Paano malaman kung may appendicitis?

Q: Doc, ano po ang dapat gawin kapag sa tingin mo parang may appendicitis ka? kasi po ang kaso ko ay pag umuubo sumasakit ang akong kanang tagiliran at kaliwang braso. pero hindi naman ganun ka sakit o kahapdi sakto lang po. salamat sana paunlakan niyo ang aking katanungan.

A: Una sa lahat, tiyakin mo munang tama ang iyong pagkakaintindi sa appendicitis at mga sintomas nito. Basahin ang artikulong “Appendicitis” sa Kalusugan.PH para sa isang diskusyon sa paksang ito.

Kung mababasa mo sa mga ‘sintomas’, ang sakit ng appendicitis ay “masakit na masakit”, “hindi naaalis ng pain reliever”, at “tumatagal ng higit sa 24 na oras”. Ito ay may kaakibat na kawalan ng ganang kumain, lagnat, at panghihina. Nasa may kanan ng puson ang sakit, at wala sa may dibdib. Kung ang mga sintomas na ito ay tugma sa iyong nararamdaman, magpatingin ka na sa doktor. Ngunit kung ang iyong nararamdaman ang konting pagsakit lamang, malamang hindi ito appendicitis at maaari mo itong obserbahan na lang muna at pwede kang uminom ng pain reliever upang ito’y mawala. Kung magpatuloy parin ang naramramdaman, magpatingin narin sa doktor upang matukoy ang sanhi nito.