Normal po bang lumalawlaw ang bayag kapag ang temperatura ay mainit?

Q: Normal po bang lumalawlaw ang bayag kapag ang temperatura ay mainit?

A: Oo normal lang ito. Dahil maselan ang semilya ng lalaki sa pagkakaron ng tamang temperatura para ito’y manatiling normal, ang bayag o scrotum ay lumalawlaw o nagiging mas ‘relaxed’ kappa mainit, at ito naman ay nagiging ‘tense’ o parang lumiit, umuurong, at nangungulubot. Ito’y normal na reaksyon ng katawan at hindi dapat ikabahala.

Hindi pantay ang bayag: Dapat bang ikabahala?

Q: kapag hindi pantay ang bayag o mas malaki yung isang bayag ito ba ay sintomas ng luslos? salamat

A: Huwag mag-alala. Normal lang na sa ilang mga kalalakihan ay medyo magkaiba ang laki ng itlog o testicle. At marami ring mga lalaki na mas mababa ang pagkakalawlaw ang isang itlog sa bayag. Normal lang din ito at hindi naman ito nangangahulugan na ikaw ay may luslos.

Subukan mong kapain ang iyong mga itlog. Kung may nakakapa kang bukol na wala sa kabilang itlog, o kaya kung may kakaiba lang nararamdaman kagaya ng kirot o pananakit sa bayag, o di kaya kung pakiramdam mo ay lumalaki o lumiliit ay isa sa mga itlog, magandang mapatignan mo ito sa isang doktor upang matiyak na okay ang lagay ng iyong kalusugan.

Mababaog ba kung tumama ang bayag sa bike?

Q: Doc, itatanong ko lang po kung mababaog kaba kapag naitama ang isang bayag mo sa bar ng bike at nabitak ito. Mababaog ba ako? Sana po masagot nyo ang katanongan ko. Thanks po & more power sa column nyo.

A: Hindi ka nag-iisa sa katanungang ito sapagkat isa sa pinaka-karaniwang paliwanag ng mga tao sa pagkabaog ng isang lalaki ay mga aksidenteng nakaraan. Oo, posibleng maging sanhi ng pagkabaog ang pagkadali ng bayag ngunit hindi ito karaniwan. Sa katunayan, sa dami ng mga nakakaranas ng ganitong aksidente, bibihira ang nagdudulot sa komplikasyon, maliban na lang kung malala talaga ang tama.

Isa sa dahilan kung bakit bihira ito dahil dalawa ang itlog (testicle) ng lalaki at maski isa lang dito ay sapat na upang gumawa ng sperm cells na kinakailangan para makabuntis.

Kaya kung hindi naman malala ang nangyari at wala ka namang nararamdaman na paglala sa iyong bayag, hindi ka dapat mabahala. Subalit kung may pamamaga, pagbabago ng kulay, pagkirot, o iba pang sintomas na patuloy na nararamdaman, magpatingin ka na sa doktor upang masuri ng mabuti ay kondisyon ng iyong bayag.

Paano makakaiwas sa pananakit ng bayag?

Ang pag-iwas sa pananakit sa bayag ay naka-depende sa sanhi nito, ang iba ay hindi maiiwasan sapagkat sila’y dulot ng ‘genetic factors’ o nasa lahi. Subalit may ilang uri na pwedeng maiwasan, gaya ng impeksyon, sa pamamagitan ng pag-iwas sa high-risk sexual behaviors o mga mapanganib at ‘di ligtas na pakikipag-sex, na siyang sanhi ng STD na maaaring maging sanhi naman ng impeksyon sa bayag.

Panatilihin ring maaliwalas at hindi mahigpit ang pagsusuot ng brief at pantalon. Kung sa pamilya ninyo ay may luslos, iwasan rin ang pagbubuhat ng mabigat, at panitilihang masigla at hindi nakakapagpataba ang kinakain upang hindi lumaki at tiyan.

Ano ang gamot sa pananakit ng bayag?

Ang gamot sa pananakit sa bayag ay naka-depende sa anumang sanhi nito, subalit sa pangkalahatan ay narito ang mga hakbang na pwedeng gawin:

1. Kung masakit na masakit ang bayag, dalhin agad ito sa ospital upang masuri at matiyak na ito’y hindi isang emergency.

2. Kung ang pananakit ay hindi malala at pawala-wala, baka ang sanhi nito ay simple lang. Kung gayon, siguraduhing hindi mahigpit ang brief, sinturon, o pantalon. Kapag ang bayag ay nasasakal, ito’y maaaring magdulot ng pananakit. Subalit kung tuloy parin ito, magpatingin na sa doktor.

3. Maaaring uminom ng mga pain reliever gaya ng ibuprofen o paracetamol para mabawasan ang kirot, subalit ito ay panandalian lamang; kung ang sintomas ay hindi naaawat, ipatingin na ito sa doktor upang mabigyan ng angkop na gamot.

4. Paminsan, ang paglublob sa maligamgam na tubig ay nakakapagbigay-ginawa rin sa bayag.

Ano ang pagsusuri sa pananakit ng bayag?

Ang mga pagsusuri sa pananakit ng bayag ay nakadepende sa hinala ng doktor kung ano ba ang sanhi nito. Sa maraming kaso, ang eksaminasyong pisikal sa gagawin ng doktor ay sapat na upang magkaron ng diagnosis, subalit minsan ay kailangan ng mga espesyal na eksaminasyon. Mga halimbawa:

1. Ultrasound. Hindi lamang babae na inuultrasound! Maging ang mga kondisyon sa tiyan, bituka, at maging sa bayag ay maaaring masilip sa pamamagitan ng ultrasound.

2. Urinalysis o pagsusuri ng ihi. Kung may impeksyon sa ihi o UTI, ito’y maaaring makita sa urinalysis.

3. Complete blood count o blood test: Kung impeksyon ay hinihinala, ang mga ‘white blood cells’ ay magiging mataas.

4. Iba pang eksaminasyon, depende sa diagnosis.

Ano ang sintomas ng pananakit ng bayag?

Ang pananakit ng bayag ay isang sintomas na mismo nito: ang pagkaranas ng pagkirot o pananakit. Subalit, depende sa sanhi nito, may mga kaibihan din sa presentasyon ng karamdaman:

1. Kung ito’y luslos, maaaring makaranas ng pasumpong-sumpong na paglaki at pagliit ng bayag, sa kadahilanang minsan ay lumuluslos (o nalalaglag) ang isang bahagi ng bituka sa bayag. Ito’y pwedeng may kasamang kirot, pero pwede rin namang wala.

2. Kung ito’y ‘testicular torsion’ o pagkakapulupot ng ugat ng itlog, may pananakit ng lubha, biglaan, at maaaring may kasamang pagbabago ng kulay ng bayag (hal. pangingitim).

3. Kung ito naman ay impeksyon (epididymitis), gaya ng UTI o STD, pwdeng may kaakibat na pananakit o pagkirot habang umiihi, balisawsaw, nana na tumutulo sa lagusan ng ihi (urethra), mga kulani sa singit, o lagnat.

Kadalasan ay nangangailangan ng pagsusuri ng doktor upang matukoy ang mga sintomas sa nakapaloob o kaakibat ng pananakit ng bayag.

Mga kaalaman tungkol sa pananakit ng bayag

Ano ang pananakit ng bayag?

Ang pananakit ng bayag (scrotal pain) at pananakit ng itlog (testicular pain) ay isang kondisyon o sintomas kung saan ang isang lalaki ay nakakaramdam ng panakakit o pagkirot sa kanyang bayag. Itong maaaring nasa isang bahagi naman (kanan o kaliwa). Bagamat ito’y maaaring sintomas ng isang malalang kondisyon na kinakailangan ng gamutan, maraming uri ng pananakit ng bayag na nawawala ng kusa.

Ano ang sanhi ng pananakit ng bayag?

Ang pananakit ng bayag (scrotal pain) at pananakit ng itlog (testicular pain) ay maraming iba’t ibang mga sanhi. Maaaring itong sintomas ng impeksyon gaya ng UTI o mga STD gaya ng gonorrhea at chlamydia. Maaari rin itong sintomas ng pagkakaipit o pagkakapulupot ng ugat sa bayag (testicular torsion o varicocoele), o di kaya luslos (hernia). Sa kabilang banda, pwede rin naman ang ang pagsakit ng bayag ay dahil lamang sa mga pananakit ng laman na nawawala rin ng kusa, o di kaya pagkakaipit. Panghuli, may tinatawag rin ng ‘blue balls’, isang kondisyon na dulot ng pagkakaudlot ng pakikipagtalik o pagjajakol.

Sumasakit ang bayag at mga itlog

Q: Sumasakit po ang bayag ko at parang lumiliit..anu po ang sakit ko?

A: Ang pagsakit ng bayag (scrotum) at mga itlog (testicles) sa mga lalaki ay maraming dahilan. Maaaring ito’y dahil sa mga ugat na naipit, sa luslos, sa impekyson, pamamaga, at sa mga hindi malamang dahilan (idiopathic causes).

Kung ang sintomas na ito ay nakakasagabal, lumalala, o masakit na masakit, mas magandang magpatingin sa doktor upang masuri hindi lamang ang uri ng kirot, kundi pati narin ang mga iba’t ibang sintomas na maaaring kasama nito.

Tungkol naman sa pagliit ng bayag, ito ay normal, halimbawa kapag malamig, na lumiliit ang bayag upang ingatan ang mga itlog sapagkat sensitibo ito sa mga pagbabago ng temperatura. Subalit may mga uri rin ng pagbabago sa itsura o anyo ng bayag – halimbawa ang hindi pagkakapantay nito – na maaaring mga ‘clue’ sa isang karamdaman gaya ng luslos o undescended testes.

Ano ang gamot sa pangangati ng bayag?

Q: Good afternoon po tanong ko po ano po kayang mabisang gamot sa bayag na nagtutuklap tuklap at kinakati salamat po

A: Ang pangangati ng bayag o ‘scrotal itch’ ay isang problema na maraming kalalakihan ay hinaharap. Pati ba ang singit ay damay din sa pangangati, pamumula, at panunuklap ng balat? Kung oo, isa sa posibilidad ay ang pagkakaroon ng hadhad, isang impeksyon na dulot ng fungi. Tingnan ang kasugtan sa tanong na “Ano ang maaaring gamot sa hadhad?” sa Kalusugan.PH para sa kaalaman tungkol sa hadhad.

Kung sa bayag lang talaga ang pangangati, marahil, ‘allergy’ o pagkakaron ng iritasyon sa balat ang sanhi ng pangangati. Narito ang ilang mga payo’t hakbang na pwedeng gawin bilang lunas:

1. Magsuot ng boxers imbes na brief. Ang pagiging maaliwalas at pagkakaron ng hangin sa ‘bandang ibaba’ ay nakakatulong na masupil ang anumang impeksyon na nagiging sanhi ng pangangati.

2. Tubig lang muna ang ipanghugas. Iwasan ang paggamit ng sabon, pabango, o anumang pinapahid sa bayag, ari, o singit, sapagkat maaaring isang sangkap sa alin man sa mga ito ang nakaka-irita sa balat ng bayag o scrotum. Alam kong ito’y hindi madaling paniwalaan para sa iba, sapagkat kapag tayo’y may pagbabago sa balat, gaya ng sugat o pantal, ang ating inisyal na reaksyon ay ang paggamit ng sabon, alcohol, o iba pang pwedeng ipahid. Subalit kung makati ang bayag, baka makasama pa ang mga ito. Kaya tubig lang muna ang ipanghugas, at tingnan kung magkakaron ng pagbabago.

3. Huwag hayaang pagpawisan ang bayag. Maligo agad pagkatapos ng paglalaro ng sports o anumang aktibidades na pagpapawisan.

4. Maligo ng dalawang beses kada araw.

5. Iwasan ang pag-aahit ng bulbol o pubic hair, at ang paggamit ng shaving cream o iba pang pinapahid sa bayag.

6. Kung hindi pa gumagana ang mga ito, magpahid ng over-the-counter na hydrocortisone cream, dalawang beses isang araw, sa loob ng isang linggo at tingnan kung magkakaron ng pagbabago.

7. Kung hindi parin mawala ang mga sintomas ng pangangati at iba pa, magpatingin sa dermatologist o iba pang doktor upang ma-examine ang iyong balat at mabigyan ka ng kaukulang gamot para dito.