Generic name: paracetamol, acetaminophen
Brand name: Alvedon, Biogesic, Calpol, Napran, Naprex, Tempra, Tylenol
Para saan ang gamot na ito?
Ang paracetamol ay isang uri analgesic at antipyretic na gamot na mabisa para maibsan ang nararamdamang pananakit sa katawan at mapababa ang lagnat. Madalas itong inirereseta para sa sakit ng ulo, pananakit ng mga kalamnan, rayuma, pananakit ng likod, pananakit ng ngipin, sipon at lagnat.
Anu-ano ang preparasyon ng gamot na Paracetamol?
Ang paracetamol ay maaaring naka-handa bilang tableta, nangunguyang tableta, kapsula, likido na nakabote, pulbos na tinitimpla (oral suspension), gamot na pinapasok sa puwit (rectal suppository), o kaya ay itinuturok.
Paano ito ginagamit?
Dahil ang paggamit ng gamot na ito ay naiiba-iba depende kung ano at kung gaano kalala ang kondisyon na nararanasan, gamitin lamang ang gamot na ito ayon sa inireseta ng doktor upang mas maging epektibo.
- Ang paracetamol ay maaring inumin ng may laman ang tiyan o kaya’y walang laman. Bagaman, may posibilidad na mangasim ang tiyan kung iinumin ito na walang laman ang tiyan.
- Kung naka-kapsula o tableta, inumin ang isang buo at huwag hahatiin; kung nangunguyang tableta, nguyain muna itong mabuti bago lunukin. Sabayan din ito ng isang baso ng tubig. Kung likido naman, haluin munang mabuti bago inumin.
- Ang dami ng paracetamol na iniinom ng mga matatanda ay iba sa dami ng iniinom ng mga bata. Kumonsulta muna sa doktor kung gaano karaming gamot ang iinumin o ipapainom sa bata.
- Kailangang eksakto ang pag-inom ng paracetamol. Gumamit ng sukatan sa pag-inom ng gamot at iwasan ang paggamit ng kutsara lang.
- Ituloy lang ang pag-inom ng gamot sa buong haba ng panahon na inireseta ng doktor. Iwasang lumaktaw ng pag-inom at huwag titigil kahit pa bumuti na ang pakiramdam.
- Huwag din lalampas sa itinakdang haba ng panahon ng pag-inom ng gamot. Itigil kaagad ang pag-inom kung hindi bumubuti ang pakiramdam matapos ang 3 araw ng pag-inom, o kaya hindi nawawala ang pananakit matapos ang isang linggong pag-inom.
- Kung sakaling makalimutan ang pag-inom, agad na inumin ang gamot sa oras na maalala. Ngunit kung malapit na sa oras ng kasunod na pag-inom, ituloy na lamang ang nakatakdang pag-inom at huwag nang balikan ang nakaligtaang pag-inom.
- Itago sa katamtamang temperatura at iwasang mabilad sa araw. Ilayo rin ito sa maabot ng mga bata. Para sa mga likidong gamot, itago sa loob ng refrigerator. Agad ding itapon ang napasong gamot.
Ano ang mga dapat tandaan sa pag-inom ng Paracetamol?
Bago resetahan ng gamot, ipaalam kaagad sa doktor kung ikaw ay may kondisyon gaya ng sumusunod:
- allergy sa paracetamol o acetaminophen
- sakit sa atay
- kondisyon o kasaysayan ng alcoholism
- buntis, nagpaplano na mag-buntis, o nagpapasuso
- umiinom ng iba pang gamot na over-the-counter, at mga supplements
Gamitin lamang ang paracetamol nang naaayon sa inireseta ng doktor, o nakasunod sa direksyon na nakasulat sa pakete ng gamot. Iwasan ang sobrang pag-inom ng paracetamol sapagkat maaaring magdulot ng seryosong epekto ang pag-overdose ng gamot na ito. Hanggang 1 gramo lamang ng gamot na ito ang maaaring inumin sa bawat inuman, at hanggang 4 na gramo lamang sa bawat araw. Ang sobrang pag-inom nito ay maaaring makasama sa atay.
Ang pag-inom ng paracetamol kasabay ng pag-inom ng alak ay hindi makabubuti. Hindi rin inirerekomenda ang pag-inom ng gamot na ito kung may kondisyon ng pagkasira ng atay o liver cirrhosis sapagkat hindi eepekto ang paracetamol.
Makabubuti rin ang pagkonsulta muna sa doktor bago ang pag-inom ng ibang gamot para sa ubo, lagnat o pananakit ng katawan na mabibiling over-the-counter kasabay ng paracetamol. Ito ay sapagkat ang paracetamol ay kadalasang isinasama sa ibang gamot kung kaya may posibilidad na ma-overdose kung ang gamot na iinumin kasabay ng paracetamol ay may kahalo nang paracetamol. Huwag din ibabahagi ang gamot sa iba kahit pa nakararanas ng kaparehong sintomas ng sakit.
Mahalaga din na sundin ang nakatakdang pagbisita sa doktor upang mabantayan progreso ng paggagamot sa sakit, malaman kung may pagbabago sa dami ng gamot na iinumin, o matignan kung may karagdagan pang pagsusuri na gagawin habang ginagamot.
Paano ang pag-inom nito sa mga bata?
Iba ang dami ng paracetamol na nakatakdang inumin ng mga bata. Mahalaga na sunding mabuti ang tamang dami upang maiwasan ang pag-overdose. Makabubuting kumonsulta muna sa isang pediatrecian para sa pag-inom ng gamot na ito, o sundin ang tamang sukat na nakalagay sa pakete ng gamot. Kadalasan, ang binibigay na gamot ay likido para mas madaling inumin ng mga bata na hirap makalunok ng tableta o kapsula. Kung ang bata ay nagsusuka sa pag-inom ng gamot sa loob ng 30 minuto, painumin muli ng kaparehong dami ng gamot.
May side effects ba ang gamot na ito?
Bagaman ang side effects mula sa pag-inom ng gamot na paracetamol ay bibihira, lalo na kung susunding mabuti ang direksyon ng pag-inom nito, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagkakaroon nito. Narito ang ilan sa mga maaaring epekto ng pag-inom ng paracetamol.
- pagpapantal, hirap sa pag-hinga, at pamamaga ng katawan na sintomas ng allergy
- mababang lagnat na may kasamang pagliliyo, pananakit ng tiyan at kawalan ng gana sa pagkain
- kulay tsaa na ihi, at mamulamula na kulay ng dumi
- Paninilaw ng balat at mata
Agad na ipatingin sa doktor ang sintomas na nararanasan sa pag-inom ng paracetamol, lalo na kung ito ay konektado sa kondisyon sa atay.
Ano ang maaaring mangyari kung mapasobra ang pag-inom ng gamot?
Ang mga pangunahing epekto ng sobrang pag-inom ng paracetamol ay kawalan ng gana sa pagkain, pagliliyo, pagsusuka, pananakit ng tiyan, pagpapawis, pagkalito at panghihina. Kung mapapabayaan, maaaring manakit ang itaas na bahagi ng tiyan, magkulay tsaa ang ihi, paninilaw ng balat at mata. Agad na lumapit sa doktor kung naoverdose ng gamot at nakakaranas ng mga epekto na nabanggit.