Ano ang gamot sa mabahong amoy sa ari ng babae?

Q: Bakit po minsan nagkakaroon ako ng mabahong amoy sa aking ari? Pero minsan naman po wala? Ano po ba ang gamot sa ganitong sitwasyon?

A: Ang pagbabago ng amoy sa ari ng babae ay isang normal na proseso na dulot ng pagbabago sa mga mikrobyong naninirahan doon (oo, huwag kang mandiri, halos lahat ng bahagi ng katawan ay tirahan ng bacteria, ngunit hindi lahat sa mga ito ay masama; ang iba ay talagang bahagi ng ating pangangatawan). May partikular na uri ng mikrobyo na nagdudulot ng tinatawag na ‘bacterial vaginosis’ na ang pangunahing sintomas ay isang mabaho at malansang amoy. Minsan rin, ang pagiging mabaho ng amoy ng ari ng babae ay dulot sa mga STD gaya ng gonorrhea o chylamydia.

Kung wala namang kasamang ‘tulo’ at kung kusang nawawala, maaaring mga pagbabago sa mikrobyo lamang ang sanhi ng amoy na ito, at hindi dapat ikabahala. Kung nakakasagabal sa iyo ang mga sintomas, pwede rin itong ipatingin sa doktor upang maresetahan ka ng antibiotics na iniinom o pinapahid, upang puksain ang mga mikrobyong responsable sa amoy.

Kung may tulo o iba pang sintomas sa ari ng babae, o kung hindi tiyak sa iyong kaso, magpatingin sa doktor upang magabayan kung anong mga gamot ang iinom. Ito rin ang kaso kung mukhang STD ang kaso: dapat ma-examine ng doktor, maaaring mag-utos na gumawa ng mga eksaminasyon upang malaman kung aling mikrobyo ba ang responsable: ang gamutan ay nakadepende kung anong mikrobyo ang may gawa.