Paano makaiwas sa pagkakaroon ng rayuma?

Sa ngayon ay walang nakaaalam kung paano maka-iwas sa pagkakaroon ng rayuma, subalit may mga paraan na maaring makatulong na pabagalin ang paglala ng sakit na ito.

  • Tamang pagkain. Kailangang maging mapili sa pagkain sapagkat may ilang pagkain na maaring makapag-palala ng rayuma o kaya naman makatulong na maibsan ang sintomas.
  • Regular na ehersisyo. Nakatutulong ng malaki kung mapapalakas ang mga kalamnan o muscles sa mga bahagi ng kasu-kasuan ng sa gayon ay hindi agaran ang panghihina ng mga bahaging ito.

Ano ang gamot sa rayuma o arthritis?

Maraming paraan upang magamot at maibsan ang pananakit at pamamaga ng kasu-kasuan na dulot ng rayuma. Maaring ito ay sa paraan ng pag-inom ng gamot, tamang pahinga at ehersisyo, at kung minsan ay surgery o operasyon.

Ang mga gamot na nakatutulong na maibsan ang sintomas ng rayuma ay ang mga sumusunod:

  • Mga gamot na kontra-pamamaga at kontra-sakit gaya ng aspirin, ibuprofen at naproxen
  • Mga gamot na pinapahid sa bahaging apektado ng rayuma.
  • Mga gamot na narcotic na pangontra din ng pananakit

Mayroon ding mga malalakas na gamot na nakakatulong pigilin o pabagalin ang paglala ng rayuma gaya ng sumusunod

  • Plaquenil (dati’y gamot na ginagamit kontra malaria)
  • Methotrexate, Imuran at Cytoxan
  • Actemra, Cimzia, Kineret, Simponi, Enbrel, Humira, Remicade, Orencia at Rituxan
  • Azulfidine, Arava at Xeljanz

Nakatutulong ba ang pahinga at ehersisyo sa paggamot ng Rayuma?

Ang balanseng pagpapahinga at pageehersisyo ay mahalaga sa paggamot ng rayuma. Sa panahon na nagkakaroon ng pamamaga at pananakit, mas mainam na ipahinga ang mga kasu-kasuan. At kung humupa na ang nararamdamang pananakit, mas mabuting mag-ehersisyo upang maiwasan ang paninigas ng kasu-kasuan at mapanatiling malakas ang mga kalamnan.

Paano malaman kung may rayuma o arthritis?

Sa pamamagitan ng mga sintomas na nabanggit, madaling natutukoy ang pagkakaroon ng rayuma. Ngunit may ilan pang pagsusuri ang maaring isagawa upang matiyak ang pagkakaroon ng sakit na ito.

  • X-ray tests. Nagsasagawa ng X-ray sa bahaging apektado ng rayuma upang makita kung gaano kalala ang pinsalang naidulot ng rayuma.
  • Blood tests. Nagsasagawa din ng pagsusuri sa dugo upang makumpirma ang pagkakaroon ng rayuma. Ang mga pasyenteng may rayuma ay nagtataglay ng rheumatoid-factor (RF) antibody sa kanilang dugo.
  • Cylic citrulline antibody test. Tinutukoy ng pagsusuring ito ang presensya ng anti-CCP antibodies sa dugo na maaring makapagsabi na may malalang kaso ng rayuma.

Ang mga taong may rayuma ay maaaring makaranas din ng anemia na dulot ng madalas na pamamaga ng mga kasu-kasuan.

Ano ang mga sintomas ng rayuma o arthritis?

Ang ilan sa mga sintomas ng rayuma ay ang sumusunod:

  • Pananakit ng mga kasu-kasuan
  • Pamamaga ng mga kasu-kasuan
  • Paninigas ng mga kasu-kasuan, lalo na sa paggising sa umaga o sa tuwing mauupo ng mataagal na panahon.
  • Hirap sa pag-unat ng mga kasu-kasuan
  • Madaling kapaguran

Iba-iba ang sintomas ng rayuma na maaaring maramdaman ng bawat indibidwal. Maaring ang iba’y makaranas ng pananakit at pamamaga sa mahabang panahon at ang iba nama’y patigil-tigil na pananakit.

Mga kaalaman tungkol sa Rayuma o Arthritis

Arthritis

Ang rayuma ay isang kondisyon ng autoimmune disease o yung pag-atake ng sariling panlaban ng katawan (immune system) sa sariling kalamnan, partikular sa mga joints o kasu-kasuan. Dahil dito’y nagkakaroon ng pamamaga, hirap sa pag-unat at matinding pananakit sa mga kasu-kasuan gaya ng sa mga daliri, kamay at tuhod. Ito rin ay maaring makaapekto sa mata, puso, dugo at balat. Ang sakit na ito ay higit na nakakaapekto sa kababaihan ng 3 hangang 4 na beses kaysa sa mga kalalakihan, ngunt mas matindi naman ang sintomas na maaaring maramdaman sa kalalakihan.

Ano ang sanhi ng sakit na rayuma?

Sa ngayon ay wala pang natutukoy na tiyak na sanhi ang pagkakaroon ng sakit na rayuma. May mga nakapagsasabing ito raw ay maaaring dulot ng iba’t-ibang salik. Maaring ito raw ay namamana, dulot ng mga kaganapan sa paligid, o kaya naman ng mga hormones na nilalabas ng katawan. Maaaring ito rin daw ay dulot ng pag-atake ng virus o bacteria na siyang nakaaapekto sa immune sytem ng katawan upang atakihin ang sariling kalamnan ng mga kasu-kasuan.

Paano naapektohan ng rayuma ang katawan?

Ang rayuma ay nagsisimula sa oras na atakihin ng pangontra ng katawan (immune system) ang sariling cells at kalamnan ng mga kasu-kasuan. Wala pang sapat na pagaaral na makapagpapaliwanag kung bakit ito nangyayari. Ang pag-atakeng ito ay nakapagdudulot ng iritasyon, pamamaga, at pagkasira ng cartilage (malalambot na buto) na nasa kasukasuan. Dahil sa pagkasira ng mga cartilage, ang mga buto ay magkikiskisan at maaari ding masira. Ito ang mga dahilan kung bakit nararamdaman ang matinding pananakit at hirap sa pagunat ng kasu-kasuan.

Totoo bang ang rayuma ay sakit lamang ng matatanda?

Hindi ito totoo, sapagkat ang rayuma ay maaring makaapekto rin sa mga mas batang indibidwal mula sa edad na 25 hanggang 60. Bagama’t mas mataas ang posibilidad na umatake ito sa mga matatanda.