Mga karaniwang tanong tungkol sa almoranas o hemorrhoids

1. Sumasakit ba ang tiyan ng taong may almoranas?

Kalimitan, hindi sumasakit ang tiyan. Ang almoranas ay mga ugat na nasa bandang puwitan na hindi dapat tumubo, ngunit kung naipit ay nagdudulot ng kirot o sakit, at pagdudugo, lalo kapag dumudumi. Maliban na lang kung ito’y may kasamang iba pang karamdaman, ang almoranas mismo ay sa ordinaryong pangyayari ay hindi magdudulot ng sakit sa tiyan.

2. Nakakamatay ba ang almoranas?

Hindi rin. Bagamat ang almoranas ay nakakasagabal sa mga taong meron nito, at nagdudulot ng kirot at pagdudugo lalo na habang o pagkatapos dumumi, ito’y hindi naman isang nakakamatay na sakit. Ngunit kung hindi mapigil ang pagdudugo, o hindi na makayanan ang kirot nito, dapat magpatingin sa doktor upang mabigyan ng wastong gamot o solusyon para dito.

3. Nakakahawa ba ang almoranas?

Ang almoranas ay hindi nakakahawa. Bagamat ang pagkakaron ng almoranas o hemorrhoids a maaaring genetic o nasa dugo, ang pagkakaron nito mismo ay hindi dala ng bacteria, virus, o anumang mikrobyo na nakakahawa. Bagkos, ito’y dahil sa paglaki ng mga ugat sa may puwitan.

4. Totoo ba na nagkaka-almoranas ang mga mahilig kumain ng spicy o maanghang na pagkain

Kung mga maaanghang lamang na pagkain ang pag-uusapan, walang ebidensya na ito’y may kaugnayan sa pagkakarroon ng hemorrhoids o almoranas. Maliban na lang kung ang pagkain ng mga maaanghang o spicy na pagkain ay natural na nakakasira ng iyong tiyan at nagdudulot ng pagtitibi o pagtatatae na siya namang pwedeng maging sanhi, o magpalala, ng almoranas.

5. Pwede bang makipag-anal sex ang may almoranas?

Ang ‘anal sex’ ay isang ‘high-risk behavior’, o isang gawain na may kaikibat na kadelikaduhan, dahil mataas ang posibilidad na ito’y maging paraan upang mahawa ka ng mga STD gaya ng HIV/AIDS. Ang pagkakaron ng almoranas ay lalo pang nagpapataas ng posiblidad na ito, dahil maselan ang puwetan at madaling masugatan. Ngunit ang sagot sa tanong mo ay ‘pwede naman’, basta alam mo ang mga ‘risks’ sa gawaing ito at siguraduhin mong gumamit ng condom. Dapat maging maingat at marahan din ang pakikipagtalik upang hindi magdulot ng mga sugat, iritasyon sa mga almoranas, at pagdudugo.

6. Bakit lumalala ang almoranas pagkatapos mag-sit-ups?

Anumang gawain na parang umiiri o naglalagay ng presyon sa bandang puwitan, gaya ng pagbubuhat ng mga mabibigat, pagpigil ng hininga habang nagbubuhat ng mabigat, ay nakakalala ng almoranas – maaaring mas lumaki ang almoranas. Sa halip, maglakad araw-araw at iwasan ang matagal na pag-upo o pag-tayo.

7. Nagagamot po ba ang almoranas? Ano ang mabisang gamot sa almoranas?

Oo, ang almoranas ay nagagamot. Maraming hakbang at alituntunin na pwedeng gawin upang maiwasan, mabawasan, o malunasan ang almoranas. Tingnan ang pahinang “Ano ang pwedeng gamot sa almoranas?” sa Kalusugan.PH para sa detalyadong kasagutan.

8. Ano ang pwedeng gawin kapag nakakaramdam ng sobrang kirot o hapdi?

May mga ointment na pinapahid gaya ng Zinc Oxide o mga steroid cream at suppository na pinapasok sa puwitan na nakakatulong na mawala ang kirot, hapdi, pangangati, o pamamaga sa puwet dahil sa almoranas. Ang pag-inom ng pain reliever gaya ng Ibuprofen o Paracetamol ay maaari ring makatulong. Magpatingin sa iyong doktor upang magabayan at maresetahan ng mga gamot na angkop sa iyo. Ang pagkain ng mga pagkain na mataas sa fiber, dahil pinapalambot nito ang dumi, ay nakakatulong rin sa isang banda. Tingnan ang “Listahan ng mga pagkain na mataas sa fiber” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman.

9. Ano ang dapat gawin kapag dumudugo ang almoranas o hemorrhoids?

Ang pagdudugo ng almoranas o hemorrhoids ay pwedeng ma-trigger ng dumi na tibi o constipated, o di kaya natagalan sa pagkakaupo, o nasobrahan sa kape o alak. Kung hindi mapigil ang pagdurugo, mas maganda kung ipatingin na ang almoranas sa doktor. Ngunit kung ito’y napipigil naman, heto ang ilang mga payo:

  • Pwedeng mag-apply ng yelo o ‘ice pack’ sa puwet para ma-relax ito, mawala ang pamamaga, at mapigil ang pagdudugo. Gawin ito mula 10 hanggang 15 minuto, dalawa o tatlong beses sa isang araw.
  • Maglublob sa maligamgam na tubig gabi-gabi upang ma-relax rin ang puwet at makaiwas sa ganitong pagdudugo.
  • May mga cream rin na pwedeng ipahid upang mawala ang pamamaga; ikonsulta ang iyong doktor tungkol sa mga cream o ointment na ito.
  • Iwasan ang pag-inom ng alak o kape. Dagdagan ang pagkain ng fiber upang malambot ang dumi na hindi maka-irita sa balat sa puwet, na syang sanhi ng pagdurugo.
  • Muli, magpatingin sa doktor kung mukhang hindi talagang mapigil o ma-control ang pagdudugo.

10. Ano ang bawal na gawin ng tao na may almoranas?

Upang makaiwas sa paglala o pagsumpong ng almoranas, anumang gawain na nakakapagpataas ng preskyon, o nakakairita ng balat sa puwitan ay bawal o hindi maganda. Katulad narin ng mga nabanggit natin, ang mga halimbawa nito ay ang mga sumusunod:

  • Ang pag-iri ng malakas o matagal, at ang matagal ng pag-upo sa toilet bowl habang dumudumi.
  • Ang pagbubuhat ng mabibigat, at anumang uri ng ehersisyo na nagbibigay ng mataas na presyon sa puwitan.
  • Ang pagkain ng anumang makakapagpa-tibi sa dumi

Magpatingin sa doktor upang mabigyan ng karagdagang mga payo at alituntunin tungkol sa mga dapat tandaan at dapat iwasan.

11. Ano ang pwedeng gawin ng buntis na may almoranas?

Sadyang ang pagbubuntis ay isang sitwasyon na nagpapalala ng almoranas, sapagkat, dahil sa pasan mong sanggol, mas mataas ang presyon sa iyong puwitan. Kung ikaw ay hirap na hirap na sa almoranas, ito’y ipatingin mo sa iyong OB-GYN upang mapayuhan ka kung anong pwedeng gawing paraan sa iyo yamang ikaw ay buntis.

May ilang mga paraan rin na pwedeng mong gawin bilang buntis, para mabawasan ang sakit at pagdudugo na dulot ng almoranas:

  • Sa iyong pagkain, siguraduhing ikaw ay kumakain ng mga pagkain na mataas sa fiber. Tingnan ang listahan ng mga pagkaing mataas sa fiber sa Kalusugan.PH.
  • Ang paglublog sa maligamgam na tubig gabi-gabi ay nakaka-relax ng puwet at nakakapagbigay-ginhawa.
  • Iwasan ang pagbubuhat ng mabibigat, at matagalang pagtayo o pag-upo.
  • Ipatingin sa iyong OB-GYN o doktor kung ano ang mga gamot na pwedeng inumin o ipahid kung ang almoranas ay mahapdi o makirot.
  • 12. Pwede po bang humingi sa inyo ng reseta para sa almoranas?

    Ang Kalusugan.PH ay hindi pwedeng pumalit sa personal at pisikal na konsultasyon, sapagkat isang mahalagang bahagi ng paggagamot ang harapang pakikipag-usap, pakikipag-ugnayan, at eksaminasyon. Bawal rin sa batas ang pagbibigay ng reseta kung hindi man lamang nakikita ang pasyente. Ang layunin ng website na ito ay magbigay kaalaman, sapagkat naniniwala ako na hindi naman kailangang lahat ng bagay ay ipapakonsulta pa. Isa pa, maraming mga bagay na nakakaligtaang itanong kapag ang doktor ay iyong kaharapan na. Kaya, ang payo ko ay ituloy lang ang gamot na naireseta na sa iyo ng doktor. Sa mga kaso ng almoranas, tandaan na pangmatagalan ang mga gamot at ito’y dapat kaakibat ng pagbabago sa pagkain at iba pang lunas upang maibsan ang inyong hemorrhoids.