Q: May sipon si baby at iyak nang iyak ano ang dapat gawin?
A: Una sa lahat, huwag mabahala. Ang pagkakaron ng sipon at pag-iyak ng mga sanggol ay normal at ang lahat ay nagdaraan dito. Sa karamihan ng kaso, ang mga sintomas na ito ay lilipas rin ng hindi kinakailangan ng konsultasyon sa doktor o gamutan.
Para sa pag-iyak ng baby, tingnan ang artikuong ‘Mga sanhi at solusyon sa pag-iyak ng baby’ sa Kalusugan.PH
Para naman sa sipon, mahalagang idiin na wala talagang gamot dito sapagkat ang sipon ay kalimitang dala ng virus na madaling mahawa at makuha sa ibang tao, ngunit nawawala rin ng kusa. Sa mga baby, ito’y maaaring maging sanhi ng pag-iyak, pagtulo ng uhog, at ‘halak’. Malakas ang temptasyon na painumin ang baby ng mga over-the-counter na cough syrup o mga gamot sa ubo’t sipon pero dapat itong iwasan. Wala itong benepisyo para sa baby, at maaaring hindi pa handa ang kanyang katawan sa mga gamot. Makipag-ugnayan sa doktor bago magbigay ng kahit anong gamot kung ang edad nya ay wala pang isang taon.
Sa halip, siguraduhing napapasuso ang baby ng maayos, o siya’y sa bote pinapakain, siguraduhing sapat ang tubig nya sa pang-araw-araw. Ito ang pinakamainam na panlaban nya sa sipon. May mga ‘nasal drops’ rin at ‘nasal suction’ na nabibili sa botika na pwedeng gamitin upang tunawin o tanggalin ang uhog na bumabara sa kanyang ilong. Ito’y makakatulong na maging komportable ang inyong baby.
Isa pa, siguraduhing malinis ang hangin at maaliwalas ang paligid o silid ng inyong baby. Malaking bagay ang malinis na hangin sa kanila, sapagkat maselan pa ang kanilang mga baga at madaling nairita ng alikabok at iba pa.
Subalit, tandaan din na kapag ang sipon ay may kasamang lagnat, hirap sa paghinga, pagkawala ng ganang dumede o kumain, ito’y dahilan na upang magpakonsulta sa doktor. Bagamat karamihan ng sipon ay dala ng mga virus, maaari rin itong sintomas ng mas malalang sakit na dala ng bacteria. Lumapit sa inyong pediatrician o doktor upang magabayan ng ayos.
Panghuli: Kung nais niyong siguraduhin ang kalusugan ng inyong baby, siguraduhing kompleto ang kanyang mga bakuna. Tingnan ang artikulong ‘Mga mahalagang bakuna para sa mga sanggol at bata’ sa Kalusugan.PH para sa kaalaman tungkol dito.