10 Senyales ng Sakit sa Puso

Ang mga sakit sa puso ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa Pilipinas, at ang mga kaso nito ay patuloy pang tumataas sa paglipas ng panahon. Ito’y sapagkat walang sintomas at senyales o kung meron man, ay huli na para maagapan pa. Dahil dito, mahalaga na mapagtuunan ng agarang pansin ang kahit na maliit pa lamang na senyales ng pagkakaroon ng sakit sa puso.

heart-attack-375860

Ang mga senyales ng sakit ay naiiba-iba depende sa kondisyon na dinadanas, ngunit ang mga sumusunod na sintomas ay ang mga karaniwan na maaaring maranasan.

1. Pagkabalisa

Sinasabing ang mga may sakit sa puso, lalo na yung may pagbabadya ng atake sa puso, ay maaaring dumanas ng pagkabalisa o anxiety. Dahil ito sa takot sa kamatayan na maaaring maranasan sa kasagsagan ng atake sa puso.

2. Pananakit sa dibdib

Siyempre pa, maaaring dumanas ng pananakit sa dibdib ang taong may sakit sa puso. Sa katunayan, ito ang pangunahing senyales na maaaring maranasan sa pagkakaroon ng anumang karamdaman sa puso. Ang pananakit ay nararamdaman mula sa gitna ng dibdib at gumagapang papunta sa kaliwa ng dibdib.

3. Pagkahilo

Ang pagkahilo ay isa rin sa mga pangunahing senyales ng sakit sa puso. Maaaring ito ay dahil sa kakulangan ng sapat na suplay ng dugo sa ulo na nagaganap dahil sa iregularidad sa paggana ng puso.

4. Madaling pagkapagod

Ang anumang iregularidad sa paggana ng puso ay maaaring magreresulta din sa mabilis na pagkapagod ng katawan, kung kaya, hindi dapat pabayaan ang senyales na ito. Kinakailangan ang agarang pagpapatingin sa doktor kung sakaling mapadalas ang pagkapagod.

5. Pananakit sa iba pang bahagi ng katawan

Makararanas din pananakit sa ibang bahagi ng katawan partikular sa batok, balikat, braso, at panga. Hanggat hindi nareresolbahan ang problema sa puso, ang pananakit ay patuloy na kakalat sa iba pang bahagi ng katawan hanggang sa sumapit ang pag-atake sa puso.

6. Mabilis o iregular na pulso

Ang pabago-bagong ritmo ng tibok ng puso at pulso ay maiuugnay sa pagkakaroon ng karamdaman sa puso lalo na kung kaakibat pa nito ang panghihina ng katawan, pagkahilo, at pananakit sa ilang bahagi ng katawan.

7. Hirap sa paghinga

Ang paghirap ng paghinga, bagaman maaari din itong sintomas ng ibang sakit gaya ng hika o COPD,  ay isa ring malinaw na senyales ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Hindi ito maaaring balewalain lalo na kung kaakibat nito ang iba pang senyales ng sakit sa puso.

8. Pagpapawis.

Karaniwang pinagpapawisan ng malamig ang taong dumadanas ng mga pagbabadiya ng atake sa puso. Kahit pa walang ginagawa at nakaupo lang, kung maramdaman ang mga pananakit at iba pang sintomas ng sakit, tiyak na pagpapawisan.

9. Panghihina ng katawan

Agad na manghihina ang katawan ng tao ilang araw bago o sa mismong panahon ng pag-atake sa puso. Ayon sa mga taong nakaligtas sa atake sa puso, kahit ang paghawak sa papel sa pagitan ng mga daliri ay mahirap gawin sa kasagsagan ng panghihina ng katawan.

10. Kawalan ng gana sa pagkain

Pangkaraniwan din na kondisyon ang biglang pagkawala ng gana sa pagkain sa oras na makaramdam ng ilang mga sintomas ng sakit sa puso.

Paano makakaiwas sa Atake sa Puso?

  1. Magpatingin ng regular sa doktor – Ito ay upang malaman ang kalagayan ng iyong puso, at makapagbigay ng gamot kung kailangan. Kung may ibinigay na gamot, ito’y inumin ng tapat at regular.
  2. Mag-ehersisyo ng regular pero huwag pilitin ang sarili. Ang uri ng ehersisyo ay nakadepende sa estado ng inyong puso, kaya makipag-ugnayan sa inyong doktor kung ano ang pinakamagandang uri ng ehersisyo.
  3. Iwasan ang matatabang pagkain – Ang kolesterol ay siyang nagbabara sa mga ugat ng puso, at ito ang siyang maaaring maging sanhi ng heart attack.
  4. Kung may high blood, siguraduhing kontrolado ang inyong BP sa pag-inom ng wastong gamot at pag-iwas sa maaalat at matatabang pagkain. Regular na i-monitor ang BP upang masubaybayan ang pagbabago ng inyong karamdaman.
  5. Kung may diabetes, maging mas maingat. Maaaring hindi maramdaman ng mga may diabetes ang pagsikip at pagbigat sa dibdib na nagsisilbing babala sa atake ng puso.
  6. Iwasan ang paninigarilyo at paglalasing! Ang dalawang bisyong ito ay napatunayang may kaugnayan sa sakit sa puso. Sa mga matagal nang naninigarilyo at umiinom ng alak, huwag idahilan na “huli na ang lahat”! Bawat araw na ikaw ay tumigil sa pagyoyosi o pag-inom ay may benepisyo sa iyong kalusugan.
  7. Huwag ma-stress! Ang “stress” o pag-aalala ay maaaring maging sanhi rin ng atake sa puso, kaya subukang iwasang mag-isip ng mga hindi kanais-nais na bagay. Huwag maging balisa o mapag-alala. Ang pagiging masayahin ay para naring gamot laban sa atake sa puso.
  8. Huwag basta basta maniwala sa mga “gamot sa puso” o “supplements para sa puso”, lalo na kung ito ay ihahalili sa mga bagay na napatunayan nang epektibo. Walang makakatalo sa matagal nang payo: mag-ehersisyo at kumain ng wasto.

Ano ang gamot sa Atake sa Puso?

Kapag naramdaman ang mga nabanggit na sintomas, kaagad tumigil sa ginagawa, magpahinga, at magmadaling magpunta sa ospital upang masuri at mabigyan ng kaukulang gamot. Kung dati nang nagbanta ang atake sa puso, ihanda at inumin o ibabad sa ilalim ng dila ang gamot na naka-reseta para sa sakit sa dibdib (ito’y maaari lamang ireseta ng doktor kung napatunayan na ikaw ay may sakit sa puso).

Paano malaman kung may Atake sa Puso?

Ang cardiologist, o spesyalista sa puso, ay may ilang instrumentong ginagamit at pagsusuring isinasagawa upang malaman kung mayroong atake sa puso. Ito ay ang sumusunod:

  • ECG o Electrocardiogram. Binabasa nito ang lawak ng pinsala sa kalamnan ng puso at kung saan mismo ito naganap.
  • Blood tests. May pagsusuring isinasagawa sa dugo kung saan minomonitor ang mga lebel ng enzymes sa dugo. Ang ilang pagbabago sa lebel ng enzymes sa dugo ang makapagsasabi kung may naganap na atake sa puso.
  • Echocardiography. Binabasa ng instrumentong ito kung nasa normal ang pagtibok ng puso. Malalaman nito kung aling bahagi ng puso ang hindi gumagana ng maayos.
  • Cardiac Catheterization o Cardiac Cath. Ginagamit ito sa simula pa lang ng atake sa puso upang makita kung saan at alin mismong bagi ng puso ang may problema. Makatutulong din ito sa mga doktor upang malaman kung anong hakbang ang dapat gawin sa pag-gamot sa baradong ugat sa puso.

 

Ano ang mga sintomas ng Atake sa Puso?

  • Mabigat o masakit na pakiramdam sa dibdib
  • Gumagapang ang pananakit sa leeg, braso at batok.
  • Pagpapawis, pagsusuka, at pagkahilo
  • Panghihina at hirap sa paghinga
  • Iregular o mabilis na pagtibok ng puso
  • Panlalamig ng katawan
  • Pakiramdam na parang nasasakal

Ang mga sintomas na nabangit ay maaring maramdamn at tumagal ng 30 minuto o higit pa.

Mga kaalaman tungkol sa atake sa puso

Ang atake sa puso (Ingles: heart attack; medical: myocardial infarction) ay isa sa pinakakaraniwang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo, maging sa Pilipinas. Ang sanhi nito ay ang kakulangan ng suplay dugo sa puso, na siyang nagdudulot sa pagkamatay ng laman (muscles) sa puso. Kapag malaking bahagi ng puso ang naapektuhan ng atake sa puso, maaaring bumigay na ng tuluyan ang puso at ito ay pwedeng maging sanhi ng pagkamatay.

Ang ilang salik na makapagpapataas ng posibilidad ng atake sa puso ay ang sumusunod:

  • Hypertension o high blood
  • Sobrang katabaan o obesity
  • Paninigarilyo at pagkain ng matataba
  • Diabetes
  • Kasaysayanng sakit sa pamilya

 

PAANO NAGAGANAP ANG ATAKE SA PUSO?

Ang puso ang nagsisilbing bomba na nagsusuplay ng dugo sa buong katawan. Ngunit gaya ng alinmang bahagi ng katawan, ang puso ay nangangailangan din ng tuloy-tuloy na suplay ng oxygen upang manatiling gumagana.

Kapag ang ugat na nagsusuplay ng dugo sa puso (coronary arteries) ay nabarahan ng taba at sobrang cholesterol, at kulang na ang dugong dumadaloy sa puso, unti-unting mamamatay ang kalamnan ng puso hanggang sa manghina ito at bumigay na maaaring sanhi naman ng kamatayan.