Search Results for: sakit

Mga sakit at kondisyon na konektado sa pananakit ng sikmura

Ang pananakit ng sikmura ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring senyales o sintomas ng abnormalidad o karamdaman na nararanasan sa isang bahagi na nasa loob nito. Alalahanin na nakapaloob sa sikmura o abdomen ang iba’t ibang mahahalagang lamang-loob o organ gaya ng atay, tiyan, apdo, bituka, bato, lapay, at iba pa. Ang sumusunod ay ilan lamang sa napakaraming kondisyon na maaaring magdulot ng pananakit ng simura:

1. Impatso

Ang impatso o indigestion ay kadalasang nararanasan kapag mabagal ang proseso ng tiyan sa pagtunaw sa kinain. Kapag masyadong maraming kinain, hindi nanguyang mabuti ang kinain, o kaya masyadong mabilis ang pagkain, maaaring maranasan ang impatso.

2. Kabag

Ang kabag naman ay ang kondisyon kung saan nagkakaroon ng hangin sa tiyan. Makakaramdam ng pananakit sa sikmura hanggat hindi makawala ang hangin na nakapasok sa loob. Ito ay kadalasang dulot ng madalas na pag-inom ng carbonated drinks, pagkakalunok ng hangin dahil sa pagsasalita habang kumakain, o kaya sa mga uri ng pagkaing kinain.

3. Ulser sa sikmura

Ang pagkakaroon ng peptic ulcer o sugat sa mga pader ng daluyan ng pagkain ay nagsisimula sa pagkakaroon ng maliit sugat dahil sa mga asidong nasa loob ng tiyan.Kapag ang maliit na sugat na ito ay pinasok ng bacteria na Helicobacter pylori, maaaring lumala ang ugat at lumawak. At ang resulta ay malalang kondisyon ng ulser sa tiyan.

4. Appendicitis

Tinutukoy naman sa kondisyon na appendicitis ang implamasyon ng maliit na bahagi ng bituka na kung tawagin ay appendix. Nangyayari ang pamamaga ng appendix kapag nabarahan ito ng maliit na piraso ng pagkain na dumadaloy sa bituka o kaya ay pinasok ito ng parasitiko o bacteria. Kapag ito ay naranasan, kinakailangan ang agarang operasyon.

5. Gastritis

Ang kondisyon ng gastritis ay ang impalamasyon ng lining sa loob ng tiyan. Nangyayari ito dahil pa rin sa impeksyon ng bacteria na Helicobacter pylori o kaya naman dahil sa iritasyon ng lining mula sa ininom na gamot.

6. GERD

Ang GERD of gastro esophageal reflux disease ay ang pag-agos pabalik sa esophagus ng mga laman ng tiyan. Ang bawat pag-agos pabalik ng mga kinain ay nagdudulot ng mahapding pakiramdam sa itaas na bahagi ng sikmura hanggang sa dibdib. Nangyayari ito kapag naging maluwag ang harang o sphincter sa pagitan ng tiyan at esophagus na siyang pumipigil sa pag-agos pabalik ng laman ng tiyan.

7. Gastroenteritis

Ang gastroenteritis ay tumutukoy sa impeksyon ng virus o bacteria sa loob ng tiyan. Nangyayari ito kapag nakakain ng pagkain na kontaminado ng virus o bacteria. Ang mga karaniwang sanhi ng gastroenteritis ay ang mga virus na rotavirus at norovirus, habang ang mga bacteria naman na nagdudulot nito ay Salmonella at E. coli.

8. Pagkakalason mula sa kinain

Ang pagkain na kontaminado ng mga nakakalasong substansya o kemikal ay makapagdudulot din ng matinding pananakit ng tiyan. Nangyayari ito kapag hindi maayos ang preparasyon na isinagawa sa pagkain.

9. Impeksyon ng parasitiko

Maraming uri ng parasitiko ang maaring manirahan sa loob ng tiyan. Nandiyan ang mga bulate gaya ng Tapeworm, Roundworm, Whipworm at Pinworm, pati na ang maliliit na organismo gaya ng amoeba at mga flagellates.

10. Pagtitibi o constipation

Ang hindi maayos na paglabas ng dumi ay makapagdudulot din ng pananakit ng tiyan. Maaaring dulot ito ng kakulangan ng iniinom na tubig, o kaya ay kakulangan ng fiber sa kinakain.

11. Pagtatae o diarrhea

Kabaligtaran ng pagtitibi, ang diarrhea naman ay ang matubig na pagtatae. Ang pagtatae ay kadalasang dulot ng nakaing pagkain na hindi katanggap-tanggap sa katawan. Dahil dito, maaaring manakit ang tiyan at saka bumulwak ito sa paglabas.

12. Iba pang kondisyon sa mga organ sa sikmura

Dahil nga maraming organ na nakapaloob sa ating sikmura, ang anumang abnormalidad sa mga bahaging ito ay maaaring magsanhi ng pananakit. Ang iba pang kondisyon na maaaring magdulot ng pananakit sa sikmura ay ang sakit sa atay (fatty liver disease, cirrhosis), pagkakaroon ng bato sa apdo (gallstones), bato sa bato (kidney stones), kondisyon sa lapay (pancreatitis), at marami pang iba.

Mga karaniwang sakit sa balat na dulot ng impeksyon ng fungi

Ang pagkakaroon ng sakit sa balat na dulot ng impeksyon ng fungi ay isa sa mga pinakakaraniwang kondisyon sa balat na nararanasang ng tao saanmang parte ng mundo. Ito ay kadalasang natutukoy sa pagkakaroon ng makakati at patse-patseng marka sa apektadong bahagi ng balat. Ang mga sakit sa balat na dulot ng fungi ay may iba’t ibang uri, depende sa lokasyon ng impeksyon at klase ng fungi na nagdudulot ng sakit. Bagaman nakapagdudulot ng sobrang kati, hapdi, hindi komportableng pakiramdam o kaya ay hindi kaaya-ayang itsura, madalas ay nagagamot pa rin ito sa tulong ng mga anti-fungal na gamot sa balat.

Ilan sa mga pangkaraniwang sakit na nararansan ng mga Pinoy ay ang sumusunod:

1. Alipunga

Ang alipunga, o athelete’s foot (tinea pedis), ay ang impeksyon ng fungi sa balat sa paa. Ito ay nagdudulot ng pangangati, pagsusugat, pamumula, at pamamalat sa balat sa paa, partikular sa pagitan ng mga daliri nito. Minsan pa, may kaakibat din itong pamamaho sa bahagi ng paa. Nakukuha ang fungi sa maruruming palikuran at maduming sapatos na ginamit ng taong may alipunga. Mabilis itong kumalat kung ang paa ay palaging mamasa-masa. Maaari naman itong magamot sa tulong ng ilang anti-fungal cream na pinapahid sa apektadong lugar.

2. Hadhad

Ang hadhad, o jock itch (tinea cruris), ay ang napakakating impeksyon ng fungi sa mga singit-singit ng hita, puwet, at palibot ng ari.  Ito ay nakakahawa lalo na kung madidikit sa apektadong balat o kaya ay gumamit ng bagay na nadikitan ng fungi tulad ng salawal. Maaari din itong magamot sa tulong ng ilang anti-fungal cream na pinapahid sa apektadong lugar.

3. Buni

Ang buni naman o ringworm (tinea corporis) ay ang bilog na patse na makikita saan mang bahagi ng katawan. Kadalasang nagsisimula ito sa maliit lamang na bilog at lumalawak habang tumatagal. Ito rin ay nakapagdudulot ng sobrang pangangati sa apektadong bahagi ng katawan. Maaari din itong makahawa kung madidikit sa balat na apektado nito.

4. An-an

Ang an-an ay isa ring pangkaraniwang sakit sa balat na dulot ng isang uri ng fungi na kung tawagin ay Malassezia furfur, isang fungi na natural na naninirahan sa balat ng tao. Kaiba sa paniniwala ng marami, ito ay hindi nakakahawa, bagkus ay kusang lumilitaw at nagdudulot ng sakit kung magkakaroon ng pagkakataon. Kung sakali man, nagdudulot ito ng pag-iba sa natural na kulay ng balat, kadalasa’y nagkakaroon ng puti-puting patse na kumakalat o lumalawak ang sakop sa balat.

5. Candidiasis

Ang candidiasis ay tumutukoy sa sakit sa balat na dulot ng impeksyon ng fungi na Candida albicans. Maaari silang makaapekto sa balat, kuko, paligid ng bibig, dila at maging sa loob ng katawan sa daluyan ng pagkain. Maaari din itong makaapekto sa ari ng babae at lalaki. Nakapagdudulot ito ng pangangati, pamumula at pamamalat o pagkakaliskis sa apektadong bahagi ng katawan.  Ang paggagamot ay depende sa bahagi ng katawan na apektado ng impeksyon.

6. Iba pang impeksyon ng fungi sa katawan

Maaari ding maapektohan ng fungi ang ilan pang bahagi ng katawan gaya ng: sa anit (tinea capitis) kung saan nagdudulot ng matinding pagbabalakubak; sa mukha (tinea faciei) na nagdudulot ng pagkakaliskis at mala-mapa na marka; sa mga kamay (tinea manuum) na nagdudulot din ng pamamalat at pagkakaliskis; sa mga kuko (tinea unguium) na nagdudulot naman ng paninilaw at pangangapal. Ang mga ito ay magagamot ng iba’t ibang anti-fungal na gamot depende sa bahagi ng katawan na apektado ng sakit.

 

Balitang Kalusugan: Pabago-bagong oras ng paggising sa umaga, maaaring maka-kontribyut sa pagkakaroon ng diabetes, sakit sa puso

Kinumpirma ng isang pag-aaral na inilabas sa Journal of Clinical Endocrinology & Metabolism na ang pagbabago sa nakagisnang oras ng paggising sa umaga ay nakakontribyut o nakadaragdag sa panganib ng pagkakaroon ng abnormalidad sa metabolismo ng katawan. Dahil dito, tumataas din ang posibilidad ng pagkakaranas ng mga sakit o kondisyon na may kaugnayan sa metabolismo, tulad ng diabetes, sobrang timbang o obesity, at mga karamdaman sa puso.

Ayon sa pag-aaral na isinagawa sa University of Pennsylvania, sa Estado Unidos, ang mga taong gumigising nang maaga dahil sa trabaho ay nakapagdudulot ng pagbabago sa circadian rhythm o nakagisnang takbo ng oras na nakakaapekto naman sa normal na paggana ng metabolismo ng katawan. Dagdag pa nila, isa ito sa mga itinuturong dahilan ng pagtaas ng bilang ng taong nakararanas ng diabetes at pagkakaroon ng sobrang timbang.

Isinagawa ang pag-aaral sa 447 na mga indibidwal na may regular o full-time na oras ng trabaho. Sila ay may edad 30 hanggang 54, at binubuo ng 53% na mga kababaihan. Sa buong haba ng panahon ng pagsasaliksik, binatayan ang kanilang pagkain, mga gawain, at oras ng pagtulog at paggising sa bawat araw.

Walumpu’t limang porsyento (85%) sa mga indibidwal na binantayan ay nakitaan ng pabago-bagong oras sa kanilang pagtulog at sila’y binansagang “social jet lag”. Ang mga indibidwal na ito ay nakitaan ng iba’t ibang ebidensya ng abnormalidad sa metabolismo gaya ng pagtaas sa lebel ng cholesterol sa dugo, paglaki ng sukat baywang, pagtaas na timbang, at pagtaas din ng resistensya sa insulin, kumpara sa 15% ng mga indibidwal na may maayos na tulog.

Ang resulta ng kanilang pag-aaral ay maaaring maging basehan ng mga susunod pang pag-aaral sa hinaharap na nagtatalakay din sa kaugnayan ng pagbabago sa circadian rhythm ng tao at normal na takbo ng kanyang metabolismo.

 

 

Mga pangkaraniwang sakit sa baga na nararanasan ng mga Pinoy

Ang mga karamdaman sa baga (respiratory diseases) ang isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas. Ang mga ito ay maaaring dahil sa impeksyon ng malalakas na uri ng mikrobyo o kaya naman ay dahil sa kakulangan sa pangangalaga sa kalusugan. Ang kapaligiran at hangin na nilalanghap ay naka-aapekto rin sa kalusugan ng baga.

Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga pangkaraniwang sakit sa baga na nararanasan ngayon ng mga Pilipino.

1. Bronchitis

Ang bronchitis ay ang sakit kung saan namamaga ang mga gilid o lining ng mga tubong dinadaluyan ng hangin palabas at papasok sa baga. Dahil dito, makararanas ng matinding pag-uubo na may kasamang makapit na plema. Ang sakit na ito ay maaaring dulot ng impeksyon ng virus, ngunit kadalasan, dahil ito sa matagal na panahon ng paninigarilyo at pagkakalanghap ng maruming hangin o polusyon sa kapaligiran.

2. Hika

Ang hika o asthma ay ang kondisyon ng pangangapal at paninikip ng mga daluyan ng hangin papasok at palabas ng baga. Maaring makaranas ng hirap sa paghinga, tuloy-tuloy na pag-uubo, at paninikip ng dibdib ang taong mayroong hika. Maaaring makuha ang sakit na ito mula sa kapanganakan (namamana mula sa magulang), o kaya ay makuha dahil sa klasi ng hangin sa kapaligiran.

3. Emphysema

Tinutukoy naman sa sakit na emphysema ang pagkasira o hindi maayos na paggana ng mga alveoli sa loob ng baga. Ang alveoli ay ang mga maliliit na bilog sa dulo ng mga daluyan ng hangin kung saan nagaganap ang palitan ng oxygen at carbon dioxide sa dugo. Dahil sa sakit na ito, maaaring pumutok ang mga maliliit na alveoli at mahirapang huminga ang pasyente. Dahil din sa sakit na ito, bumababa ang lebel ng oxygen sa katawan. Ang paninigarilyo ang pangunahing sanhi ng karamdamang ito.

4. Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD)

Ang Chronic Obstructive Pulmonary Disease o COPD ay ang sakit kung saan nahihirapang dumaloy ang hangin sa baga. Ang pagkakaroon ng sakit na Bronchitis at Emphysema ang mga pangunahing nakaka-kontribyut sa paglala ng sakit na COPD. Paninigarilyo pa rin ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sakit na ito.

5. Lung Cancer

Ang kanser sa baga ay isa sa mga nangungunang uri ng kanser na nakakaapekto sa mga Pilipino. Dito’y nagkakaroon ng tumor o maliliit na bukol sa isang bahagi ng baga at magpapatuloy itong lumaki at kumalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kadalasan, bunga din ito ng matagal na panahon ng paninigarilyo.

6. Pulmonya

Ang pulmonya o pneumonia ay isang nakakahawang sakit na dulot ng impeksyon ng ilang malalakas na uri ng mikrobyo (bacteria, virus, fungi) sa daluyan ng paghinga. Ang mga bacteria, virus, at fungi na nakapagdudulot ng pulmonya ay maaaring makuha sa trabaho, sa lansangan, sa ospital, sa eskuwelahan. Kaakibat nito ang malalang pag-uubo na may kasamang plema, hirap sa paghinga, lagnat, at pagkakaroon ng tubig sa baga.

7. Tuberculosis (TB)

Ang tuberculosis o mas kilala bilang TB ay isa ring malalang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria sa daluyan ng paghinga. Ito ay lubhang nakakahawa at nakukuha sa pamamagitan ng pagkakalanghap ng maliliit na talsik ng laway mula sa apektadong tao. Maaaring madulot ito ng malalang pag-uubo na may plema, pag-uubo na may kasamang dugo, lagnat, at matinding pananakit ng dibdib.  Ito ay maaaring gumaling sa pamamagitan ng matinding gamutan, ngunit nakamamatay kung mapapabayaan.

 

Mga sakit na maaring makuha sa sobrang timbang o obesity

Ang pagkakaroon ng sobra-sobrang timbang o kondisyon na obesity ay hindi lamang problema sa pisikal na anyo bagkus ay tinuturing din na problema sa kalusugan. Ito’y sapagkat ang pagiging sobrang taba ay nagtataas ng panganib ng pagkakaroon ng iba’t ibang malalalang sakit.

Ang sumusunod ay ilan sa mga kilalang sakit na may koneksyon sa sobrang katabaan.

1. Sakit sa puso

Mas mataas ang posibilidad na mamuo at mabarahan ang mga ugat na nagsusuplay ng dugo sa puso (coronary artery) sa mga taong may sobrang timbang. Dahil dito, mas tumataas din ang posibilidad na makaranas ng pananakit ng dibdib (angina) o kaya naman ay atake sa puso. Basahin ang mga senyales ng pagkakaroon ng sakit sa puso: 10 Senyales ng Sakit sa Puso.

2. Altapresyon

Mas tumataas din ang pagkakaranas ng altapresyon o pagtaas ng presyon ng dugo kung ang timbang ay mananatiling sobra sa normal. Kaugnay nito, maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas gaya ng pagkahilo at pamamanhid ng katawan. Dahil din sa altapresyon, mas tumataas din ang panganib ng stroke at pagkakaroon ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Basahin ang mga pagkain na dapat iwasan ng taong dumaranas ng altapresyon: Mga pagkain na dapat iwasan ng may altapresyon.

3. Stroke

Ang stroke ay ang kondisyon kung saan ang napipigilan ang maayos na pagdaloy ng dugo sa utak. Maaring dahil ito sa pagbabara ng mga ugat o kaya naman pagputok ng ugat sa utak. Maaaring ikamatay ang pagkakaranas nito o kaya ay magdulot ng pagkabaldado ng kalahiti ng katawan. Siyempre pa, ang mga taong obese ay may mas mataas na panganib na makaranas ng stroke. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa sakit na stroke: Kaalaman sa sakit na stroke.

4. Diabetes

Ang diabetes ay ang sakit kung saan nawawala ang abilidad ng katawan na kontrolin ang lebel ng asukal sa dugo. Dahil dito, maaaring tumaas nang husto o kaya’y bumagsak nang husto ang lebel ng asukal sa dugo, at pareho itong may masamang epekto sa kalusugan. Karamihan sa mga taong may malalang kondisyon ng daiabetes ay may mataas ding timbang. Basahin ang mga tips na makatutulong sa may sakit na diabetes: Tips sa pangangalaga ng kalusugan ng may diabetes.

5. Kanser

Higit na mataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser, partikular ang kanser sa bituka (colon cancer), dibdib (breast cancer), mares (endometrial cancer), sa mga taong matataba at sobra ang timbang.

6. Osteoarthritis

Dahil sa sobrang bigat na dinadala ng katawan, maaaring makaranas ng arthritis o pananakit ng mga kasukasuan sa katawan. Nadadagdagan kasi ang pasan-pasan na bigat ng mga kasukasuan at napapabilis ang pagkasira ng mga kalamnan na nakapalibot dito.

7. Hirap sa paghinga habang tulog (Sleep Apnea)

Isa rin sa mga karaniwang problema ng mga matataba ay ang hirap sa paghinga kapag natutulog. Ang sobra kasing taba na bumabalot sa leeg ay maaaring dumiin sa daluyan ng paghinga at maharangan ang maayos na daloy ng hangin.

8. Bato sa apdo

Ang sobrang taba sa katawan ay nakadaragdag din ng posibilidad ng pagkakaaroon ng mga bato sa apdo o gallstone. Ang mga naipon kasi na taba sa katawan ay maaring mamuo sa apdo at maging maliliit na bato na kung gumulong papunta sa mga daluyan ng bile, ay maaring magdulot ng pagbabara at pamamaga. Kinakailangan dito ang agarang operasyon. Basahin ang mga kaalaman tungkol sa pagkakaroon ng bato sa pado o gallstone: Kaalaman tungkol sa gallstone.

9. Pagkabaog

Madalas ding nagiging problema ng mga taong may sobrang timbang ang kakayanan na makabuo ng anak.

10. Sobrang kolesterol sa dugo

Hindi malayong magkaroon ng mataas na lebel ng taba at kolesterol sa dugo ang mga taong sobra ang timbang. Ang pagkakaroon ng masamang kolesterol sa dugo ay iniuugnay sa iba’t ibang sakit gaya ng stroke, altepresyon, at sakit sa puso. Basahin ang ilang mga pagkain na mataas sa nakakasamang cholesterol: Mga pagkain na mataas sa masamang cholesterol.

 

 

Mga karaniwang sakit sa balat na nararanasan ng mga Pilipino

Ang pagkakaroon ng mga sakit sa balat ay karaniwang nararanasan lalo na kung nalalantad ang balat sa iba’t ibang uri ng mikrobyo, fungi at parasitiko na siyang sanhi ng mga ito. Dahil sa mga sakit na ito, maaaring makaranas ng pangangati, pagsusugat, pamamaga, pamumula, at matinding iritasyon sa balat. Mabuti na lamang, nariyan ang maraming uri ng antifungal, antibacterial, at anti-inflammatory na cream at ointment na mahusay para sa mga ganitong uri ng kondisyon sa balat at madali lamang din namang nabibili sa mga butika.

Ang mga karaniwang uri ng sakit na nakakaapekto sa balat ng mga Pilipino ay ang sumusunod:

1. An-an

Ang an-an ay isang karaniwang sakit sa balat na dulot ng impeksyon ng fungi. Dito nagkakaroon ng kaibahan sa normal na kulay ng balat na kumakalat nang patse-patse. Maaari itong magamot sa tulong ng antifungal cream o ointment. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na an-an.

2. Buni

Ang buni ay isa ring karaniwang sakit sa balat na dulot din ng impeksyon ng fundi. Kilala ito sa pagkakaroon ng bilugang marka sa balat na may pangangapal at matinding pangangati. Ito ay lumalaki at kumakalat sa paglipas ng panahon. Maaari itong magamot sa tulong antifungal na gamot. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na buni.

3. Hadhad

Ang mga singit ng katawan na madalas pinagpapawisan ay maaaring maapektohan din ng sakit sa balat lalo na kung kulang sa paglilinis ng katawan. Ang mga pangangati at pangangapal ng balat sa singit na tinatawag na hadhad o jock itch ay dulot din ng impeksyon ng fungi sa balat. Maaari itong magamot sa tulong antifungal cream at ointment. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na hadhad.

4. Galis

Ang sakit na galis ay dahil naman sa paninirahan ng mga parasitikong insekto sa ilalim ng balat. Dahil dito, nakararanas ng sobrang pangangati at pagsusugat dahil sa kakakamot ng balat. Maaari itong magamot sa tulong ng mga gamot ispesipikong para sa paggagalis o scabies. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na Galis.

5. Pigsa

Ang pigsa o boils ay isang kondisyon kung saan mayroong impeksyon ng bacteria at nagdulot ng pamamaga, pamumula, at pagnanana sa balat. Ito ay may matinding pananakit at maaaring lumala pa kung hindi magagamot. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na pigsa.

6. Pagtatagihawat

Gaya rin ng pigsa, ang pagtatagihawat ay dulot ng impeksyon ng bacteria sa balat. Ngunit ang mga tagihawat ay mas maliit kaysa sa pigsa. Madalas itong makaapekto sa balat sa mukha sa panahon ng puberty stage. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa pagtatagihawat.

7. Alipunga

Ang alipunga ay isa pa ring sakit na dulot ng impeksyon ng fungi, ngunit ito ay nakakaapekto sa balat sa pagitan ng mga daliri sa paa. Kaakibat din nito ang matinding pangangati at pagsusugat sa paa, at minsan pa ay pamamaho at pagbibitak ng mga kuko sa paa. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na alipunga.

8. Balakubak

Ang balakubak ay tumutukoy sa panunuyo at pagtuklap ng balat sa anit ng ulo. Maaaring dahil ito sa abnormalidad sa produksyon ng langis ng mga sebaceous glands sa ulo. Basahin ang kabuuang detalye ng sakit na ito sa sumusunod na link: Kaalaman sa sakit na balakubak.

Pagkain na mabuti para sa mga may sakit sa bato

Imposibleng mabuhay ang isang tao nang walang bato o kidney.  Ito’y sapagkat may malalaking papel na ginagampanan ang pares ng bato sa kalusugan ng tao upang mabuhay. Bukod sa pagsasala ng dugo upang mailabas sa ihi ang mga dumi, naglalabas din ang mga bato ng ilang mahahalagang substansya sa katawan na mahalaga para mabuhay.

Ngunit sa mga taong dumadanas ng karamdaman sa bato o chronic kidney disease, ang mga mahahalagang papel na ito ay maaaring hindi magampanan ng husto. Upang maprotektahan ang mga bato mula sa karagdagang pagkasira nito, kinakailangan piliin ang mga pagkain na makapagbibigay ng benepisyo sa kalusugan ng mga bato.

pagkain para sa bato

1. Red bell pepper

Kilala at pangkaraniwan ang red bell pepper sa hapag ng mga Pilipino, kaya naman epektibo ito na pandagdag sa diet ng taong dumaranas ng karamdaman sa bato. Ito ay siksik sa mahahalagang sustansya na maaring makatulong sa paggaling ng mahinang bato. Mayroon itong Vitamin C, A, B6, folic acid, at mahahalagang fiber. Mababa naman ang taglay nitong mineral na maaaring makadagdag sa pasanin ng mahinang bato.

2. Repolyo

Ang repolyo ay isa rin sa mga pinakakaraniwang gulay na kinakain ng mga Pilipino. Ito rin ay mayamang mapagkukunan ng mahahalagang phytochemical na kayang protektahan ang katawan mula sa nakakasamang free radicals. Mayaman ito sa Vitamin K, C, at mahahalagang fiber. Mayroon din itong Vitamin B6 at folic acid. Ito ay ideyal na pagkain para sa mga sumasailalim sa dialysis.

3. Cauliflower

Makpagbibigay din ng mahahalagang sustansya at bitamina ang gulay na cauliflower sa mga taong may mahihinang bato. Ang mahahalagang sustansya na kailangan ng bato gaya ng Vitamin C, folate at fiber ay matatagpuan din sa gulay na ito

4. Bawang

Sa pangkalahatan, ang bawang ay makatutulong sa kalusugan sa pamamagitan ng pagpapababa sa lebel ng nakakasamang chlesterol sa katawan. Bukod sa stroke at sakit sa puso, ang mga bato ay nakikinabang din sa pagbaba ng lebel ng cholesterol sa dugo.

5. Sibuyas

Gaya ng bawang, ang sibuyas ay karaniwan ding pampalasa sa maraming uri ng putaheng Pilipino. Ang flavonoids na makukuha sa sibuyas ay isang malakas na uri ng antioxidant na makakapagbibigay ng proteksyon hindi lamang sa mga bato kundi pati na rin sa buong katawan.

6. Mansanas

Ang sustansya na makukuha sa mansanas, partikular sa balat nito, ay makatutulong nang husto sa pagbibigay ng proteksyon sa nanghihinang mga bato. Nakababawas ito sa implamasyon na dinaranas ng bato na mayroong sakit at pinapababa nito ang panganib ng pagkakaroon ng kidney cancer.

7. Ubas

Ang antioxidant na flavonoid na mayamang nakukuha mula sa mapulang ubas ay may benepisyong hatid din sa kalusugan ng mga bato. Tinutulungan nito ang maayos na daloy ng dugo habang iniiwasan ang pamumuo ng dugo (blood clot) na maaring maging sanhi ng stroke. Ang anthocyanin sa mapulang ubas ay makapagbibigay din ng proteksyon sa nanghihinang bato laban sa ipa bang kondisyon gaya ng kanser.

8. Puti ng itlog

Makapagbibigay naman ng mahalagang protina ang puti ng itlog na walang dinadagdag na cholesterol sa katawan. Ang protina ay mahalaga sa paghilom ng mahinang bato na dulot ng sakit.

9. Olive oil

Ang monounsaturated fat na makukuha sa olive oil ay makatutulong sa pagbibigay ng proteksyon sa bato laban sa karagdagang sakit na maaaring makapagpahina pang lalo sa mga bato. Bagaman may kamahalan ang presyo nito, malaki naman ang maitutulong nito sa pagpapanatiling masigla ng mga bato.

10. Strawberry

Ang mapupulang strawberry na karaniwang nakikita sa Baguio at Benguet ay mayaman din sa anthocyanin at ellagitannin na mahahalagang antioxidant. Mayroon din itong Vitamin C at mahalagang fiber. Ang mga sustansyang ito ay pareparehong makatutulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng mahinang bato.

 

Mga pagkain na dapat iwasan kung may sakit sa atay

Ang isang malusog na atay ay may kakayanang gampanan ang ilan sa mga mahahalagang paggana sa katawan kabilang na ang pagtunaw sa ilang mga pagkaing kinain, pagsasala sa dugo na dumadaloy sa sikmura at bituka, at pagbabawas ng lason o masasamang epekto ng gamot at alak sa katawan. Ngunit sa panahon na ang atay ay nanghina dahil sa sakit, ang mga pagganang dating ginagampanan ng malusog na atay ay maaaring mahinto o hindi na magampanan nang maayos.

Upang mabawasan ang trabaho ng nanghihinang atay at matulungan ang paghilom nito, mabuting iwasan muna ang ilang uri ng mga pagkain na nangangailangan nang malaki sa atay.

atay

1. Karne

Kung mahina at hindi gumagana nang maayos ang atay, mabuting iwasan muna ang mga karne gaya ng baka, baboy, maging itlog at gatas. Ito’y sapagkat walang kakayanan ang mahinang atay na tunawin at iproseso ang karne upang makuha at mapakinabangan ang mahalagang amino acid. Upang magkaroon pa rin ng sapat na protina sa katawan, piliin na lamang ang mga pagkaing may protina na mas madaling tunawan gaya ng beans at karne ng manok.

2. Matatabang pagkain

Ang mga pagkaing may mataas na lebel ng saturated fats gaya ng matatabang balat ng baboy at masebong sabaw ng nilagang baka ay makakasama din sa atay. Maari lamang itong makadagdag sa pinapasan ng mahinang atay.

3. Maaalat na pagkain

Ang sodium na makukuha mula sa maaalat na mga pagkain ay nangangailangan din nang malaki sa maayos na paggana ng masiglang atay upang mapakinabangan ng katawan. Mahalaga na mabawasan ang dami ng sodium sa pagkain kung dumaranas ng kondisyon sa atay sapagkat maaari lamang itong makapagpalala sa kondisyon at magdulot ng pamamaga. Iwasan ang mga instant food, pinatuyong isda, maaalat na sawsawan, at iba pang maaalat na pagkain.

4. Sobrang matatamis na pagkain

Ang sobrang asukal sa mga pagkain ang isa sa mga pangunahing sanhi ng pagiging mataba ng atay (fatty liver disease) na may masamang epekto sa kalusugan lalo na sa maayos na paggana ng atay. Ang pagkakaroon ng matabang atay ay maaring humantong sa pagkasira ng atay. Kaya naman, mabuting iwasan din ang sobrang matatamis na pagkain upang hindi na rin lumala pa ang kondisyon.

5. Alak

Ang alak ay lason na pumapatay nang unti-unti sa isang masiglang atay. Kaya’t isang malaking kasalanan sa atay kung iinom pa ng alak habang naghihirap na sa pagkakaroon ng sakit sa atay. Kahit na anong uri ng inumin na may alkohol ay dapat iwasan kung nais pang gumaling mula sa dinaranas na karamdaman sa atay.

Balitang Kalusugan: Madalas na pagkain ng Instant Noodles, maaaring magdulot ng sakit sa puso at stroke

instant noodles

Mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng karamdaman sa puso at pagkakadanas ng stroke sa mga taong madalas kumain ng instant noodles. Ito ang lumalabas sa isang pag-aaral na isinagawa sa Bayer at Harvard University, mga pangunahing eskuwelahan sa Estados Unidos.

Ito’y dahil daw umano sa sangkap na taglay ng karamihan sa mga instant noodles na TBHQ o tertiary-butylhydroquinone. Ang TBHQ ay isang uri ng preservative na hinahalo sa maraming uri ng pagkain upang ito ay magtagal. Napag-alaman ng pag-aaral na ang sangkap na ito ay walang benepisyo sa kalusugan at hindi rin kayang tunawin ng katawan.  At dahil dito, maaaring maapektohan ang metabolismo ng isang indibidwal na maaari namang humantong sa pagkakaroon ng sakit sa puso, stroke at iba pang mga sakit.

Ayon pa sa kanilang pag-aaral, ang mga bansang may pinakamataas na bilang ng kumakain ng instant noodles gaya ng South Korea, Estados Unidos, India, Japan, China, at Vietnam ay may mataas din na bilang ng taong dumaranas ng sakit sa puso at obesity o sobrang timbang.

Dagdag pa ni Hyu Shin, isa sa mga may-akda ng pag-aaral, bagaman pinapadali ng mga instant food ang buhay ng tao, ang mga sangkap nito gaya ng sodium, saturated fats, at iba pa ay maaaring may masamang epekto sa kalusugan lalo na kung mapaparami at matagal na ang pagkonsumo sa mga ito.

 

Balitang Kalusugan: Libreng bakuna para sa 4 na sakit, ipamamahagi ng DOH sa 4-Milyon estudyante

bakuna

Sisimulan na ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng libreng bakuna laban sa 4 na uri ng sakit sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. At ayon sa kanilang tantsa, aabot sa 4 na milyong mga mag-aaral ng Grade 1 at Grade 7 ang mabibigyan ng libreng bakuna.

Ayon kay health secretary Janette Garin, mabibigyan ng bakuna laban sa tigdas (measles), tigdas hangin (German measles), tetano, at diphtheria, ang mga estudyante ng Grade 1 na tinatayang aabot sa 2.4 milyon, at Grade 7 na aabot naman sa 1.6 milyon sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.

Sa tulong ng iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng DepEd at DILG, target umano ng DOH na mabakunahan ang 95% ng mga kabataan sa buong bansa. Kung tutuusin, ang mga kabataan naman ang pag-asa ng ating bayan.

Ang slogan na ginagamit sa Immunization Program ay “Bakuna para sa Kabataan, Proteksyon sa Kinabukasan”.

Dagdag pa ni secretary Garin, ligtas, bago at epektibo ang mga gamot na gagamitin para sa programang ito. At ang lahat ay aprubado ng World Health Organization na ginagamit din sa pagbabakuna sa iba pang mga bansa.

Sasailalim naman sa orientasyon ang mga magulang at guro sa mga paaralan upang maipakalat ang impormasyon kaugnay sa programang pagbabakuna. Tanging ang mga estudyanteng may consent forms na nilagdaan ng mga magulang ang bibigyan ng libreng bakuna.