Mga kaalaman tungkol sa amputation

Ano ang amputation at para saan ito?

Ang amputation ay isang pamamaraang medikal ng pagputol ng bahagi o buong haba ng biyas ng braso, hita, kamay, paa, o mga daliri. Ito ay isang mahalagang uri ng operasyon na isinasagawa lamang kapag wala nang pag-asang mailigtas ang bahagi ng biyas na napinsala dahil sa impeksyon, aksidente, kanser at iba pang kondisyon na maaaring magdulot ng pagkalat ng sakit sa iba pang bahagi ng katawan.

Kanino at kailan ito isinasagawa?

Ang pamamaraan ng amputation ay maaaring isagawa sa kahit na sinong tao ayon sa rekomendasyon ng doktor. Ang mga kadalasang dahilan ng pagputol ng mga biyas ay ang matinding pinsala na dulot ng impeksyon, pagkabulok ng mga kalamnan, kanser, o kaya ay aksindente.

Ang mga matitinding impeksyon sa mga biyas na hindi na nalulunasan ng kahit na anong gamot ay kadalasang humahantong sa pagputol na lang ng mga ito. Madalas itong nangyayari sa mga taong may sakit na diabetes at problema sa pagdaloy ng dugo. Dahil sa mga kondisyon na ito, nahihirapan sa paggaling ang mga sugat at impeksyon sa mga biyas. Kapag hindi isinagawa ang amputasyon, maaring mabulok ang kalamnan ng biyas o kaya ay patuloy na kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan. Ganito rin ang ginagawa kapag ang kanser ay nagmula sa bahagi ng mga biyas.

Ang mga taong naaksidente na nagkaroon ng matinding pinsala sa mga biyas ay maaaring sumailalim din sa amputasyon. Mas makabubuting putulin na lamang ang bahaging ito sapagkat maaaring maging sagabal na lamang ang bahaging ito na nasira ng aksidente. Tandaan na ang pagputol ng mga biyas ang pinakahuling solusyon na ikokonsidera ng doktor.

Paano ito isinasagawa?

Ang pagpuputol sa biyas ay isinasagawa sa operating room at maaring mangailangan na manatili sa ospital ng 1 hanggang 2 linggo o higit pa, depende sa kondisyon. Maging ang pamamaraan ng pagputol ay depende rin sa kondisyon ng pasyente. Ang pasyente ay inilalagay sa general anestisya o kaya sa ibabang bahagi lang ng katawan.

Sinisimulan ang hiwa sa bahaging naiiba ang kulay, temperatura at pulso. Tinatanggal ng surgeon ang lahat ng laman na apektado ng impeksyon at pinsala, habang iniiwan ang lahat ng malulusog na bahagi. Inaayos ang pagputol at sinasara ang lahat ng ugat-daluyan ng dugo. Kadalasan ay pinuputol ito at hinuhulma para maayos na malagyan ng artipisyal na paa o kamay.

Gaano katagal ang paggaling mula sa amputation?

Depende sa bahagi at paraan ng pagputol at sa kondisyon ng pasyente, ang paggaling ay maaring magtagal ng ilang linggo. Babantayan sa ospital ang pasyente habang ginagamot hanggang sa tuluyang maghilom ang sugat. Sa oras na maghilom ito, maaari nang simulan ang rehabilitasyon. Ang rehabilitasyon sa pasyente ay binubuo ng paggamit ng mga artipisyal na binti o braso, paggamit ng saklay, panunumbalik ng lakas at suportang mental at emosyonal sa pasyente.