Generic name: amoxicillin, amoxycillin, amoxicillin sodium, amoxicillin trihydrate
Brand name: Amoxil/Amoxil Forte, Globamox, Himox, Pediamox, Penbiosyn, Trexil
Para saan ang gamot na ito?
Ang amoxicillin ay isang uri ng penicillin na lumalaban sa mga bacteria. Ito ay inirereseta para sa maraming uri ng impeksyon ng bacteria sa iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng daluyan ng paghinga, loob na bahagi ng tenga, balat, sa daluyan ng ihi, at sa iba pa. Inirereseta rin ito sa ilang sexually transmitted disease gaya ng gonorrhea. Mabisa rin itong gamot para maiwasan ang impeksyon sa mga sugat at sa bagong bunot na ngipin.
Anu-ano ang mga preparasyon ng gamot na Amoxicillin?
Ang gamot na amoxicillin ay maaring nasa anyo ng tableta, nangunguyang tableta, kapsula (capsule), pulbos na tinitimpla (oral suspension), o likido na nakabote.
Paano ito ginagamit?
Dahil ang paggamit ng gamot na ito ay naiiba-iba depende kung ano at kung gaano kalala ang kondisyon na nararanasan, gamitin lamang ang gamot na ito ayon sa inireseta ng doktor.
- Ang amoxicillin ay maaring inumin ng may laman ang tiyan o kaya’y walang laman. Bagaman, may posibilidad na mangasim ang tiyan kung iinumin ito na walang laman ang tiyan.
- Kung naka-kapsula o tableta, inumin ang isang buo at huwag hahatiin; kung nangunguyang tableta, nguyain muna ito bago lunukin. Sabayan din ito ng isang baso ng tubig. Kung likido naman, haluin munang mabuti bago inumin.
- Inumin ng magkakaparehong oras bawat araw.
- Ituloy lang ang pag-inom ng gamot sa buong haba ng panahon na inireseta ng doktor. Iwasang lumaktaw ng pag-inom at huwag titigil kahit pa bumuti na ang pakiramdam.
- Kung sakaling makalimutan ang pag-inom, agad na inumin ang gamot sa oras na maalala. Ngunit kung malapit na sa oras ng kasunod na pag-inom, ituloy na lamang ang nakatakdang pag-inom at huwag nang balikan ang nakaligtaang pag-inom.
- Hanggat hindi pinapayo ng doktor, huwag doblehin ang iniinom na gamot o ibahin ang oras ng pag-inom nito.
- Itago sa katamtamang temperatura at iwasang mabilad sa araw. Ilayo rin ito sa maabot ng mga bata. Para sa mga likidong gamot, itago sa loob ng refrigerator.
Ano ang mga dapat tandaan sa pag-inom ng amoxicillin?
Bago resetahan ng gamot, ipaalam kaagad sa doktor kung ikaw ay may kondisyon gaya ng sumusunod:
- allergy sa penicillin at cephalosporins
- sakit na hika o asthma
- sakit sa atay at bato
- buntis, nagpaplano na mag-buntis, o nagpapasuso
- mononucleosis
- umiinom ng iba pang gamot na over-the-counter, at mga supplements
Sundin ang lahat ng payo ng doktor tungkol sa pag-inom ng gamot na ito. Mahalaga din na sundin ang nakatakdang pagbisita sa doktor upang mabantayan progreso ng paggagamot sa sakit, malaman kung may pagbabago sa dami ng gamot na iinumin, o matignan kung may karagdagan pang pagsusuri na gagawin habang ginagamot.
Kung ginagagmot ang sakit na gonorrhea, makabubuting iwasan muna ang pakikipagtalik upang hindi makahawa. Maaaring magpatingin din kung positibo sa syphilis, na isa ring sexually transmitted disease, sapagkat posibleng mayroon ding impeksyon ng sakit na ito.
Maaaring maipasa ang epekto ng amoxicillin sa gatas ng nagpapasusong ina at makaapekto sa sanggol na makakainom. Kung kaya, ipaalam kaagad sa doktor kung ikaw ay nagpapasuso.
Ang mga contraceptives ay maaaring mabawasan ang bisa kung iinumin kasabay ng amoxicillin. Kung kaya, ipaalam ito sa doktor nang magabayan sa paggamit ng mga alternatibong pag-kontrol ng pagbubuntis.
Paano ang pag-inom nito sa mga bata?
Tulad din ng pag-inom ng mga matatanda, depende ang pag-iinom ng amoxicillin sa inireseta ng doktor. Kadalasan, ang binibigay na gamot ay likido para mas madaling inumin ng mga bata na hirap makalunok ng tableta o kapsula. Kung ang bata ay nagsusuka sa pag-inom ng gamot sa loob ng 30 minuto, painumin muli ng kaparehong dami ng gamot. Para sa karagdagang kaalaman, kumonsulta sa isang pediatrician o spesyalista para sa mga bata.
May side effects ba ang gamot na ito?
Bibihira ang side effects mula sa pag-inom ng gamot na amoxicillin. Ngunit hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagkakaroon nito. Narito ang ilan sa mga maaaring epekto ng pag-inom ng amoxicillin:
- pagtatae o diarrhea
- pagpapantal, hirap sa pag-hinga, at pamamaga ng katawan na sintomas ng allergy.
- pananakit ng ulo
- pangangati ng pwerta ng babae
- pamamaga at pangingitim ng dila
Agad na ipatingin sa doktor ang sintomas na nararanasan sa pag-inom ng amoxicillin.
Ano ang maaaring mangyari kung mapasobra ang pag-inom ng gamot?
Ang mga maaaring epekto ng sobrang pag-inom ng amoxicillin ay pagkalito, pamumula ng balat, hirap sa pag-ihi, pagkahimatay o kombulsyon. Agad na lumapit sa doktor kung naoverdose ng gamot at nakakaranas ng mga epekto na nabanggit.