Ano ang mabisang gamot sa bulate sa tiyan?

Q: ano po ang gamot sa bulate sa tiyyan??? 15 years old po ako.. dumumi ako kanina may lumabas po na isa ehh natatakot po ako..

A: Huwag kang mag-alala. Ang pagkakaron ng bulate sa tiyan ay isang karaniwang problema na may madali at epektibong lunas. Uminom lamang ng pampurga gaya ng Mebendazole (hal. Antiox), Albendazole, o Pyrantel Pamoate (hal. Combantrin). Ang iba sa mga gamot na ito ay isang inuman lang; ang iba naman ay tatlo o anim. Mas maganda kung humingi ng gabay sa doktor, barangay health worker, o sino mang bihasa sa gamutan para sa wastong pag-inom ng alin man sa mga gamot na ito. Tingnan ang “Ano ang gamot sa bulate sa tiyan” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman.

Pagkatapos uminom ng pampurga, huwag magulat kung magkaron ng mga side effects na pagtatae o pagsusuka. Ang mga bulate ay mawawala na sa loob lamang ng ilang araw. Subalit kung hindi ito nawala, magpatingin na sa doktor upang mabigyang linaw ang iyong nararamdaman. Ngunit halos lahat ng mga umiinom ng pampurga ay gumagaling ng walang komplikasyon o anumang problema.

Paano malalaman kung may bulate sa tiyan?

Ang pag-examine sa dumi ng tao sa ilalim ng ‘microscope’ (fecalysis), gamit ang isang technique na tinatawag na ‘Kato-Katz smear’ ay maaaring isagawa upang i-kompirma ang pagkakaron ng bulate sa tiyan. Sa pagsusuring ito, ang hinahanap ay ang mga itlog ng bulate na siyang magpapatunay na may bulate sa tiyan.

Isa pang karagdagang pagsusuri blood test o complete blood count (CBC). Ang pagtaas ng isang uri ng blood cell, eosinophils, ay isang maaaring indikasyon na may mga bulate sa tiyan.

Ang mga pagsusuring ito ay ginagawa lamang sa mga kasong hindi tiyak, ngunit kalimitan, ang mga sintomas lamang ay sapat na upang gabayan ang inyong doktor para masabing bulate sa tiyan nga ang naturang karamdaman.

Mga kaalaman tungkol sa bulate sa tiyan

Ano ang bulate sa tiyan?

Ang bulate sa tiyan ay isang uri ng impeksyon kung saan may mga bulate na loob ng tiyan ng tao, na siyang kumukuha ng nutrisyon na dapat ay para sa taong apektado. Ito’y nagdudulot ng pagkakasakit at pagkawala ng sigla. Ang bulate sa tiyan ay isang pangkaraniwang karamdaman sa mundo, lalo na sa Africa, sa Timog at Timog-Silangang Asya, at kasama na dito ang Pilipinas. Tinatayang nasa dalawang bilyong tao ang apektado nito.

Ano ang iba’t ibang klase ng bulate?

May tatlong uri ng bulate na karaniwang ‘sumasalakay’ sa katawan at siyang naninirahan sa tiyan. Ang mga ito ay tinatawag na roundworm (Ascaris), hookworm, at whipworm (trichuris). Bukod dito, may mga iba’t iba pang bulate na siyang sanhi ng karamdamang ito, ngunit ang nabanggit natin ay ang pinaka-malaganap sa Pilipinas.

Paano nakukuha ang bulate sa tiyan?

Ang bulate sa tiyan ang nakukuha sa pamamagitan ng paglunok ng kontaminadong pagkain o pagkaing may taglay ng itlog ng bulate na siya namang nagmula sa dumi ng tao. Ang pag-inom ng tubig na kontaminado rin ay isa ring paraan. Dahil dito, ang pagdumi na wala sa lugar, o hindi malinis na mga komunidad kung saan ang mga banyo ay wala sa lugar, o hindi sumusunod sa mga patakarang pangkalusugan, ay mga bagay na siyang pumapabor sa paglaganap ng bulate sa tiyan.

Ano ang epekto ng bulate sa tiyan?

Sakit ng tiyan, at paglobo ng tiyan sa mga bata, ang mga pangunahing sintomas ng bulate sa tiyan. Dahil lumalaki ang tiyan ng bata, maaari itong magbigay ng maling impresyon sa mga magulang na malusog ang mga ito, ngunit sa katunayan, mga bulate ang sanhi ng paglaki ng tiyan nila. Minsan, may lumalabas ring bulate sa puwet kapag dumudumi, o sa bibig habang nagsusuka. Bukod sa mga sintomas na ito, may mga mas seryoso at pangmatagalang epekto ng pagkakaron ng bulate sa tiyan, gaya ng pagkawala ng sigla dahil sa “anemia” na dulot ng mga bulate and pagbagal ng paglaki ng bata. Napag-alaman na apektado rin ang pag-aaral ng mga bata.

Hindi ba nakakatulong ang bulate sa tiyan?

Hindi. Bagamat napag-alaman ni Prof. Michael Tan at iba pang mga antropologista na may mga komunidad na naniniwala na ang mga bulate sa tiyan ay nakakatulong sa pagtunaw ng pagkain, walang katotohanan ang mga paniniwalang ito. Walang benepisyo ang pagkakaron ng bulate sa tiyan ng tao.