KALUSUGAN.PH – Patuloy ang paglaganap ng Ebola virus sa iba’t ibang bansa, ayon sa iba’t ibang ulat. Gayunpaman, ang mga awtoridad, gaya ni Barack Obama, presidente ng Estados Unidos, ay patuloy na nanawagan na huwag mabahala dahil sa virus na ito.
Sa Texas, Estados Unidos, isang lalaki ang nasa intensive care unit matapos ma-diagnose ng Ebola virus. Napag-alaman na ang lalaki ay galing sa Liberia, isang bansa sa Africa na marami nang naitalang kaso ng Ebola. Napag-alaman din na ang naturang lalaki ay umalalay sa isang babaeng may sakit ng Ebola, na malamang ay siyang dahilan kung bakit siya nahawa ng virus na ito.
Sa Espanya naman, ayon sa CNN, isang nars ay nakompirmang may Ebola virus, matapos itong mag-asikaso ng isang mag-asawang Espanyol na misyonaryo na nahawahan ng virus sa Africa at namatay pagbalik nila sa Espanya. Hinihinala ng mga awtoridad na ang kasong ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang virus ay nakahawa sa labas ng kontinenteng ng Africa.
Bagamat wala pang kaso ng Ebola na naitatala sa Asya o sa Pilipinas, dahil napakabilis lamang na magbyahe sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng mga eroplano at dahil may libo-libong Pilipino na nagtatrabaho sa mga bansang apektado ng virus, ito’y isang bahagi na ikinababahala ng mga awtoridad sa Pilipinas.