Ang AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome ay isang sakit na nakaaapekto sa depensa ng katawan o immune system na dulot ng Human Immunodeficiency Virus (HIV). Pinahihina nito ang depensa ng katawan kung kaya’t ang pasyente ay mas madaling kinakapitan ng iba’t ibang sakit. Magpasahanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na lunas para sa sakit na ito. Ang AIDS/HIV ay nakakahawa sa maraming paraan. Ngunit ang tanong, maaari din bang mahawa ng AIDS/HIV sa pakikipaghalikan?
Ayon sa mga pag-aaral, ang AIDS/HIV ay maaari lamang makuha mula sa mga likidong nagmula sa sistema ng katawan nga taong apektado ng sakit. Maaaring ito ay likidong lumalabas sa tuwing nakikipagtalik, o kaya naman ay sa dugo. Kaya naman ang mga pangunahing paraan na makapagpasa ng sakit ay sa pamamagitan ng pakikipagtalik, pagsasalin ng dugo, o kaya’y sa karayum ng iniksyon na nauna nang naiturok sa apektadong tao. Maaari din na maipasa ng ina sa kanyang ipinagbubuntis na anak o kaya sa anak na pinapasuso. Ang iba pang likido ng katawan gaya ng luha at laway ay WALANG KAKAYANAN NA MAGPASA ng HIV. Kung kaya, ang pakikipaghalikan ay maituturing ligtas at hindi makakahawa, bagama’t mayroon pa ring panganib na mahawa sa pakikipaghalikan kung ang taong apektado ay nakakaranas ng pagdurugo sa kanyang bibig. Tandaan na hanggat walang sugat o pagdurugo, ang AIDS/HIV ay hindi nakakahawa.