Paano makaiwas sa pananakit ng leeg o stiff neck?

Upang maiwasan ang pananakit ng leeg, mangyari lamang na sundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Panatiling tama ang pustura (posture) sa pagtindig, pag-upo at sa paghiga.
  • Regular na mag-ehersisyo.
  • Gumamit ng unan na may tamang taas kapag matutulog.
  • Siguraduhing nakahiga ng maayos na pahilata kapag matutulog. At hanggat maaari, umiwas na matulog na nakaupo
  • Iwasan ang maling paraan ng pag-upo o ang mala-kuba na posisyon.
  • Ilagay sa tamang lebel ang telebisyon o computer. Dapat ay kapantay lamang ito ng mata.
  • Siguraduhin nasa tamang ayos ang backpack na dala.
  • Isaayos din ang upuan ng kotse.
  • Kung pupulot ng mabigat na bagay mula sa sahig, balukturin ang tuhod imbes na likod.
  • Magkaroon ng sapat na pahinga
  • Umiwas sa stress

Ano ang gamot sa pananakit ng leeg o stiff neck?

Ang mga simpleng kaso ng pananakit ng leeg o stiff neck ay maaring maibsan sa pamamagitan ng ilang hakbang na madali namang gawin sa bahay lang. Narito ang ilan dito:

  • Maglagay ng cold compress o magtapal ng yelo sa bahagi na sumasakit. Maaaring itong gawin ng 2-4 na beses sa isang araw upang maiwasan ang pamamaga at patuloy na pananakit. Makakatulong din kung mamasahehin ang bahaging nananakit gamit ang yelo.
  • Magpamasahe sa lugar na masakit upang padaluyin ang dugo sa lugar na ito.
  • Kung wala na ang pamamaga, lagyan naman ng mainit o hot compress.
  • Iwasan muna ang mga gawain na maaaring makapagod sa leeg.

Bukod sa mga hakbang na ito, maaari ding inuman ng gamot ang pananakit. Maaaring uminom ng Ibuprofen, Naproxen, Aspirin at Acetaminophen. Ang mga gamot na ito ay maaaring mabili na over the counter sa mga butika.

Paano malaman kung may pananakit ng leeg o stiff neck?

Sa mga karaniwang kaso ng stiff neck, maaring hindi na sumangguni sa eksperto sapagkat kusa naman itong nawawala sa loob ng ilang oras o ilang araw. Ngunit kung ang nararamdamang pananakit tumitindi o tumatagal, maaaring isailalim ang leeg sa X-ray at CT Scan upang matukoy kung may problema sa buto o kalamnan sa bahagi ng leeg.

Ano ang mga sintomas ng pananakit ng leeg o stiff neck?

Ang pinakakaraniwang sintomas ng stiff neck ay ang pananakit sa leeg na maaaring may kasabay na pamamaga at pamumula. Dahil dito, hindi nakakakilos ng normal at makapag-trabaho. Sa mga seryosong kaso naman, maaaring bantayan ang sumusunod na sintomas:

  • Panghihina at pamamanhid ng mga braso at balikat
  • Tumitinding sakit sa paglipas ng oras
  • Hindi bumubuting pakiramdam
  • Pananakit ng leeg na higit na sa 2 linggo

Kung ang mga sintomas ng seryoson pananakit ng leeg ay nararanasan, mangyari lang na magpatingin agad sa doktor.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kailangan ang agarang pagpapatingin sa doktor kung ang sintomas na nararanasan ay tumagal na ng higit sa 2 linggo.  Dapat ay mabigyan ito ng agarang lunas sapagkat maaaring humantong sa permanenteng pagkaparalisa kung mapapabayaan.

 

Mga Kaalaman tungkol sa pananakit ng leeg o stiff neck

Ang pananakit ng leeg o stiff neck ay isang karaniwang kondisyon na maaaring maranasan kapag mali ang naging postura o posisyon ng ulo sa pagtulog. Dahil dito, nahihirapang igalaw ang ulo, lumingon, yumuko o kaya ay tumingala. Ang pangunahing naapektohan sa kondisyon na ito ay ang buto sa leeg at kalamnan at ligaments na nagdudugtong sa mga butong ito. Sa mga malalalang kaso, ang pananakit ng leeg ay maaaring umabot sa balikat, itaas na bahagi ng likuran, o kaya sa mga braso.

Ano ang mga karaniwang dahilan ng pananakit ng leeg?

Ang pinakakaraniwang dahilan ng stiff neck ay ang pangangawit ng mga kalamnan ng leeg o kaya naman ay muscle spasm sa bahaging ito. Ang pangangawit na ito naman ay maaaring dahil sa mga sumusunod:

  • Maling pustura habang nanonood, nagbabasa, o nagtatrabaho.
  • Pagtulog na may sobrang mataas o sobrang mababang unan.
  • Pagtulog na nakaupo at nakayuko.
  • Naka-palumbaba nang matagal
  • Sobrang trabaho at ehersisyo na nakakapagod sa ulo at leeg

Maaari ring magdulot ng pananakit ng leeg ang mga ‘di inaasahang aksidente, pagkabigla sa kilos ng leeg, nasobrahan sa pag-lingon, o pagtama ng matigas na bagay sa leeg at iba pa.

Ano ang maaaring komplikasyon ng pananakit ng leeg?

Kung ang pananakit ng leeg ay tumagal at lalong tumitindi sa paglipas ng mga oras, maaaring ito ay dulot na ng mas seryosong kondisyon. Maaaring may naipit na ugat (nerve root compression), bali o fracture sa buto sa leeg, wala sa tamang pwesto ang buto o dislocation, o kaya ay pagkasira ng disks sa buto sa leeg. Ang mga kondisyon ito ay nangangailangan ng agarang atensyong medikal sapagkat kapag napabayaan, maaaring humantong ito sa permanenteng pagkaparalisa.

Paano makaiwas sa pananakit ng likod?

May ilang hakbangna dapat sundin para maiwasan ang madalas at tumatagal na pananakit ng likod. Kadalasan, ang mga ito ay konektado sa pagtatama ng postura at pag-iwas sa mabibigat na trabaho na hndi na kaya ng likod. Narito ang ilang hakbang:

  • Kung magbubuhat ng mabibigat na bagay, gawin ito sa wastong paraan. Ibaluktot ang tuhod at panatilihing tuwid ang likod habang binibuhat ang bagay. Panatilihing malapit ang bagay habang binubuhat.
  • Itulak at huwag hilain ang mga mabibigat na bagay
  • Kung ikaw ay nakaupo ng matagal na oras, siguraduhing ikaw ay mag-unat-unat kada ilang minuto.
  • Sa mga babae, mas mainam ang mga flat shoes or mga sapatos na mababa lang ang heels (1 pulgada o mas mababa).
  • Mag-ehersisyo!
  • Tandaan ang tamang postura. Kung uupo, piliin ang mga upuan na tuwid ang likod o di-kaya’y may low-back support. Panatilihing mas mataas ng konti ang tuhod kesa sa balakang. Kung nakatayo, panatilihing ang iyong mga tainga, mga balikat, at balakang ay nasa isang tuwid na linya. Ang ulo ay hindi dapat nakayuko o nakatingala.

Ano ang gamot sa pananakit ng likod?

Upang maibsan ang pananakit ng likod, dapat ay mahanap ang tamang postura at pinaka-tamang posisyon ng likod. Ang pinakamainam na posisyon ay ang paghiga ng patihaya sa sahig na may unan sa ilalim ng tuhod, o di kaya’y iangat ang tuhod sa isang upuan. Ito ay para ang mabawasan ang timbang sa ating likod na siyang nagdudulot ng karagdagang sakit. Maaring gawin ito ng 1-2 araw para mapahinga ang ating likod. Pero importante pa rin na maglakad-lakad ng pakonti-konti, at dahan-dahan kada ilang minuto kahit na masakit. Tandaan na ang hindi pagkilos ay nakakadulot ng panghihina ng mga kalamnan na maaring makakapagpatagal sa pagkawala ng sakit. Uminom ng gamot gaya ng Paracetamol o Ibuprofen kung kailangan. Kung hindi kayanin ng mga over-the-counter drugs ang pananakit, magpakonsulta upang makakuha ng mas matapang na gamot.

Paano malaman kung may pananakit ng likod?

Bago ang lahat, inaaalam muna ng doktor ang mag posibleng dahilan ng pananakit ng likod. Maaring magsagawa ng interbyu ang doktor tungkol sa trabaho, mga nakasanayang gawain, at iba pang mga bagay na maaaring makaapekto sa likod. Ang tipikal na pananakit ng likod ay kadalasang nawawala sa loob ng 6 na linggo. Ngunit kung ito ay tumagal na higit pa dito, maaaring isailalim sa X-ray o CT scan ang pasyente upang makita ang gulugod at iba pang bahagi ng likod upang matukoy kung mayroong problema na nakapagdudulot ng pananakit ng likod.

Ano ang mga sintomas ng pananakit ng likod?

Ang mismong pananakit ng likod ay maituturing na sintomas ng ibang kondisyon sa katawan. Maaaring karamdaman na konektado sa buto sa likod, karamdaman sa mga kalamnan o kaya ay karamdaman sa mga nerves na konektado sa buto at kalamnan sa likod na bahagi ng katawan. Ang mga kadalasang nararanasan sa pagsakit ng likod ay ang sumusunod:

  • Pananakit ng likod mula sa patagal na pagkakaupo
  • Pasmadong kalamnan sa likod
  • Stiff neck
  • Pananakit ng likod dahil sa simpleng paglalakad o pagkilos
  • Pananakit ng likod kasabay ng pananakit ng hita
  • Pamamanhid ng kalamnan sa likod
  • Iritableng pakiramdam sa likod
  • Hindi mahanap ang kumportableng posisyon ng likod
  • Pananakit ng likod sa paggising sa umaga
  • Hirap sa pagtulog
  • Depresyon at pagkabalisa

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung ang pananakit ay nakaaapekto na sa pang-araw-araw na gawain, tumitindi ang kirot, o tumatagal na hindi nawawala kahit mabigyan ng paunang lunas, makabubuting ipatingin na ito sa doktor. Humingi ng payo kung paano maiibsan ang nararamdamang sakit. Kumunsulta agad sa duktor kung:

  • Ang sakit ay umabot na hanggang hita pababa sa inyong mga binti
  • May pamamanhid ng hita, paa, bahagi ng ari at puwitan
  • May pagkawala ng control sa pagdumi at pag-ihi
  • Ang pananakit ay dulot ng aksidente
  • Di na makakilos ng mabuti sa sobrang pananakit
  • Di gumiginhawa pagkatapos ng 2-3 linggo
  • May kaakibat na pananakit ng dibdib
  • Biglaang panghihina ng hita, paa at binti

 

 

Mga kaalaman tungkol sa pananakit ng likod o back pain

Ang pananakit ng likod o back pain ay isang karaniwang kondisyon na kadalasang konektado buto sa likod o gulugod (vertebral column). Maaaring maramdaman ito sa bandang leek, o kaya naman ay sa ibabang likod o lower back. Kadalasan itong nararanasan kapag hindi tama ang pustura, o kaya’y may kondisyong nakaaapekto mismo sa buto sa likod. Bukod pa rito, ang ilang mga kondisyon din sa kalamnan sa likod ay maaaring makapagdudulot din ng pananakit ng likod o back pain.

Ano ang sanhi ng pananakit ng likod?

Ang pananakit ng likod ay kadalasang nakukuha dahil sa mga gawaing nakasanayan na sa matagal na panahon. Maaaring ito ay dahil sa maling postura na nakasanayan na, sa maling posisyon ng likod habang nakatayo o nakaupo, sa mga maling pamamaraan ng pagbubuhat ng mga mabigat na bagay, o kaya naman sa pagsusubsob ng sarili sa trabaho ng matagal. Sa tagal ng panahon na ginagawa ang mga maling nakanasayang ito nabubuo ang pananakit ng likod. Ang pagkapagod ng mga kalamnan sa likod, na marahil dahil sa sobrang gawain o sa hindi pag-unat ng maaayos bago kumilos, ay nakaka-kontribyut din sa pananakit ng likod lalo na sa ibabang bahagi. Ang pagbubuntis ay isa ring karaniwang dahil ng pananakit ng likod sa mga kababaihan. Dahil ito sa mga pagbabagong hormonal sa katawan at siyempre sa dagdag na timbang mula sa dinadalang sanggol. Bukod sa mga nabanggit, may ilang kondisyon o karamdaman din ang nakapagdudulot ng pananakit ng likod. Halimbawa ng mga sakit na nakaaapekto sa likod ay ang osteoporosis o pagrupok ng mga buto; ang sciatica na isang karamdaman na nakaaapekto sa sciatic nerve na nakakonekta sa likod, at ang osteomyelitis o impeksyon ng bacteria sa mga buto. Ang pagkakasangkot sa mga aksidente na nakapinsala sa likod ay maaaring magdulot din ng matagal na kondisyon ng back pain.

Sino ang madalas makaranas ng pananakit ng likod?

Ang posibilidad ng pagkakaranas ng pananakit ng likod ay tumataas dahil sa ilang salik. Maaring dahil din sa mga gawaing nakasanayan, sa mga kondisyon  at karamdaman. Narito ang ilang salik na makadaragdag ng posibilidad ng pagkakaroon ng back pain:

  • Pagiging buntis.
  • Pagiging matatanda
  • Pagkakasangkot sa aksidente na nakaapekto sa likod
  • Kasaysayan ng pananakit ng likod sa pamilya
  • Hindi regular na pag-eehersisyo
  • Mga trabahong mayroong pagbubuhat ng mabigat o pag-upo ng matagal na oras
  • Paninigarilyo
  • Pagiging mabigat ng timbang o obese
  • Pagkakaroon ng hindi aktibong pamumuhay