Halamang Gamot: Atsuete

Kaalaman tungkol sa Atsuete bilang halamang gamot

Scientific name: Bixa acuminata Poir.; Bixa purpurea Sweet.; Bixa tinctoria Salisb.

Common name: Atsuete o Achuete (Tagalog), Lipstick plant (Ingles)

LipstickTreeAnnatto-Bixa-orellana1Ang atsuete ay kilalang halaman dahil sa buto nito na ginagamit bilang pangkulay sa mga pagkain. Ang bunga ay bilugan na may tusok-tusok na balat at maaaring pula, berde o kulay tsokolate. Karaniwan itong tumutubo sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, at sa iba pang bahagi ng ng mundo partikular sa mga bansang nasa rehiyong tropiko.

Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Atsuete?

Ang iba’t ibang bahagi ng halamang atsuete ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:

  • Ang mga buto ng atsuete ang tanging natural na mapagkukunan ng bixin, isang uri ng carotenoid na karaniwang ginagamit na pangkulay. Mayroon din itong mga langis, stearin, at phytosterol. At mayroon pang norbixin, ß-carotene, cryptoxanthin, lutein, zeaxanthin at methyl bixin sa katas nito.
  • Ang mga dahon at balat ng kahoy naman ay mayroong carbohydrates, steroids, alkaloids, proteins, flavonoids, terpenoids, phenolics, tannins at glycosides.
  • Taglay din ng katas ng anumang parte ng halaman ang anim na mahahalagang kemikal na 2-butanamine, acetic acid, pentanoic acid (valeric acid), phenol, pantolactone, at benzoic acid.

Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:

  • Dahon. Ang dahon ay madalas na pinakukuluan at iniinom na parang tsaa. Maari din itong pitpitin, pahiran ng langis at ipantapal sa noo.
  • Buto. Maaari durugin ang mga buto at pakuluan upang mainom. Maari rin itong katasin upang makuha ang langis at ang mapulang kulay nito.
  • Balat ng kahoy (bark). Pinakukuluan din ang balat ng kahoy at iniinom nang parang tsaa.

Ano ang mga sakit na maaaring magamot ng Atsuete?

Ayon sa mga pag-aaral at nakagawian ng ilan, ang ilan sa mga sakit na maaaring malunasan sa pamamagitan ng paggamit sa halamang atsuete, ay ang sumusunod:

1. Pamamaga at implamasyon. Makatutulong daw ang katas ng dahon at balat ng kahoy sa pagpapahupa ng pamamaga sa katawan.

2. Diabetes. Ang katas at mantika na nakukuha mula sa buto ang atsuete at pinaniniwalaang may kakayananang makapag-alis sa sakit na diabetes o makontrol ang lebel ng asukal sa katawan.

3. Pagtatae. Nakatutulong din daw ang katas ng atsuete para mawala ang pagtatae na dulot ng impeksyon ng bacteria sa tiyan.

4. Tulo o gonorrhea. Ang pagkakaroon ng sakit na gonorrhea o tulo ay maaari din daw malunasan sa pamamagitan ng paglalagay ng dinurog na buto sa apektadong bahagi.

5. Hirap sa pag-ihi. Ang katas ng pinatuyong dahon ng atsuete ay pinaniniwalaang makagagamot sa hirap sa pag-ihi.

6. Mga sugat. Tinatapal din ang dinurog na mga buto sa mga sugat upang agad na mapagaling at maiwasan ang pagpepeklat.

7. Sore throat. Pinapakuluan ang dahon ng atsuete at pinangmumumog upang maibsan ang pananakit ng lalamunan.

8. Impeksyon ng bulate. Ang pinakuluang dahon ng atsuete ay iniinom nang parang tsaa upang maalis ang impeksyon ng bulate sa sikmura.

9. Sakit ng ulo. Ginagamit ang dahon bilang pantapal sa ulo para mawala ang pananakit nito.

10. Pagsusuka. Ang pag-inom sa pinakuluang dahon ng atsuete at makatutulong din daw na maibsan ang pakiramdam ng pagsusuka.

Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.