Bedwetting o pag-ihi habang natutulog: May lunas ba?

Q: doc , may lunas pa po ba sa bedwetting tuwing gabi ? mababa po ang pantog ko. ang ikinakatakot ko po ay sa pag OOJT co . pls. response.

A: Ang bedwetting, o pag-ihi sa gabi habang natutulog na hindi namamalayan, ay isang kondisyon na maraming pwedeng maging sanhi. Maaaring ang kondisyong ito ay namamana, o ‘nasa dugo’; maaari rin naman itong indikasyon na hindi na-develop ang pagkontrol ng pantog na dapat isang normal na bahagi ng paglaki ng isang bata. Gayunpaman, ang kondisyong ito ay hindi pa lubos na nauunawaan ng mga mananaliksik.

Bukod sa mga nabanggit kong posibleng sanhi ng ‘bedwetting’ o pag-ihi sa kama habang natutulog, may ilang mga bagay na pwedeng maging sanhi nito, kagaya ng pag-inom ng alak o anumang inuming may alcohol, pag-inom ng kape o anumang inuming may ‘caffeine’, stress, impeksyon, at iba pang mga bagay.

Sa dami ng pwedeng sanhi, ang rekomendasyon ko ang magpatingin ka na lang sa isang urologist, o iba pang doktor, upang ma-examine ka ng mabuti tungkol dito.

Tungkol naman sa mga solusyon na pwedeng ibigay para sa ‘bedwetting’, pwedeng magreseta ng ilang mga gamot na maaaring makatulong sa pagpigil sa pag-ihi habang natutulog. Ang mga ito ay marereseta ng iyong doktor. Maaari ring irekomenda sa iyo ang pagsusuot ng diaper upang ma-absorb ang ihi habang ikaw ang natutulog. Isa pa, ang pag-limita sa dami ng tubig na iniinom mo sa gabi ay maaari ring makatulong dito.

Malamang, ang lunas sa iyong karamdaman ang magiging kombinasyon ng gamutan, pag-iwas sa ilang mga bagay gaya ng alak at kape, at emosyonal na suporta. Mahalaga na huwag mong hayaang masakop ka sa pag-aalala sa kondisyong ito, at ituon na lamang ang iyong isip na ibang mga bagay.