Mga Paniniwala sa Pagkakaroon ng appendicitis

Appendicitis mula sa pagkilos matapos kumain

Madalas nating naririnig ang paniniwalang maaari daw tayong magkaroon ng appendicitis kung tatakbo, tatalon, maglalaro o anumang pagkilos matapos magpaka-busog sa pagkain. Maaari daw pumasok ang kinain sa appendix na siyang magpapasimula ng impeksyon at appendicitis. Totoo nga ba?

Bago ang lahat, dapat muna nating malaman na ang proseso ng pagtunaw, mula sa pagpasok ng pagkain sa bibig, sa pagdaan nito sa tiyan at mga bituka, hanggang sa umabot ito sa lugar kung nasaan ang appendix, ay tumatagal ng 6 hanggang 8 na oras. Ito’y sapagkat ang pagkain ay nananatili muna sa tiyan ng ilang oras para matunaw, at marahan namang dumadaan sa mga bituka upang masipsip ang sustansya. Kung kaya, ang pagkilos kaagad pagkatapos kumain ay malabong makapagdulot ng appendicitis.

Marahil, ang maaari lamang maging problema kung kikilos kaagad pagkatapos kumain ay ang pananakit ng tiyan dahil sa impatso o hindi natunawan.

Appendicitis mula sa maliliit na buto ng prutas

May isa pang paniniwalang nagsasabi na maaari din magkaroon ng appendicitis kung lulunukin ang maliliit na buto ng mga prutas gaya ng bayabas, pakwan at kamatis. May posibilidad daw kasi na pumasok ang maliliit na butong ito sa appendix na siyang magpapasimula ng appendicitis. Totoo nga ba?

Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkakaroon ng appendicitis dahil sa mga maliliit na buto ay posible ngunit sobrang mababa ang posibilidad. Nangyayari lamang ito kung may mahinang pantunaw. Sa ngayon, ang karamihan ng mga kaso ng appendicitis, ang sanhi ay ang pagbabara ng dumadaang tinunaw na pagkain o kaya naman ay tumor na dulot ng kanser. Napakaliit lamang ng porsyento ng mga kaso ng karamdamang ito ay dulot ng pagbabara ng buto, kung kaya hindi pa rin maituturing na dahilan ng pagkakaroon ng appendicitis ang paglunok ng buto.

 

Paano makaiwas sa Appendicitis?

Sa ngayon, walang tiyak na paraan para maka-iwas sa pagkakaroon ng appendicitis, ang tangi lamang magagawa ay ang pagkain ng masusustansyang pagkain na mayaman sa fiber upang mas mapababa ang posibilidad na magkaroon ng appendicitis. May ilang kasabihan na maiiwasan daw ang pagkakaroon ng appendicitis kung hindi lulundag pagkatapos kumain o kaya ay iiwas sa pagkain ng mga pagkain na may maliliit na buto, subalit walang sapat na pag-aaral ang makapagpapatunay dito.

Ano ang gamot sa appendicitis?

Ang pangunahing solusyon sa pagkakaroon ng appendicitis ay operasyon o surgery. Appendectomy ang tawag sa operason na tanging para sa appendix. Bago ito isagawa, bibigyan muna ng matapang na antibiotic upang maiwasan ang posibilidad na peritonitis o ang pagputok at pagkalat ng impeksyon sa ibang bahagi ng katawan. Tuturukan ng general anesthesia at saka hihiwaan sa gilid na bahagi ng tiyan kung saan tatanggalin ang namamagang appendix. Kung sakali naman na nagkaroon ng peritonitis, maaaring linisin muna ang buong tiyan upang maalis ang kumalat na nana sa tiyan. Matapos ang operasyon, maaari nang makabalik sa gawain matapos ang 2 hanggang 3 linggo. Walang dapat na ikabahala sa pagtanggal sa appendix sapagkat wala namang magbabago sa katawan kung ito ay maalis.

Paano malaman kung may appendicitis?

Ang pagkakaroon ng appendicitis ay hindi madaling matukoy sapagkat ang mga sintomas na nararanasan dito ay kahalintulad ng iba pang kondisyon gaya ng sakit sa apdo, sakit sa pantog, UTI, sakit sa obaryo ng babae, impeksyon sa bituka, pati na ang gastritis at Crohn’s Disease. Dahil dito, maaaring magsagawa ng ilang pasusuri ang mga doktor upang makasiguro na appendicitis ang nagdudulot ng sakit. Ang ilan dito ay ang sumusunod:

  • Blood tests kung upang matukoy ang pagkakaroon ng impeksyon.
  • Urine tests upang matukoy kung ito’y sakit na dulot ng UTI
  • Mga eksaminasyon sa tiyan
  • Mga eksaminasyon sa tumbong o rectum
  • CT Scan
  • Ultra Sound

Ano ang mga sintomas ng Appendicitis?

Sakit ng tiyan ang pinakamahalagang sintomas ng appendicitis. Ang sakit ng tiyan na ito ay karaniwang naguumpisa sa gita (sa bandang itaas ng puson) at gumagapang patungo sa kanan at ibabang bahagi ng tiyan (sa kanan ng puson). Subalit importanteng idiin na maraming kondisyon ang maaaring magpahiwatig ng kahalintulad na sintomas. Isa pa, mahalaga ring idiin na maraming anyo ng appendicitis na hindi pangkaraniwan – maaaring ibang parte ng tiyan ang sumakit dahil dito. Bilang buod, ito ang mga katangian ng karaniwang sakit na nararamdaman sa appendicitis:

  • Masakit na masakit
  • Mahapdi at makirot
  • Sa bandang tagiliran / kanan ng puson
  • Lagpas na ng 24 oras
  • Hindi nawawala sa mga pain reliever

Mga iba pang sintomas ng appendicitis:

  • Kawalan ng ganang kumain
  • Pagsusuka at liyo
  • Lagnat
  • Pagtatae o pagtitibi
  • Pagiging ‘kalos’ o panghihina

 

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Sa oras na maranasan ang mga nabanggit na sintomas ng appendicitis, agad na nang magpatingin sa doktor. Ang kondisyong ito ay nangangailangan ng agarang lunas bago pa man pumutok ang namamagang appendix at magdulot ng komplikasyon.

Mga kaalaman tungkol sa Appendicitis

Ang appendicitis ay ang kondisyon kung saan namamaga ang appendix, ang tatlong pulgada na nakadugtong sa bahagi ng bituka. Ang pamamagang ito ay tinuturing na emergency o nangangailangan ng agarang atensyon, dahil kung hindi, may posibilidad na ito ay pumutok at makaapekto sa iba pang bahagi ng katawan. Sa kaso naman ng pumutok na appendix, nangangailangan ito ng matindi at agarang gamutan upang maiwasan ang impeksyon sa ibang bahagi ng tiyan. Kung mapapabayaan, maaari itong makamatay.

Ano ang sanhi ng Appendicitis?

Nagaganap ang pamamaga ng appendix kapag ito ay nabarahan ng dumi, o kaya naman ng ibang bagay na dumadaan sa bituka. Maaari din itong mamaga dahil sa pagbara na dulot ng tumor o cancer. Ang anumang impeksyon ay maaari din magdulot ng pamamaga sa appendix.

Ano ang mga komplikasyon na maaaring mangyari mula sa Appendicitis?

Ang komplikasyon ay maaaring maranasan kapag ang pamamaga ng appendix ay hindi naaagapan at ito ay pumutok. Ang pumutok na appendix ay maaaring may mga nana na kapag dumikit sa ibang bahagi ng tiyan ay magdudulot ng impeksyon. Ang impeksyon sa iba pang bahagi ng tiyan ay tinatawag na peritonitis, isang seryosong kondisyon na nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Kailangan itong magamot sa lalong madaling panahon dahil maaari itong makamatay.

 

Post-op: Mga tanong pagkatapos operahan para sa appendicitis

Masakit parin ang titan pagkatapos operahan

Q: Natural lang po ba na pagkatapos na akong operahan ng apendeks parang masakit parin ing tiyan

A: Oo, lalo na kung ilang araw o linggo pa lamang makaraan ang operasyon. Inaasahan na ito ay mawawala ng tulukan makalipas ang ilang linggo, at sa loob ng panahong ito maaari kang uminom ng mga pain reliever. Pero kung ito ay magpatuloy pa, magandang magpatingin na sa doktor (mas maganda na matingnan ito ng kung sinumang nag-opera sa iyo) upang masuri kung anong magandang lunas.

Ilang buwan bago gumaling kapag naoperahan sa appendix?

Q: Doc, ilang buan po ba gumaling ang apendix na operahan po ako nong dec 20 2013 at hanggang ngayon naga sakit pa rin sa loob ng tiyan

A:Depende ito sa tao at sa klase ng operasyon na ginawa. Dapat sa loob ng isa o dalawang buwan ay nawawala na ang anumang sakit Maaaring may ibang problema. Magpatingin sa kung sino mang nag-opera sa’yo o sa ibang doktor para makasiguro.

Pwede na bang mag-exercise pagkatapos maoperahan?

Q: Naoperahan po ako noong 2011 dahil sa appendicitis, nais ko lang po malaman kung pwede ba ako mag exercise tulad pag sit-ups?

A: Karaniwan pinapayuhan ang mga pasyente na umiwas sa mga aktibidad na nababanat ang tiyan sa loob ng anim na buwan, pero kung ilang taon na ang lumipas ay pwede ka nang magsit-ups at iba pang exercise dahil ganap na ang paggaling ng balat na hiniwa.

Pag naoperahan ng appendix ang isang babae may pag asa bang mabuntis?

Q1: Pag naoperahan ng appendix ang isang babae may pag asa bang mabuntis?

Q2: Isa din po bah sa nagiging sanhi ng pagkabaog ay operada .. naoperahan po kc aq sa apendix .. 3 yrs na po kami ng asawa ko pero hanggang ngayon hindi parin ako nabubuntis .. 3 years na po ang nakalipas na inoperahan ako sa appendix

A: Pwedeng pwedeng mabuntis ang isang babae kahit siya ay naoperahan sa appendix, at ang operasyon na ito ay hindi sanhi ng pagkabaog. Ang appendix ay walang kaugnayan sa pagbubuntis at malayo ito sa matris, obaryo, at iba pang bahagi ng katawan ng babae na kailangan sa pagbubuntis. Maliban na lang kung nagkaron ng kakaibang komplikasyon ang appendicitis at may ibang ginawa ang doktor sa operasyon (ngunit ito’y bibihira at malamang sinabihan ka ng doktor kung ito man ang kaso) pero kung ito ay pangkaraniwang appendicitis lamang, walang dapat ikabahala.

Ilang buwan o taon bago makapag-sports o makapag-exercise pagkapos maoperahan?

Q1: Ilang taon bago makapaglaro ng volleyball ang isang taong naoperahan sa appendix?

Q2: Ilang buwan bago ako pwedeng mag-exercise pagkatapos magpaopera para sa appendicitis?

Q3: Kakaopera ko lang po sa appendix, kailan po ako pwedeng maglaro na ulit ng basketball?

A: Sa normal na kaso ng appendicitis, maraming mga surgeon ang nagrerekomenda na magpahinga muna ng isang buwan bago bumalik sa mga aktibidad gaya ng exercise o sports. Sa umpisa, mild exercise lang, o kung sports man, dapat sa una ay hinay-hinay lang; dahan-dahanin ang pagbabalik ng katawan sa anumang aktibidad. Pero maaaring may ibang payo ang inyong surgeon depende sa kaso ninyo kaya mas magandang ikonsulta sa kanya o kaya mag-follow up tungkol dito.

Paano malaman kung may appendicitis?

Q: Doc, ano po ang dapat gawin kapag sa tingin mo parang may appendicitis ka? kasi po ang kaso ko ay pag umuubo sumasakit ang akong kanang tagiliran at kaliwang braso. pero hindi naman ganun ka sakit o kahapdi sakto lang po. salamat sana paunlakan niyo ang aking katanungan.

A: Una sa lahat, tiyakin mo munang tama ang iyong pagkakaintindi sa appendicitis at mga sintomas nito. Basahin ang artikulong “Appendicitis” sa Kalusugan.PH para sa isang diskusyon sa paksang ito.

Kung mababasa mo sa mga ‘sintomas’, ang sakit ng appendicitis ay “masakit na masakit”, “hindi naaalis ng pain reliever”, at “tumatagal ng higit sa 24 na oras”. Ito ay may kaakibat na kawalan ng ganang kumain, lagnat, at panghihina. Nasa may kanan ng puson ang sakit, at wala sa may dibdib. Kung ang mga sintomas na ito ay tugma sa iyong nararamdaman, magpatingin ka na sa doktor. Ngunit kung ang iyong nararamdaman ang konting pagsakit lamang, malamang hindi ito appendicitis at maaari mo itong obserbahan na lang muna at pwede kang uminom ng pain reliever upang ito’y mawala. Kung magpatuloy parin ang naramramdaman, magpatingin narin sa doktor upang matukoy ang sanhi nito.

Ano ang gamot sa appendicitis?

Q: ano po ba ang pwedeng igamot sa sakit na appendicitis? Nakakamatay po ba ito pag hindi naagapan?

A: Ang appendicitis ay pamamaga at/o impeksyon ng appendix, isang bahagi ng bituka. Ang mga sintomas ng appendicitis ay MASAKIT NA MASAKIT na pagkirot sa may bandang kanang tagiliran, at kung malala na, sa buong tiyan. Hindi lahat ng sakit sa tagiliran ay appendicitis kaya mahalagang matiyak ng doktor ang mga sintomas bago nating sabihin appendicitis talaga yan.

Walang epektibong gamot sa appendicitis, kung appendicitis talaga yan, kundi ang operasyon upang tanggalin ang appendix, o ang tinatawag na ‘appendectomy’. Ang dahilan kung bakit operasyon kaagad ay dahil mahirap maabot ng gamot ang apektadong bahagi, at maaaring kumalat ang impeksyon sa ibang bahagi ng bituka – isang malubhang komplikasyon. Bukod sa operasyon, ang pagtuturok ng malalakas ng antibiotics ay kailangan rin upang masiguradong walang mikrobyo na magdudulot ng impeksyon sa bituka.

Kaya hindi ikaw o sinumang kilala mo ay nakakaranas ng matinding pananakit ng kanang tagiliran, magpatingin na kaagad sa doktor upang maagapan ito.

May bawal ba sa mga taong tinanggal ang appendix?

Q: Ano po ang bawal kainin at dapat iwasan ng taong tinanggal na ang appendix?

A: Ang appendectomy o pagtanggal ng appendix ay isa sa pinakakaraniwang operasyon na isinasagawa sa tao, at ito ay ginagawa bilang lunas sa appendicitis, o pamamaga at impeksyon ng appendix.

Ano ba ang appendix? Ito ay isang bahagi ng katawan na noong una ay inakala ng mga scientist na walang silbi sa tao – isang ‘vestigial organ’. Subalit ngayon, ang appendix ay kinikilala bilang isang bahagi ng ating ‘immune system’ at tumutulong ito sa pagsupil sa pagkakasakit. Ang magandang balita sa mga tinanggalan ng appendix ay may mga iba pang bahagi ng katawan na gumaganap sa ganong ding tungkulin, at dahil dito, ang pagkawala ng appendix ay walang mabigat na epekto sa tao.

Kaya ang sagot ko ay: Wala namang dapat iwasan. Wala ring bawal kainin o inumin. Syempre sa unang mga buwan pagkatapos ng operasyon ay dapat umiwas muna sa mga aktibidad na matindi at pagbubuhat ng mabigat ngunit pagkatapos non ay okay ka na, ipagpatuloy mo lang ang pamumuhay ng masigla.