Pwede parin bang magka-tigdas hangin kahit nabakunahan na?

Q: Doc, may 2 po akong anak yung panganay ko 4 yrs na nbakunahan na po sya ng MMR nung baby pa sya…ngaun yung pangalawa kong anak ay 7 mos. may tigdas hangin po sya ngaun…tanong ko po pwede po bang mahawaan ang panganay ko?

A: Pwede parin, ngunit napakaliit ng posibilidad na ito. Karamihan ng tao na nabigyan ng MMR ay protektado na laban sa beke, tigdas, at tigdas-hangin. Kaya hindi ka dapat mabahala. Kung magkaron man sya ng tigdas-hangin, bigyan lang ng angkop ng pagkain at tamang pahinga at mawawala naman ito ng kusa, tulad ng sa iyong 7 months na anak.

Ang kaibahan ng ATS sa bakuna sa rabies

Q: pano kung namatay yung aso after 27 days?eh my bakuna naman po yun,2x p,tapos po yung nakagat eh nabakunahan naman po agad ng tinatawag na ATS s clinic lang po at 1 week siyang uminom ng gamot n mefenamic at cloxacilin. May masama po bang epekto yun sa nakagat?

A: Ang ATS ay HINDI bakuna laban sa rabies! Ito ay isang bakuna laban sa tetanus. Sa makatuwid, hindi nabakunahan ang pasyente laban sa rabies, at kung namatay ang aso pagkatapos, ito ay isang bagay na hindi dapat baliwalain. Ang payo ko ay komonsulta sa doktor at magpabakuna sa rabies. Bagamat maliit lang ang tsansa na ang kagat ng isang aso ay magdudulot ng rabies, ang pagkamatay ng aso ay isang indikasyon na dapat magpabakuna panigurado. Ang rabies kasi ay isang sakit na walang lunas kaya kahit maliit lang ng tsansang magkaron nito, ang payo ng mga doktor ay magpabakuna narin dahil mas mabuti na ang sigurado.

Masama bang magpaturok ng rabies vaccine ang buntis?

Q: Masama bang magpaturok ng rabies vaccine ang buntis?

A: Wala namang naiulat na masamang epekto ang pagpapabakuna sa isang buntis, kaya’t ito’y hindi bawal sa pagbubuntis. Kung ikaw ay nakagat ng isang pusa o iba pang hayop, maaari mong sundin ang patakaran para sa isang normal na tao, at yun ay ang tumungo sa animal bite center, health center, o ospital upang magpaturok.

Maganda ang iyong tanong, sapagkat maraming mga bakuna ang bawal sa buntis kagaya ng Varicella Zoster Vaccine, Mumps Measles Rubella Vaccine (MMR), BCG, HPV, at iba pa.

Mga mahalagang bakuna para sa mga sanggol at bata

Ang pagpapabakuna ay isang napakahalagang aksyon upang proteksyonan ang kalusugan ng mga bata. Sa artikulong ito, nakalilista ang mga rekomendadong bakuna o immunization para sa mga sanggol na Pinoy (mula 0 hanggang 12 na buwan), ayon sa mga rekomendasyon ng Philippine Pediatric Society.

MAHALAGA: Kung hindi naumpisahan ang mga bakuna, o kung nahuli ang pagpapabakuna, maaaring mag-iba ang iskedyul ng turukan; ikonsulta na lang sa doktor kung anong mga pagbabago ang mangyayari. Ang nasa artikulong ito ay para sa regular na pagpapabakuna lamang.

Para sa mga sanggol (0-12 buwan)

Hepatitis B

Ang Hepatitis B vaccine ay pangontra sa sakit na Hepatitis B; ito’y karaniwang itinuturok sa may tadyang ng sanggol. Ang bakuna laban sa Hepatitis B ay TATLONG BESES binibingay:

  • 1: sa pagkapanganak ng baby, o sa loob ng unang buwan nito.
  • 2: 4 na linggo pagkatapos ng unang bakuna
  • 3: 4 na linggo pagkatapos ng pangalwang bakuna

BCG

Ang BCG ay nagbibigay ng proteksyon laban sa TB. Hindi nito kompletong napipipigal ang pagkakaron ng TB pero malaking tulong ito lalo na sa mga malalang kaso ng TB sa mga sanggol. Ito’y itinuturok sa braso ng sanggol, at nagpepeklat. Ito’y ibinibigay ISANG BESES lamang:

  • 1: Pagkapanganak ng baby

DPT: Diptheria, Pertussis, Tetanus

Ang DPT ay isang bakuna na lumalaban sa tatlong impeksyon na delikado kung maka-apekto sa bata: dalawa sa kanila ang nakaka-apekto sa baga, at ang sintomas ay ubo: ang ‘Diptheria’ at ‘Pertussis’. At ang ikatlo naman ay ang ‘tetanus’ na maaaring makuha ng mga bata sa mga sugat. Ito’y ITINUTUROK sa tadyang. Ito’y ibinibigay ng TATLONG BESES:

  • 1: sa ika-6 na linggo ng baby.
  • 2: 4 na linggo pagkatapos ng unang bakuna
  • 3: 4 na linggo pagkatapos ng pangalwang bakuna

OPV o Bakuna sa Polio

Ang OPV ay bakuna laban sa polio, isang sakit na nakaka-apekto sa paglaki ng katawan, at siyang sanhi ng pagkalumpo nung unang panahon. Bagamat hindi na uso ang polio ngayon, ito’y mahalaga paring inumin ng mga bata ngayon panigurado. Ito’y PINAPAINOM sa bibig, at ibibinigay ng TATLONG BESES, kasabay ng DPT:

  • 1: sa ika-6 na linggo ng baby.
  • 2: 4 na linggo pagkatapos ng unang bakuna
  • 3: 4 na linggo pagkatapos ng pangalwang bakuna

Measles vaccine o bakuna sa tigdas

Ang tigdas ay isang impeksyon kung saan nagkakaron ng pantal-pantal ang balat ng mga bata, na may kasamang sakit na parang trangkaso. Dahil sa mga komplikasyon nito, ito’y isa ring sakit na dapat iwasan. Ito’y ITINUTUROK sa braso, at ibibinigay ng ISANG BESES:

  • 1: Sa ika-9 na buwan ng sanggol.

Para sa mga bata (higit sa 12 na buwan)

MMR: Bakuna sa beke, tigdas, at tigdas-hangin

Bukod pa sa bakuna sa tigdas, may rekomendadong bakuna rin na kumokontra sa tatlong sakit na nakakahawa: beke, tigdas, at tigdas-hangin (mumps, measles, rubella o MMR). Ito’y ITINUTUROK sa braso, at ibinibigay ng DALAWANG BESES:

  • 1: Pagkatapos ng 12 na buwan o unang kaarawan
  • 2: Sa ika-4 hanggang ika-6 na taon

VZV: Bakuna sa bulutong

Kilala naman natin lahat ang bulutong; ngayon, posibleng hindi na magkaroon ng nito ang mga bata sa pamamagitan ng bakuna. Ito’y ITINUTUROK sa braso, at ibinibigay ng DALAWANG BESES, gaya ng MMR:

  • 1: Pagkatapos ng 12 na buwan o unang kaarawan
  • 2: Sa ika-4 hanggang ika-6 na taon

MMRV: Beke, tigdas, tigdas-hangin, at bulutong!

Meron narin ngayong bakuna na pinagsasama ang MMR at VZV, o ang lahat ng bakuna sa beke, tigdas, tigdas-hangin, at bulutong. Dahil ang pagpapabakuna ay hindi kanais-nais na karanasan, lalo na sa mga bata, ipagtanong sa inyong doktor kung pwedeng ito ang gamitin para isang turukan na lamang.

Hepatitis A vaccine: Bakuna sa Hepa A

Bagamat hindi kasing grabe ng Hepatitis B, ang Hepatitis A ay maganda ring iwasan; ito’y nagdudulot ng paninilaw sa mga bata ng ilang araw, at nakukuha sa pagkain, lalo na sa mga pagkain na hindi sigurado ang pinagmulan. Ito’y ITINUTUROK sa braso, at ibinibigay ng dalawang beses:

  • 1: Pagkatapos ng unang kaarawan ng baby
  • 2: 6 hanggang 12 na buwan pagkatapos ng unang turok

HPV vaccine: Para sa mga dalaga

Rekomendado rin para sa mga dalaga ang bakuna laban sa HPV, isang uri ng virus na siyang sanhi ng kulugo, at siya ring maaaring magdulot sa kanser sa cervix o cervical cancer. Ito’y isang bagong bakuna na nailabas lang ilang taon pa lamang ang nakakalipas. Ito’y ITINUTUROK sa braso, at ibinibigay ng TATLONG BESES:

  • 1: Mula 10 hanggang 18 taon.
  • 2: 1 buwan pagkatapos ng unang turok
  • 3: 5 buwang pagkatos ng ikalwang turok

Mga dapat tandaan

Bukod sa mga nabanggit, may mga iba pang bakuna na maaaring ibigay sa mga batang mataas ang posibilidad na makakuha ng partikular na sakit gaya ng Meningococcal vaccine laban sa sakit na ‘meningococcemia’ na nakaka-apekto sa utak; at ang Rotavirus vaccine para sa ilang uri ng pagtatae; ikonsulta sa inyong pediatrician o iba pang doktor kung ang mga ito’y nararapatan.

Dahil sa dami ng mga bakunang ito, mahalagang siguraduhin na may LISTAHAN kayo ng mga bakunang nagawa para sa inyong anak, upang hindi magkalituhan, o magkadoble ng turok. Dahil mayroon na ngayong Internet, magandang itago ang mga ito sa inyong e-mail upang hindi mawala.

Tungkol sa gastos, ang mga nabanggit natin na mga bakuna para sa sanggol ay maaaring makuha sa pinakamalapit sa health center, at maaaring ibinibigay ng libre o sa murang halaga lamang ng gobyerno; magandang i-check muna ang mga ito kung available ba. May mga health center na gumagawa rin ng record ng mga bakuna ng bawat bata, kaya magandang makipag-ugnayan sa mga barangay health worker (BHW) o midwife sa inyong baranggay. Ang mga bakunang ito ay available rin sa klinika ng inyong pediatrician, o sa mga ospital.