Balanitis: May pula pula sa ulo ng ari ng lalaki

Q: Normal lang ba na may pula-pula sa ulo ng ari ng lalaki, doon sa kanal…sakit ba ito?

A: Ang pamumula ng ulo ng ari ng lalaki (o penile head; glans penis) ay tinatawag na ‘balanitis’. Maraming posibleng sanhi ang kondisyon na ito. Yung iba, dahil lamang sa ‘skin iritation’ o pagka-irita ng balat, dahil sa sabon, pabango, lubricant, o iba pang mga pinapahid sa ari ng lalaki. Pwede ring dahil ito’y nakikiskis masyado dahil sa mahigpit na brief, o dahil sa kaka-jakol. Yung iba naman, dahil sa STD. Oo, isang posibleng sintomas ng ilang mga STD ang pamumula ng ulo ng ari ng lalaki.

Kung ito ay STD, ang mahalagang itanong: May iba bang sintomas na kasama ang iyong nararamdaman, gaya ng tulo (o nana na lumalabas sa kanal ng ari), pagkirot kapag umiihi, o mga butlig-butlig sa titi o sa bayag? Kung oo, maaaring ang pula pula ay dahil din sa STD.

Tingnan ang mga sintomas at palatandaan ng STD

Kung ito ay dahil lamang sa iritasyon na kemikal o pisikal, iwasan lamang ang nakaka-iritang bagay o sangkap, at panatilihing malinis ang ari.

Kung ikaw ay hindi tiyak kung anong posibleng sanhi nito, ipatingin ito sa doktor upang ma-examine nya ang iyong ari at matukoy kung anong gamot o solusyon para dito.