Ano ang biopsy at para saaan ito?
Ang biopsy ay isang pamamaraan ng pagsusuri o pag-diagnose sa isang pasyente upang matukoy ang pagkakaroon ng isang sakit. Dito’y kumukuha ng maliit na bahagi ng laman o tissue mula sa pasyente, at saka pag-aaralan sa laboratoryo. Kadalasan itong isinasagawa kung pinaghihinalaang mayroong cancer ang isang pasyente.
Kanino at kailan ginagawa ang biopsy?
Ang pagsusuri gamit ang biopsy ay isinasagawa ng doktor sa pasyenteng nakararanas ng sintomas ng hindi pa nalalamang karamdaman. Ang sintomas o abnormalidad sa katawan ay maaaring sa anyo ng tumor, lesion o pagkasira ng laman, o anumang pamumuo sa kalamnan. Sa pamamaraan ng biopsy, maaaring matukoy kung ano ang sanhi ng nararanasang sintomas o kaya naman ay maalis ang mga agam-agam ng pagkakaroon ng ibang sakit. Kadalasan, ang biopsy ay isinasagawa kung may nakitang tumor sa katawan na kahina-hinalang pagmulan ng kanser. Sa pamamagitan ng biopsy, makatitiyak na ang tumor ay benign (hindi nakapipinsala) o malignant (nakaka-kanser). Minsan din naman, isinasagawa ang biopsy sa normal na bahagi ng laman. Ito ay ginagawa kapag may ililipat (transplant) na bagong organ sa katawan upang malaman kung tatanggapin ba ito ng katawan.
Paano isinasagawa ang biopsy?
Kung sakaling makakita ng kahinahinalang abnormalidad sa katawan, maaari itong gawan ng biopsy. Kadalasan ay gumagamit ng karayom (minsan ay gumagamit din ibang matulis na bagay, depende sa bahagi ng katawan na pagkukunan) sa pagkuha ng maliit na bahagi ng laman o tissue mula sa bahagi ng katawan na kahinahinala. Ang pagtusok ng karayom ay maaaring sabayan ng CT scan o Ultrasound upang magabayan at makatiyak sa bahagi ng laman na pagkukunan. Minsan, gumagamit din ng pampamanhid o anestisya sa pagkuha ng sample. Ang mga bahagi ng katawan na maaaring pagkuhanan ng laman para sa biopsy ay ang buto, laman ng buto o bone marrow, atay, bato o kidney, balat, prostata, at iba pang pinaghihinalaang bahagi ng katawan.
Ang nakuhang laman naman ay dinadala sa laboratoryo upang masuring mabuti ng isang pathologist o spesyalista sa mga karamdaman ang hugis, itsura at pagkilos ng mga cells at matukoy ang posibleng pagkakaroon ng sakit.
Gaano katagal bago makuha ang resulta ng biopsy?
Ang resulta ng biopsy ay nakadepende sa kaso o paghihinala ng mga doktor. Maaaring isagawa ito ng agaran na tumatagal lamang ng ilang minuto. Ngunit para makasigurado ng husto, ang pagsusuri sa biopsy ay maaaring magtagal ng hanggang isang linggo.
Ano ang mga sakit na ginagamitan ng biopsy para matukoy?
Ang pangunahing karamdaman na natutukoy sa pagsasagawa ng biopsy ay ang pagkakaroon ng kanser. Ngunit bukod sa sakit na ito, maaari ding matukoy ang pagkakaroon ng cirrhosis o pagkasira ng atay dahil sa sakit na hepatitis. Ang pagkakaroon ng parasitikong bulate na Trichinella spiralis sa katawan ay natutukoy din sa pamamagitan ng biopsy sa kalamnan.
May epekto ba sa katawan ang biopsy?
Sa pangkalahatan, ang procedure na biopsy ay tinuturing na safe at wala naman seryosong epekto sa katawan. Ang maliit na bahagi ng laman na kinuha para mapag-aralan ay wala namang naidudulot na masamang epekto. Maaari lamang makaramdaman ng panandaliang pananakit sa lugar na pinagkuhanan ng laman o kaya naman ay makaranas ng di komportableng pakiramdam dahil sa maaaring paggamit ng anestisya habang kumukuha ng sample na laman.