Q: Ang akin pong asawa ay 3 linggo na namumula ang mata dahil sa nagwelding siya. Gumamit na po siya ng pamatak sa mata hanggang ngayon namumula pa rin. Ano po bw ang dapat igamot kasi nakakaramdam din po siya ng hapdi sa mata. Maraming salamat po.
A: Sa mga nagwewelding o sa mga welder, ang pagkakaron ng mga problema sa mata ay isa talagang problema sapagkat sila’y exposed sa mga matinding liwanag. Partikular sa liwanag na ito ay ang pagkakaron ng matinding ultraviolet o UV rays na pwedeng makasunog o maka-irita sa mata. Iba’t iba ang tawag dito: welder’s conjunctivitis, arc eye, at iba pa. Ang sintomas ay pamumula, pangangati, at pagluluha.
Ang first aid ay ang pagbanlaw sa mata ng tubig o eye drops, at ang pagpapatuloy nito sa loob ng 24-48 na oras; kung mas grabe ang iritasyon, kailangang ipatingin sa doktor. Dapat, mawawala na ang pamumula sa loob lamang ng ilang araw. Sa inyong kaso, mahigit nang tatlong linggo ang lumipas. Kaya kailangan nang magpatingin sa isang spesyalista sa mata o ophthalmologist.
Sa
pangmatagalan, ang exposure sa masyadong maliwanag na ilaw ay pwedeng magdulot ng mga komplikasyon sa mata gaya ng pagkakaron ng katarata. Ang kompanya na pinagtatrabahuhan ba ng asawa mo ay sumusunod sa mga alituntunin upang protektahan ang kalusugan ng kanilang mga empleyado? Tandaan na dahil konektado sa trabaho ang nangyaring problema sa mata, ang gamutan at konsultasyon ay dapat sagutin ng kompanya ayon sa ating mga batas. Anumang kaso, dapat makapagpatingin ang iyong asawa.