Nakakagamot ba ang pag-inom ng ihi?

Q: tanong ko lang po kung anong epekto sa kalusugan ng tao ang paginom ng ihi sa gabi. na according po sa urine therapy na dapat inumin ang ihi sa umaga para sa paggaling ng sakit.

A: Ang pag-inom ng ihi ay matagal nang kagawian sa maraming bahagi ng mundo, mula sa mga Romano at taga-India noong unang panahon hanggang sa kapanahunan natin. Halimbawa, sa bandang Agusan paniniwala ng iba na ang pagpahid ng unang ihi sa umaga sa mga kamay at paa ay gamot laban sa pasma.

Para sa iba, ang pag-inom ng sariling ihi ay nakakagaling ng iba’t ibang sakit; may mga iba namang nagsasabi na ang dapat inumin ay ihi ng bata. Ngunit, bagamat maraming tao ang gumagawa nito, walang ebidensya na ito’y may positibong epekto sa kalusugan ng tao. Kaya hindi ko ito nirerekomenda, subalit hindi ko rin inaalis ang posibilidad na maaaring may benipisyo ito para sa iba.