5 Tips sa Tamang pangangalaga sa balat

Ang balat na bumabalot sa buong katawan ng tao ang nagsisilbing pangunahing proteksyon ng katawan mula sa lahat ng uri ng bagay na maaaring makapaminsala sa kalusugan. Kung wala ito, madaling makapapasok ang mga mikrobyo at makapagdudulot ng sakit. Mawawalan din ng proteksyon ang katawan mula sa nakasasamang UV rays mula sa araw. Kaya’t marapat lang din na mapangalagaan ang balt at mapanatili itong malusog sa lahat ng oras.

balat

1. Protektahan ang sarili mula sa araw

Isa sa mga pinakamahalagang paraan ng pangangalaga sa balat ay ang pag-iwas sa direktang pagkakalantad nito sa araw. Ang sobrang UV rays na tumatama sa balat ay maaaring magdulot ng pangungulubot ng balat, mga patse-patse, at iba pang abnormalidad sa dito. Mas tumataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa balat kung palagiang mabibilad ito sa araw. Upang maproteksyonan ang balat mula sa masasamang epekto ng araw, maaaring sundin ang sumusunod na hakbang:

  • Laging gumamit ng pinapahid na sunblock kung susugod sa matinding sikat ng araw.
  • Sumilong sa may lilim sa mga oras ng katirikan ng araw (10 ng umaga hanggang 3 ng hapon).
  • Gumamit ng payong o sombrero, o kaya’y magsuot ng damit na may mahabang manggas upang maprotektahan ang balat mula.

Basahin ang iba pang masasamang epekto ng pagbababad sa init ng araw: Masasamang epekto ng ultra violet sa katawan.

2. Huwag manigarilyo

Ang paninigarilyo, kailanman ay walang maidudulot na mabuti sa kalusuga, maging sa balat. Nalilimitahan ang sustansya at oxygen na nakararating sa balat dahil sa pagninikip ng mga ugat ng dugo na resulta naman ng paghithit ng sigarilyo. At sa kadahilanang ito, ang balat ay mas nagmumukhang matanda at mas mabilis mangulubot. Mababawasan din ang tibay at elastisidad ng balat dahil sa pagkasira ng collagen at elastin.

Basahin ang iba pang masasamang epekto ng paninigarilyo: 10 Dahilan para itigil ang paninigarilyo.

3. Maging mas banayad sa pangangalaga ng balat.

May ilang mga gawain na inaakala ng marami na makabubuti sa balat, ngunit sa kabaligtaran, mas lalo lamang itong nakakasira.

  • Bawasan ang oras ng paligo. Ang masyadong matagal na pagligo ay maaaring hindi makabuti sa kalusugan ng balat. Ito’y sapagkat naaalis o nababawasan nang husto ang mahalagang langis sa balat. Iwasan din ang sobrang init na tubig sa pagligo.
  • Iwasan ang matatapang na sabon. Ang paggamit ng matapang na sabon sa paghuhugas ng balat ay maaaring masyadong marahas. Bukod sa mabilis na pagkawala ng mahalagang langis sa balat, maaaring magdulot din ito ng iritasyon lalo na sa mga sensitibong balat.
  • Iwasan ang marahas na pagpunas sa balat. Hindi makabubuti sa balat ang marahas na pagpupunas sa dito kung ito ay basa. Ang pagdadampi ng malambot na tuwalya ay mainam at sapat na.
  • Iwasan ang panunuyo ng balat. Kung sakaling matuyo ang balat dahil sa ilang mga bagay, lagyan ito ng mga pinapahid na moisturizer upang mapanatiling malusog ang balat. Alamin ang iba pang paraan para maiwasan ang panunuyo ng balat: 8 Tips para maiwasan ang panunuyo ng balat.

4. Kumain ng mga pagkain na mabuti para sa balat.

Ang mga pagkain na masustansya, lalo na ang mga prutas at gulay na mayaman sa Vitamin C ay makatutulong sa pagpapanatiling masigla at malusog ng balat. Limitahan din ang mga pagkaing may mataas na lebel ng taba, at artipisyal na preservatives. Siyempre pa, mahalaga din na sapat ang iniinom na tubig araw-araw.

5. Bawasan ang stress

Napatunayan na din ng maraming pag-aaral na ang stress ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng ilang mga problema sa balat gaya ng pagtubo ng mga tagihawat. Kaya naman mahalaga din na makontrol ang nararamdamang stress, hindi lamang para mapanatiling masigla ang balat kundi pati na rin sa ikabubuti ng pag-iisip at kabuuang kalusugan ng katawan. Alamin ang mga paraan para maiwasan ang stress: Pagrerelax kontra stress.

 

 

Kahalagahan ng SunBlock at Wastong Paggamit Nito

Ang sunblock o sunscreen ay ang produkto na ginagamit sa balat upang maiwasan ang sunburn, pangungulubot ng balat, at mga kaakibat nitong komplikasyon gaya ng kanser sa balat. Ito ay maaaring lotion, spray, gel o iba pang anyo na pinapahid sa balat. Taglay ng produktong ito ang ilang mga sangkap na may kakayahang pumigil sa ultraviolet (UV) radiation na siyang nagdudulot ng iba’t ibang hindi kanais-nais na epekto.

Banana-Boat-Sun-Screen-Lotion-Products

Ano ang dapat tandaan sa pagpili ng sunblock?

May ilang mga bagay na dapat isaalang-alang sa pagpili ng sunblock. Mahalagang malaman ang mga ito upang masulit at magamit ng husto ang mga benepsyong makukuha sa produktong ito.

1. Piliin ang uri ng sunblock na nararapat para sa aktibidad.

May ilang mga sunblock na may nakasaad na waterproof o water resistant, at ito ay nababagay sa mga konsumer na magbabakasyon sa beach o sa mga mag-eehersisyo sa labas gaya ng pagjojogging at sobrang magpawis.

2. Gamitin ang sunblock na hindi bababa sa 30 SPF.

Ang Sun Protection Factor o SPF ay ang sukatan kung gaano kalakas at gaano katagal ang bisa ng proteksyon mula sa sikat ng araw. Kung lalabas at matatagalan ang susunod na paglalagay ng sunblock, mas makabubuti ang paggamit ng may mataas na SPF. Ang rekomendadong taas ng SPF na dapat gamitin ay 30.

3. Ikonsidera ang mga sangkap ng sunblock.

Basahin ang label ng produkto at tignan ang mga sangkap nito. Tandaan na may ilang sangkap na kemikal gaya ng Mexoryl SX, Mexoryl XL at Parsol 1789 ang may kakayahang harangin ang UV upang hindi ito makarating sa balat. Ang zinc oxide at titanium dioxide naman ay may kakayanang i-deflect o patalbugin ang UV upang hindi rin pumasok sa balat. Alamin din kung ito ay mayroong sangkap na makapagdudulot ng iritasyon o allergy sa balat.

4. Piliin ang sunblock na nararapat para sa uri ng balat.

May mga sunblock din na naiiba-iba depende sa uri ng balat. Mayroong nararapat para sa balat ng matanda, sa balat ng bata, o sa balat ng mukha. Tiyakin itong mabuti bago bilhin upang maiwasan ang hndi kaaya-ayang epekto.

Paano ang wastong paggamit ng sunblock?

Ang paglalagay ng sunblock sa balat ay dapat isaalang-alang lalo na sa panahon ng tag-init o summer. Ngunit mayroong wastong hakbang sa paggamit nito para makuha nang husto ang benepisyo ng produktong ito.

1. Gamitin ang sunblock na nararapat sa balat. Tiyakin na ang gagamiting sunblock ay bagay para sa aktibidad na gagawin, may mahusay at aktibong sangkap, SPF na hindi bababa sa 30, at naaayon sa uri ng balat.

2. Ipahid sa bahagi ng balat na masisinagan ng araw. Tiyakin ding mapapahiran ng husto ang lahat ng balat na nakalabas gaya ng mukha, braso, hita, balikat, likod, batok at likuran ng tenga.

3. Hintaying masipsip ng balat ang sunblock. Maghintay ng 15 minuto hanggang 30 minuto bago lumabas at magbilad sa araw. Maaari pa ring masunog ang balat at mas madali rin itong mawala kung kikilos na agad nang hindi pa tuluyang nahihigop ng balat ang sunblock.

4. Magpahid ulit pagkalipas ng ilang oras. Ang epekto ng sunblock ay kadalasang nawawala na matapos ang 2 oras kaya mabuting maglagay ulit pagsapit nito. Dagdagan din ang sunblock pagkatapos ng paglalangoy o sobrang pagpapawis.

Kaalaman tungkol sa Sunburn o ang Pagkasunog ng balat dahil sa araw

Ano ang Sunburn?

Ang sunburn o ang pagkasunog ng balat dahil sa araw ay simpleng konsepto na kayang intindihin ng lahat—nasusunog ang ibabaw na patong ng balat dahil sa tagal ng pagkakabilad sa araw. Ang kondisyong ito ay karaniwan at talagang kapansin-pansin lalo na sa panahon ng tag-araw o summer. Nagaganap ito kapag ang isang indibidwal ay nanatili ng mahabang panahon sa ilalim ng sikat ng araw kung saan ang radiation mula dito ay tumatama sa mismong balat na humahantong naman sa pagkasunog ng ibabaw na patong nito. Sa una, ang nasunog na balat mapapansing iba sa karaniwang kulay ng balat na maaaring mamula-mula o nangingitim. Kasabay nito, makararamdam din ng hapdi sa bahagi ng balat na nasunog.

sunburnpeel

Ano ang maaaring mangyari sa balat na nasunog?

Sa mga simpleng kaso ng sunburn, ang balat na nasunog ay maaaring mamula-mula o nangingitim at mahapdi sa simula. Ngunit sa paglipas ng ilang araw, ang balat na nasunog ay magsisimulang matuklap at magdudulot ng matinding pangangati sa balat. Ang pagtuklap ng balat ay magtutuloy-tuloy hanggang sa tuluyang mawala ang mga nasunog na bahagi ng balat. Sa mga mas malalang kaso naman, kung saan ang isang indibidwal ay nanatili nang mas matagal sa pinaka matinding kainitan ng araw, ang balat ay maaaring mamanas, at magkasugat-sugat na parang paltos, at maaaring makaramdam ng mga sintomas ng lagnat. Kung mas malala pa, maaaring dumanas ng mga malubhang komplikasyon.

Anong komplikasyon ang maaaring kahantungan ng sunburn?

Ang pagkakadanas ng matinding pagkasunog ng balat ay maaaring humantong sa mas malalang kondisyon sa balat gaya ng kanser o melanoma. Ang kanser sa balat ay maaaring mabuo mula sa matagal na pagtama ng UV rays sa balat kung saan maaaring mabago ang istraktura ng mga DNA at magpasimula ng pagkakaroon ng cancer cells. Ang dalas at matagal na pagkakabilad din ay nagdudulot ng maaagang pagtanda ng balat gaya ng pangungulubot.

Sino ang may mas mataas na posibilidad na ma-sunburn?

Ang pagkakasunog ng balat ay depende sa tindi ng sikat ng araw at kung gaano katagal nanatili sa ilalim nito. Ngunit bukod dito, may koneksyon din ang kulay ng balat sa bilis at tindi ng epekto ng sunburn. Mas mabilis na naaapektohan ng sinag ng araw ang mga taong mapuputi at may blonde na buhok kaysa sa mga taong maitim ang balat at buhok. Dahil ito sa melanin, ang pigment na nagbibigay kulay sa balat at buhok, na nagsisilbing karagdagang proteksyon ng balat laban sa radiation ng araw. Kaya naman, ang mga taong albino o anak-araw ay higit na mabilis masunugan ng balat. Basahin ang artikulo tungkol sa kakaibang kondisyong genetiko na albinism.

Ano ang gamot sa sunburn?

May ilang lunas na maaaring gamitin para maibsan ang mga epektong dulot ng sunburn gaya ng pamumula at paghapdi ng balat. Narito ang ilan sa mga simpleng hakbang ng paggagamot sa sunburn:

  • Maaaring tapalan ng tuwalyang binasa sa malamig na tubig o kaya ay paagusan ng malamig na tubig ang balat na nasunog para mabawasan ang hapding nararanasan.
  • Pahiran ang nasunog na balat ng gel o ointment para sa sunburn. Ang mga kadalasang pinapahid ay may sangkap na menthol, camphor, at katas ng aloe vera.
  • Kung ang balat ay namamaga dahil sa tindi ng sunburn, makatutulong ang pag-inom ng gamot na ibuprofen o naproxen.
  • Makatutulong din ang tuloy-tuloy na pag-inom ng tubig.
  • Hanggat hindi tuluyang gumagaling ang nasunog na balat, huwag magbibilad sa araw.

Ang pagkakaranas ng sunburn ay kadalasang nagagamot naman sa bahay lang, ngunit sa ibang pagkakataon, lalo na kung dumaranas na rin ng malalalang kondisyon at komplikasyon, maaaring magtungo na sa pagamutan at kumonsulta sa doktor na espesyalista sa balat o dermatologist.

Paano makaiwas sa sunburn?

Simple lang ang mga hakbang para makaiwas sa pinsalang dulot ng araw. Narito ang ilan sa mga ito:

  • Iwasang lumabas ng bahay sa oras na pinaka-matindi ang sikat ng araw. Ito ay mula 10 AM hanggang 4 PM.
  • Kung matindi ang sikat ng araw, magsuot ng mga damit gaya ng may mahahabang manggas at pantalon. Makabubuti rin ang paggamit ng payong, sombrero at shades sa mata.
  • Ugaliin din ang paglalagay ng mga sunscreen lotion na may mataas na SPF.

Paano makaiwas sa an-an?

Dahil ang fungus na nagdudulot ng an-an ay natural na naninirahan sa balat, walang tiyak na paraan upang ito ay maiwasan. Kinakailangan lamang pahiran o uminom na gamot kontra sa an-an upang mapigilan itong kumalat at ang pabalik-balik na kaso nito. Narito ang ilang hakbang upang maiwasan ang pabalik-balik na na an-an:

  • Iwasan ang paggamit sa mga produktong sobrang malangis. Halimbawa ay mga fragrant oil essence.
  • Bawasan ang pagbibilad sa araw, ang sobrang pagbibilad ay maaaring magmitsa ng pagsisimula ng an-an, at lalo ring lilitaw ang kulay ng an-an kung masmaitim ang kulay ng balat na dulot ng pagsusunog sa ilalim ng araw.
  • Gumamit ng cream o lotion pangontra sa an-an bago lumabas ng bahay
  • Gumamit din ng maluluwag na damit upang makahinga ang balat at hindi madikit sa pawis.

 

Ano ang gamot sa an-an?

Ang gamutan sa balat na apektado ng an-an ay binubuo ng mga anti-fungal na pinapahid gaya ng ointment, cream o lotion, o kaya ay mga tableta na iniinom. Maaari din itong shampoo kung ang an-an ay nakakaapekto sa bahagi ng ulo at anit. Ang mga nabanggit na gamot ay kadalasang nabibili na over the counter sa mga butika at maaaring hindi na nangangailangan pa ng reseta ng doktor, ngunit mas mainam pa rin kung magagabayan ng dermatologist ang iyong paggagamot. Ang mga madalas na nireresetang gamot para sa an-an ay ketoconazole, clotrimazole, terbinafine. Kapag malawak na bahagi ng balat ang apektado, maaaring mas praktikal na uminom na lamang ng anti-fungal medications. Magpagabay sa dermatologist sa wastong pag-inom ng mga gamot na ito.

Paano malaman kung may an-an?

Ang an-an ay natutukoy ng isang dermatologist sa simpleng pagtingin lamang sa apektadong balat. Minsan, upang makasiguro, iniilawan ang balat gamit ang ultraviolet light. Kung ito nga ay an-an, lumitaw ang yellow-green na kulay sa apektadong balat. Upang mas lalo pang makasiguro, sinisilip din sa ilalim ng microscope ang sample na nakuha mula sa apektadong balat. Ang sample na nakuha sa balat ay maaari ding patakan ng potassium hydroxide upang masmalinaw na masilip sa microscope.

Ano ang mga sintomas ng an-an?

Ang pangunahing senyales ng an-an ay ang pagkakaroon ng mga patse sa balat na may naiibang kulay kaysa sa normal na balat. At kung minsan ay maaaring may kasama itong pangangati. Ang mga patse ay maaaring batik o kaya naman ay sumasakop sa malawak na bahagi ng balat at maaaring kulay puti, mamula-mula, o kulay brown, basta’t naiiba sa karaniwang kulay ng balat. Ang pag-iiba ng kulay ng balat ay dahil sa “acidic bleaching effect” na dulot ng mga fungi.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Magpakonsulta sa dermatologist o spesyalista sa balat kung hindi sigurado kung ano bang kondisyon ang nasa balat ng pasyente; at kung hindi tumatalab ang mga fungal cream laban sa an-an. Maaaring magreseta ang dermatologist ng mas matapang na cream o kaya tableta na iniinom.

 

Mga kaalaman tungkol sa An-An

Ang an-an ay isang sakit sa balat na dulot ng impeksyong ng fungi kung saan makikitaan ng patse-patse sa balat na ang kulay ay iba kumpara sa natural na kulay ng balat. Ang mga patse-patse sa balat na kadalasan ay kulay puti ay maaaring makita sa mukha, likod, dibdib, leeg at mga braso. Sa terminolohiyang medikal, tinatawag itong tinea versicolorpityriasis versicolor.

Sino ang maaaring magkaroon ng an-an?

Ang pagkakaroon ng an-an ay maaaring maranasan ng lahat, wala itong pinipiling edad o kasarian. Ngunit pinakamadalas ang mga kaso nito sa mga kabataang nasa edad 15 hanggang 24 sapagkat eto ang edad na pinakaaktibo ang mga sebaceous glands sa balat.

Paano nagkakaroon ng an-an?

Ang fungi na nagdudulot ng an-an ay natural na nakikita sa balat ng tao. Sa normal na kondisyon, hindi ito nakapagdudulot ng kahit na anong pagbabago sa balat. Ngunit kapag ito ay nawalan ng kontrol sa paglago, at nagsimulang magdulot ng impeksyon sa balat, magsisimula rin itong magdulot ng mga patse-patse sa balat. Ang kawalan ng kontrol sa paglago ng fungi ay maaaring dulot ng sobrang paglalangis ng balat (oily skin), mainit na klima, matinding pagpapawis, at kung may mahinang immune system ang katawan.

Nakakahawa ba ang an-an?

Salungat sa paniniwala ng karamihan, ang an-an ay hindi talaga nakakahawa. Ang fungi na nagdudulot nito ay natural na nakikita sa balat ng lahat ng tao at maaari lamang humantong sa pagiging an-an dahil sa mga salik na nabanggit gaya ng paglalangis ng balat, mainit na klima at mahinang immune system. Hindi totoo maipapasa ang an-an kung madidikit sa apektadong balat.

Paano makaiwas sa Kulugo o warts?

Dahil ang sanhi ng pagkakaroon ng kulugo ay impekson ng virus, ang susi para maiwasan ito ay ang pagpapanatiling malinis sa katawan. Narito ang ilang hakbang na dapat tandaan upang makaiwas sa nakakainis na kulugo:

  • Ugaliin maghugas ng kamay lalo na kung galing sa labas o sa pakikisalamuha sa mga tao.
  • Iwasan ang paggamit ng mga bagay na nagamit na ng ibang tao gaya ng tuwalya.
  • Magsuot ng tsinelas lalo na kung nasa pampublikong lugar gaya ng palikuran o liguan.
  • Panatilihing malinis ang bahay at gumamit ng mga disinfectant sa pagpupunas
  • Hanggat maaari, iwasang masugatan o mahiwa ang balat

Kung nakakaranas naman ng madalas na pagkakaroon ng kulugo, siguraduhin munang matanggal ang lahat ng kulugong nasa balat. Tandaan na ang bawat kulugo ay may kakayahang dumami, kung kaya’t makakatulong na makaiwas sa pabalik-balik na kulugo kung makakasigurong mauubos ang lahat ng kulugo sa balat.

Ano ang gamot sa Kulugo o warts?

Ang kulugo ay kadalasang nawawala ng kusa matapos ang isa o dalawang taon ng pagkakaroon nito. Ngunit maaari din naman itong tanggalin sa pamamagitan ng ilang gamot na mabibili sa mga butika. Ang pangunahing sangkap ng mga gamot na mabibili ay Salicyilic-acid na nakakatulong na alisin ang nakakainis na kulugo. Ang paggamit ng salicylic acid ay maari lamang magdulot ng iritasyon o pamumula sa balat, ngunit sa pangkalahatan, ito ay ligtas gamitin. Mayroon din naman ilang procedure ang isinasagawa para tanggalin ang kuugo. Ginagamitan ng kuryente, laser o kaya ay spray na nagpapa-yelo sa kulugo.

Ligtas bang tanggalin ang kulugo sa balat?

Sa pangkalahatang, ang pagtatanggal sa kulugo ay ligtas na paraan. Dapat lamang tiyakin na matatanggal ang lahat ng bahagi ng kulugo pati na ang mga kulugo na tumubo sa paligid upang hindi na ito magpanumbalik pa. Dapat ding tandaan na ang isang kulugo ay may kakayanang dumami kung mapapabayaan. Nararapat lang na bigyang pansin agad ang pagtubo ng isang kulugo lamang upang mapigilan na agad ito sa pagdami.