Mga kaalaman tungkol sa Pagkawala ng Memorya o Amnesia

Ano ang amnesia?

Ang amnesia ay ang kondisyon ng pagkawala ng memorya o alaala ng isang tao, maaaring ito ay ang mga impormasyon at pangyayaring bumubuo sa isang pagkatao, pati na ang mga pagkakakilala sa mga taong nakapaligid. Bagaman madalas na pinapakita sa mga palabas na wala nang naaalala kahit na isang impormasyon tungkol sa sarili, maging ang sariling panglan, sa realidad, ang amnesia ay hindi naman nakaaapekto sa pagkakakilala sa sarili. Ang pagkawala ng alaala ay maaring permanente o pansamantala lamang.

Ang mga taong may amnesia, dahil nga may problema sa memorya, ay kadalasang nahihirapang matuto ng mga bagong impormasyon, at makadagdag ng mga bagong memorya. Sa madaling salita, karamihan ng mga bagong kaganapan sa buhay ay hindi mananatili sa isipan at makakalimutan na lang.

Ano ang sanhi ng pagkakaroon ng amnesia?

Ang kahit na anong aksidente, disgrasya o karamdaman na makaapekto sa ulo at makapipinsala sa bahagi ng utak na responsable sa pagpoproseso ng memorya ay maaaring magdulot ng kawalan ng memorya o amnesia. Ang amnesia na nagdulot ng pinsala sa utak ay tinatawag na neurological amnesia. Narito ang ilan sa mga maaaring dahilan neurological amnesia:

  • Pamamaga ng utak o encephalitis, marahil dahil sa impeksyon
  • Stroke
  • Kakulangan ng oxygen sa utak
  • Pag-abuso sa alak
  • Pagkakaroon ng tumor sa utak
  • Alzheimer’s Disease
  • Pag-inom ng gamot na benzodiazepines
  • Pinsala sa ulo na nagdulot ng pamumuo ng dugo sa utak

Bukod sa mga nabanggit, maaari ring magkaroon ng amnesia mula sa matinding troma sa emosyon gaya ng pagkakasaksi sa isang matinding krimen o pagiging biktima mismo. Ito ay tinatawag na dissociative amnesia.

Ano ang mga sintomas ng amnesia?

Ang taong nakararanas ng amnesia ay maaaring magkaroon ng problema sa pagalala ng nakaraan, o kaya ay problema sa pagpapanatili ng mga bagong impormasyon sa isip. Pinakakaraniwan ay ang dalas ng pagkakalimot sa mga kakalipas pa lang na kaganapan sa buhay. Maaaring naalala pa ang mga kaganapan sa kabataan ngunit hindi ang mga kaganapan sa nakalipas na taon. Madalas din ang pagkalito sa mga bagay-bagay o disorientasyon.

Sino ang maaaring magkaroon ng amnesia?

Ang lahat ng tao maaaring magkaroon ng amnesia ngunit ang posibilidad ng pagkakaroon nito ay pinakamataas sa mga taong sumailalim sa operasyon sa ulo, nakaranas ng stroke, pati na sa mga taong lulong sa alak.

Paano malaman kung may amnesia?

Ang pagkakaroon ng amnesia ay natutukoy sa pamamagitan ng ebalwasyon ng doktor sa paggana ng memorya. Maaaring magsagawa ng interbyu tungkol sa mga alaala. Sa pamamagitan nito, maaaring matukoy ang sanhi ng pagkawala ng memorya, kung gaano kalawak ang saklaw ng apektadong memorya, at iba pa. Maaari ring pag-aralan ang mga reflexes o abilidad ng utak sa pagresponde sa mga bagay-bagay. Bukod sa mga ito, puwede ring isailalim sa MRI at  CT Scan ang utak upang matukoy kung may problema dito.

Ano ang gamot sa amnesia?

Sa ngayon ay wala pang gamot na makapagpapabalik sa memoryang nawala. Ang tanging gamutan lamang na magagawa sa pagkakaroon ng amnesia ay mga therapy na makatutulong sa pagpapatibay ng natitirang alaala at pagpapalakas sa pagsagap ng mga bagong impormasyon. Maaaring tulungan ng isang occupational therapist ang isang pasyenteng mayroong amnesia. Makatutulong din ang pagtatala sa mga kaganapan upang mahasa ang utak sa pag-aalala ng mga pangyayari.