Pagbabago sa pag-iisip: Anong dapat gawin?

ang kamag-anak ko po ay nakakaranas nang depresyon. Minsan po sya ay nagsasalita magisa at nanakit paminsan minsan.madalas din po sya magtamang hinala.ngunit hindi naman po sya gumagamit ng pinag babawal na gamot.mayroon po ba gamot sa ganung uri ng karamdaman?o nararapat na po ba namin sya dalin sa mental hospital?maraming salamat po.

Ang iyong mga nabanggit, lalo na ‘nagsasalita ng mag-isa’ at ang paminsan-minsang pananakit sa ibang tao, ay dalawang sintomas na nakaka-alarma at maaaring tumutukoy sa isang kondisyon na ‘psychiatric’ o isang karamdaman ng pag-iisip. Maaari rin naman itong sintomas ng isang karamdaman sa utak. Anuman ang sanhi nito, ito’y kailangang maipatingin kaagad sa psychiatrist, neurologist, o iba pang doktor upang masuri.

May gamot o lunas ba para dito? Oo. May mga gamot na pwedeng inumin na pampakalma, pampa-alis ng mga sintomas gaya ng pagsasalita ng mag-isa, at iba pa. Sa kabilang banda, marami ring doktor at ekperto na naniniwala at mas epektibo sa gamot ang mga ‘therapy’ gaya ng pakikinig at pakikipag-usap sa pasyente, kung saan hahayaan siyang ilabas ang kanyang mga saloobin, at iba pang mga stratehiya. Para sa iba naman ay mas okay ang kombinasyon ng gamutan at therapy. Sa kasalukuhan, nagbabago na ang pananaw ng mga doktor tungkol sa pangangailangang i-confine sa mental hospital ang mga pasyente. Mas pabor sila na gamutin na lang ang mga ito sa kani-kanilang mga bahay, basta’t hindi bayolente ang pasyente, o may iba pang karamdaman na dapat gamutin sa ospital.

Maraming mga posibilidad. Ngunit sa puntong ito ay gusto kong idiin ang kahalagahan ng suporta ng pamilya sa kanya. Karamihan ng mga ganitong karamdaman ay may dahilang isang bagay na nag-‘trigger’ dito. Ano kaya ito? Subukan ninyong intindihan ang kanyang mga nararamdaman, at pakitaan siya ng pagmamahal. Ang suporta ng pamiya ay napatunayan ng mga pag-aaral na isang mahalagang bagay para sa mga pasyente nakakaranas ng mga ganitong uri ng kondisyon. Kaya’t patuloy nyo siyang bigyan ng pag-aalaga, pag-iintindi, at pagmamahal.