Kung tutuosin, ang pananakit ng ulo ay isa lamang karaniwang kondisyon na maaaring maranasan ng sinuman. At kadalasan, hindi naman ito seryoso, at madali namang malunasan o gumaling nang kusa paglipas lamang ng kaunting panahon. Gayunpaman, ang pananakit ng ulo ay nananatiling hadlang sa pagiging produktibo ng isang tao kung kaya kinakailangang mabigyan pa rin ito ng pansin lalo na kung nasa kalagitnaan ng trabaho.
May ilang paraan para madaling masolusyonan ang pananakit ng ulo nang hindi na kakailanganin pang uminom ng mga gamot na mabibili sa butika, at ito ay ang mga sumusunod:
1. Paglalagay ng yelo sa ulo
Isa sa mga pinakakaraniwang paraan ng pag-tanggal sa pananakit ng ulo ay ang paglalagay ng yelo sa bahaging nanakit. Maaari itong ilagay sa bahagi ng sentido, sa noo, o kaya naman sa batok. Kinakailangang gumamit ng ice pack o balutin ng bimpo ang yelo upang hindi direktang nakadikit ang ulo sa balat.
2. Pagpapahid ng menthol sa ulo
Ang pagpapahid ng menthol na ointment sa sumasakit na ulo ay kapareho rin ng paglalagay ng yelo. Ito’y sapagkat ang menthol ay may epektong nakakapagpalamig ng pakiramdam na sumusuot sa balat para matugunan ang pananakit na nararanasan. Kadalasan ay pinapahid ang menthol sa sentido at noo, o kaya naman ay amuy-amoyin lamang ang menthol.
3. Pag-inom ng salabat.
Ang salabat, o tsaa na mula sa pinaglagaan ng luya, ay mabisa ring panlunas sa kondisyon ng pananakti ng ulo o migraine. Ang epekto ng kemikal na taglay ng luya ay maaarinh ihalintulad sa sa epekto ng iniinom na gamot na mabibili sa butika. Pinapababa ng luya ang ilang sintomas ng implamasyon at pananakit sa katawan tulad na lang ng pananakit ng ulo.
4. Pag-inom ng mga inuming may caffeine
Ang caffeine na makukuha sa mga inumin gaya ng kape, tsaa, at green tea ay sangkap din ng maraming uri ng gamot kontra sa sakit ng ulo na nabibiling over-the-counter sa mga butika, kaya naman ang pag-inom ng isang tasa ng kape kapag nakakaramdam ng pananakit ng ulo ay maaaring makabawas sa pananakit. Sa katunayan, marami nang pag-aaral na nagpapatunay na epektibo ang caffeine bilang pangontra sa migraine.
5. Pag-idlip
Ang pananakit ng ulo na dulot ng matinding stress na nararanasan ay maaaring malunasan ng sandaling pag-idlip o pagpapahinga. Minsan kasi, kinakailangan lamang mawala ang tensyon na nararansan buhat ng sobrang stress at pagod upang mawala ang sakit ng ulo.
6. Mabilis na pagbuhos o pagligo
Ang mabilis na pagbubuhos o shower gamit ang maligamgam na tubig ay mabisa ring panlunas sa pananakit ng ulo. Ito ay lalong kailangan sa pananakit ng ulo na dulot naman ng mainit na panahon.
7. Pagtatapal ng iba pang halamang gamot.
Sa kulturang Pinoy, maraming uri ng halamang gamot ang ginagamit para sa pananakit ng ulo. Kadalasan, ang mga dahon at pinipitpit at pinantatapal sa noo. Minsan pa, ang dahon at pinapadaanan sa apoy bago ipantapal. Ang ilan sa mga halamang gamot na madalas gamiting panlunas sa sakit ng ulo ay ang sumusunod:
- Alagaw
- Alugbati
- Balimbing
- Bawang
- Dayap
- Gumamela
- Kulantro
- Mayana
- Mustasa
- Niyog-niyogan
- Oregano
- Pandan
- Sambong
- Sibuyas