ay madaling humahalo sa tubig (water soluble) at madaling nareregulisa ng katawan kung kaya’t bibihira ang kaso ng pagkaoverdose nito.
Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Vitamin B7?
Ang kakulangan naman ng Vitamin B7, bagaman ito ay bibihirang kaso din, ay maaaring magdulot ng madaling pagkalagas ng buhok, madaling pagkapagod, depresyon, pagliliyo, pananakit ng mga kalamnan, at pagkakaroon ng anemia.
10 Pagkain na Mayaman sa Vitamin B7
1. Mani
Ang mani ang isa sa mga may pinakamataas na mapagkukunan ng Vitamin B7. Ang kalahating tasa ng mani ay maaaring mapagkunan ng hanggang 52.6 microgram ng biotin o katumbas ng 175% ng pang-araw-araw na pangangailangan ng katawan sa Vitamin B7.
2. Kamatis
Ang isang tasa ng kamatis ay maaaring makuhanan ng hanggang 7.2 microgram ng biotin o katumbas ng 24% ng pang-araw-raw na pangangailangan.
3. Itlog
Ang itlog na kilalang mapagkukunan ng iba’t ibang bitamina at sustansya ay maaari ding mapagkunan ng Vitamin B7. Tinatayang aabot sa 8 microgram ng biotin ang maaaring makuha sa isang itlog na may katamtamang laki.
4. Sibuyas
Ang isang tasa naman ng sibuyas ay maaari ding mapagkunan ng hanggang 8 microgram ng biotin.
5. Karot
Mayroon ding Vitamin B7 sa gulay na karot. Maaaring umabot sa 6.1 microgram ng biotin ang makukuha sa isang tasa ng karot.
6. Cauliflower
Ang isang tasa din ng gulay na cauliflower ay maaaring ding makuhanan ng 1.61 microgram ng Vitamin B7.
7. Kamote
Ang isang kamote naman na may katamtamang laki ay maaaring makuhanan ng biotin na maaaring umabot sa 8.6 microgram.
8. Salmon
Mayroong 4.5 microgram ng biotin ang maaaring makuha sa 4 oz ng isdang salmon.
9. Saging
Ang isang saging na may katamtamang laki ay maaaring makuhanan ng hanggang 3.07 microgram ng biotin.
10. Strawberry
Ang mapupulang strawberry ay maaari ding makuhanan ng vitamin B7. Ang isang tasa nito ay maaaring makuhanan ng hanggang 1.58 microgram ng vitamin B7.