Q: doc bakit po ganon natapos na pong inumin ung ung gamot sa almoranas tas ung ipinapasok..10 days po ung treatment..bakit masakit pa rin po….at ano po ba ang mga pagkain na bawal?
A: Hindi talaga kaagad gumagaling ang almoranas at kinakailangan nito ng pagbabago sa pagkain. Ang prinsipyo na nakapaloob dito ay ayaw nating tumaas ang presyon sa puwet dahil ang pagkakaron ng presyon ang nagpapalala sa almoranas. Kung ang dumi ay tibi o constipated, tataas ang presyon. Sa kabilang banda kung malambot ang dumi mo, hindi tataas ang presyon, hindi maiirita ang balat sa loob at hindi lalala ang almoranas. Narito ang ilang mga payo tungkol sa pagkain para sa mga taong may almoranas o hemorrhoids:
1. Kumain ng mga pagkain na mataas sa fiber. Bisitahin ang pahinang “Mga pagkain na mataas sa fiber” sa Kalusugan.PH para malaman kung ano ang mga ito. Sa madaling salita ang mga ito ay ang mga gulay at prutas
2. Uminom ng maraming tubig. Dapat hindi kukulangin sa 8 na baso ng tubig bawat araw ang iyong inumin upang hindi tumigas ang dumi.
3. Iwasan ang kape at alak, at iba pang mga inuming may caffeine at alcohol. Oo, ang pag-inom ng kape at iba pang mga inuming may caffeine ay pwedeng makasama sa almoranas sapagkat nakakaapekto ito sa natural na paggalaw ng ating bituka. Gayun din, ang pag-inom ng alak ay hindi nakakabuti sa almoranas.
4. Kapag nakakaranas ka ng pagdurugo sa iyong almoranas, iwasan din ang pagkain ng spicy o masyadong maanghang na pagkain sapagkat nakakairita ito sa mga sugat. Subalit, mahalaga ring sabihin na ang pagkain ng maaanghang ay hindi sanhi ng almoranas.
5. Dapat hindi masobrahan sa karne at kanin. Ang mga ito ay mababa sa ‘fiber’ at nakakapagtibi. Ito’y dapat bawasan o ‘di kaya’y tapatan ng tamang dami ng gulay upang maging balanse ang pagkain
at hindi ito makapagpalala sa inyong almoranas.