Anong gamot sa mabahong amoy sa paa?

Q: Doc ano po ba mabisang paraan o gamot para maalis ang pagpapawis mabahong amoy sa paa kahit nakasapatos or nakatsinelas ako still nagpapawis paa ko at bumabaho?

A: Dalawa ang pangunahing dahilan kung bakit namamaho o nangangamoy ang paa. Isa ay ang fungus, na nagdudulot sa alipunga, at ang pangalwa ay ang pagiging basa, marumi, o kombinayson ng dalawang ito, ng paa. Heto ang mga hakbang na pwede mong gawin upang mawala ang amoy sa paa:

1. Inspeksyunin ang iyong paa kung may mga butlig-butlig at crack sa gitna ng mga paa. Dito tumutubo ang mga fungus. Maaari kang bumili ng over-the-counter na anti-fungal cream gaya ng Ketaconazole, Terbinafine, at iba at ipahid ito sa mga butlig-butlig at sugat-sugat araw-araw hanggang ito’y mawala.

2. Siguraduhing tuyo ang paa; tuyuin itong mabuti pagkatapos maligo bago magsuot ng medyas.

3. Kailangang ‘makahinga’ ng mga paa; kung pwedeng mag-sandals, mag-sandals na lamang. Kung pwedeng magsuot ng mas maaliwasas na medyas o sapatos, ito na lamang ang isuot.

4. Kung talagang nananatiling pawisan ang paa sa loob, lalo na pagkatapos ng maghapong trabaho, magpunas ng foot powder sa magkabilang paa.

5. Linisan ang paa dalawang beses sa isang araw, bago pumasok at pagkatapos pumaspok. Sabuning mabuti pati ang mga gilid-gilid ng mga daliri sa paa, at magkuko ng maayos.

5. Kung hindi parin nawawala ang amoy, pwede kang magpatingin sa dermatologist, podiatrist, o iba pang doktor upang mabigyan ng dagdag na payo para sa problemang ito.

Sanhi, Sintomas at Gamot sa Alipunga (Athlete’s Foot)

Ano ang alipunga?

Ang alipunga o Athlete’s foot ay isang sakit sa balat ng paa na sanhi ng fungal infection mula sa organism na Trichophyton. Ito’y nahahawa sa mga mabasa-basang lugar gaya ng mga paliguan at shower rooms. Kaya rin tinawag na Athlete’s foot ito dahil ang mga atleta o manlalaro na iisa ang pinapagliguan ang madalas magkahawahan nito. Sa terminolohiyang medikal, ang alipunga ay tinatawag na Tinea pedis

Ano ang mga sintomas ng alipunga?

Ang alipunga ay nagdudulot ng pagtutuklap (flaking), pangangaliskis (scaling), at pangangati (itching) ng apektadong bahagi ng paa. Maaari ring magsugat ang paa, at maging mapula o mahapdi. Kadalasan, mabaho ang amoy ng paa (at medyas) ng taong may alipunga.

Ano ang lunas o gamot sa alipunga?

Gaya ng an-an at buni, ang gamot sa buni ay mga fungal cream. Ang mga gamot na ito ay maaaring mabili na “Over the Counter” o hingi nangangailangan ng reseta ng doktor. Ipahid ang cream sa apektadong bahagi ng balat, ngunit mas maganda kung magagabayan parin ng dermatologist ang iyong paggagamot. Halimbawa ng generic name ng mga anti-fungal cream ay Ketoconazole, Clotrimazole, Terbinafine, atbp. Kalimitan, ito’y pinapahid dalawang beses isang araw sa loob ng 1-2 na linggo.

Paano maiiwasan na magkaroon ng alipunga?

Panatilihing malinis ang katawan lalo na ang paa; palaging maghugas ng kamay; at palitan ang mga tuwalya, kumot, at tela sa kama ng regular. Magpalit palagi ng medyas upang makaiwas sa alipunga at iba pang mga sakit sa balat na dulot ng fungi.

Kailan dapat magpatingin sa doktor kung may alipunga?

Magpakonsulta sa dermatologist o spesyalista sa balat kung hindi sigurado kung ano bang kondisyon ang nasa balat ng pasyente; at kung hindi tumatalab ang mga fungal cream laban sa alipunga. Maaaring magreseta ang dermatologist ng mas matapang na cream o kaya magbigay ng tableta na iniinom.