Paano makaiwas sa kondisyon ng alcoholism?

Ang pag-iwas sa kondisyon ng pag-aabuso sa pag-inom ng alak ay nagsisimula sa kabataan pa lang. Dapat ay magmula ito sa impluwensya ng mga magulang, mga kaibigan, at iba pang taong maaaring hangaan. Narito ang ilang mga hakbang na maaaring makatulong sa pag-iwas sa alkoholismo:

  • Sapat na patnubay ng mga magulang at nakatatanda
  • Polisiya sa pagkontrol ng pag-inom ng alak sa bahay at maging sa komunidad
  • Pag-iwas sa pagdepende sa alak sa panahon ng pagkakadanas ng depresyon at ilan pang kondisyong emosyonal.
  • Pagbaling ng atensyon sa ibang akitbidades gaya ng sports at pag-aaral imbes na pag-inom ng alak.

Ano ang gamot sa kondisyon ng alcoholism?

Maraming tao na apektado ng kondisyon ng alcoholism ang tumatanggi o nagdadalawang-isip sa pagpapagamot sa sakit dahil sa paniniwalang hindi naman sila apektado nito (denial stage), kaya naman nangangailangan ng matinding suporta mula sa mga kaibigan at kapamilya ang pagsisimula ng gamutan dito. Ang paggagamot sa sakit na alcoholism ay binubuo ng ilang mga hakbang o paraan gaya ng pakikipag-usap sa mga propesyonal (counseling), pag-inom ng mga gamot, at maging suporta mula sa mga mahal sa buhay.

  • Detoxification at withdrawal. Ang paggagamot sa sakit na alkoholismo ay kadalasang nagsisimula sa pag-aalis ng alkohol sa katawan at pag-inom ng mga gamot na pangontra sa mga sintomas na dulot ng paghinto sa pag-inom ng alak. Maaari itong magtagal ng ilang araw hanggang isang linggo.
  • Counseling. Sinusundan ito ng porpesyonal na pakikipag-usap sa doktor o psychologist ukol sa progreso ng paggagamot sa sakit. Pinag-uusapan din dito ang lahat ng epekto at mga aspeto na may kaugnayan sa sakit na alcoholism.
  • Pag-inom ng mga gamot. May ilang gamot na makatutulong sa pag-iwas sa pag-inom ng alak gaya ng disulfiram, naltrexone, at acamprosate. Ang mga ito ay nakakabawas sa pagnanais o pag-aasam na uminom ng alak.
  • Suporta ng mga pamilya at iba pang tao sa paligid. Malaking bahagi ng paggagamot ang suporta mula sa mga taong nakapaligid sa taong may sakit. Mayroon ding mga grupo at mga concerned citizens na maaaring lapitan upang mahingan ng suporta.
  • Pag-inom ng mga gamot para sa iba pang kondisyon. Kadalasang sinasabay na rin ang paggagamot sa mga kondisyong nabuo dahil sa pag-iinom ng alak. Maaaring simulan ang paglilinis sa atay at pagsasaayos sa lebel ng asukal sa dugo.

 

Paano malaman kung may kondisyon ng alcoholism?

Ang pagtukoy sa kondisyon ng alcoholism ay binubuo ng pagtatanong o pag-iinterbyu ng doktor sa pasyenteng sinususpetsahan ng alcoholism. Maaaring tanungin din ng doktor ang mga taong nasa paligid ukol sa kondisyon. Layunin ng pagtatanong na ito na alamin kung positibo sa mga sintomas na konektado sa sakit na alcoholism at tinitignan din ang mga sumusunod:

  • Tolerance sa pag-inom ng maraming alak
  • Withdrawal symptoms gaya ng pagsusuka, panginginig ng kalamnan, at pagpapawis kung hindi makaiinom ng alak.
  • Maya’t mayang pagnanais sa pag-inom ng alak
  • Paglalaan ng mahabang oras sa pag-inom ng alak
  • Kawalan ng interes sa ibang mga bagay
  • Patuloy na pag-inom ng alak kahit pa alam nang may hindi mabuti itong naidudulot sa katawan.

 

 

Ano ang mga sintomas ng Pag-abuso sa pag-inom ng alak o Alcoholism?

Ang pagiging alcoholic ay maaaring magpakita ng mga senyales at sintomas gaya ng sumusunod:

  • Hindi magawang limitahan ang pag-inom ng alak
  • Malakas na pangangailangan sa pag-inom ng alak
  • Mataas na tolerance sa pag-inom ng alak
  • Nagtatago ng alak at umiinom kahit mag-isa
  • Dumadanas ng mga withdrawal syndrome kapag hindi umiinom ng alak gaya ng:
    • Panginginig
    • Pagliliyo
    • Pagpapawis
  • Madalas na pagkakalimot
  • Pagiging iritable lalo na kung walang alak sa paligid
  • Kagustuhang uminom ng alak upang mas mapabuti ang pakiramdam
  • Kawalan ng interes sa ibang mga bagay

Bukod sa mga nabanggit, maaaring makitaan din ng mga sintomas na pisikal:

  • Pangangamoy alak ng hininga at pawis
  • Namumulang balat
  • Namumulang mata
  • Napapabayaan ang pansariling hygeine
  • Mabilis na pagkawala ng atensyon sa mga bagay-bagay

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung sa tingin mo ay dumadanas ka o ang miyembro ng pamilya ng mga nabanggit na sintomas mangyari lamang na lumapit sa doktor upang matingnan. Makatutulong din ang opinyon ng mga tao na nasa paligid kung kinakailangan na nga ang pagpapatingin sa doktor.

Kaalaman sa Kondisyon ng Pag-abuso sa Pag-inom ng Alak o Alcoholism

Ang kondisyon ng alcoholism o ang pag-abuso sa pag-inom ng mga inuming may alkohol o alak ay isang sakit na dinadanas ng marami sa buong mundo. Ito ay progresibo at pangmatagalang sakit na kung saan nahihirapang kontrolin ang pagnanais na uminom ng alakĀ  kahit pa nakaaapekto na ito sa maayos na pamumuhay, kalusugan, at iba pang aspeto ng buhay gaya ng trabaho, relasyon sa ibang tao, at pag-iisip. Unti-unti, nagkakaroon ng pag-depende sa pag-inom ng alak ang pang-araw-araw na gawain.

Ano ang sanhi ng alcoholism?

Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkakadanas ng kondisyon ng alkoholismo ay konektado sa ilang mga salik gaya ng genetiko, pag-iisip, pakikisalamuha sa ibang tao, at maging ang kapaligiran. Sinasabing:

  • Ang mga taong may kamag-anak o nakatira kasama ang mga taong umiinom nang madalas ay higit na maaaring dumanas ng sakit na alkoholismo nang 3 hanggang 5 beses.
  • Ang pagkakaroon ng ibang mga kondisyon at karanasan mula pa sa pagkabata ay higit din na mas mataas ang posibilidad na maging dependente sa alak
  • Ang mismong personalidad ng isang tao ay nakaaapekto rin ng malaki sa posibilidad ng pagiging alcholic.

Ano ang mga posibleng komplikasyon ng alcoholism?

Ang pagiging dependent sa pag-inom ng alak sa mahabang panahon ay tiyak na hahantong sa maraming iba pang kondisyong pangkalusugan gaya ng sumusunod:

  • Komplikasyon sa mentalidad. Ang sobrang pag-inom ng alak ay nakaaapekto sa maayos na pag-iisip, pananalita, koordinasyon ng buong katawan, at maging ang reaksyon sa mga kaganapan sa paligid. Apektado din nito ang emosyon, at kakayanang timbangin ang mga bagay-bagay (judgment). Kaugnay nito, hindi malayong humantong o masangkot sa mga sumusunod:
    • Mga aksidente
    • Problema sa bahay
    • Problema sa trabaho at pag-aaral
    • Mga krimen
  • Sakit sa atay. Mataas din ang posibilidad na magkaroon ng sakit sa atay dahil sa sobrang pag-inom ng alak. Maaaring dumanas mula sa pagkakaroong ng Hepatitis hanggang sa pagkasira ng atay o cirrhosis.
  • Problema sa daluyan ng pagkain. Ang sobrang alak ay maaaring magdulot ng pamamaga sa mga gilid ng sikmura (gastritis), at mga bituka. Maaari ding maapektohan ang ilan pang organ kagaya ng pancreas o lapay.
  • Sakit sa puso. Ang alak ay nakapagdudulot ng pagtaas ng presyon ng dugo kung kaya’t posibleng dumanas din ng sakit sa puso
  • Komplikasyon sa sakit na diabetes. Maaaring lumala ang kondisyon ng diabetes dahil sa patuloy na pag-inom ng alak. Nagiging sagabal kasi ito sa maaayos na paggana ng atay sa paglalabas ng asukal sa dugo.
  • Pagrupok ng mga buto. Nakaaapekto din sa pagbuo ng mga bagong buto sa katawan ang sobrang alak sa katawan.
  • Komplikasyon sa dinadalang bata. Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak habang nagbubuntis sapagkat nakaaapekto ito sa maayos na paglaki ng bata sa sinapupunan ng ina.
  • Mabilis na pagdapo ng mga sakit. Ang tuloy-tuloy na pag-inom ng alak ay nakapagpapahina ng resistensya ng katawan, kaya naman mabilis na dinadapuan ng mga sakit ang taong alcoholic.
  • Sakit na kanser. Ayon sa pag-aaral, ang matagal na pag-inom ng alak ay nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na kanser lalo na sa atay.