Ano ang mga Sintomas ng HIV/AIDS?

Maraming tao ang hindi nakakaalam na mayroon pala silang HIV (Human Immunodeficiency Virus), sapagkat kalimitan, ito’y walang sintomas sa umpisa. Saka na lamang nagkakaroon ng sintomas ang karamihan sa mga taong may HIV kapag ito’y malala na, o kapag ang impeksyon na HIV ay nagtungo na sa AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome).

Ang iba naman ay maaaring makaranas ng mga sintomas na parang trangkaso, gaya ng lagnat, sakit sa ulo, panghihina, at paglaki ng mga kulane sa leeg. Ang mala-trangkasong karamdamang ito ay karaniwang nararanasan makaraan ng 1-5 linggo mula sa pagkakuha ng HIV (mula sa pakikipagtalik, pagsalin ng dugo, o hiraman ng gamit na karayom – tunghayan ang artikulo, “Paano nahahawa ang HIV/AIDS” para sa karagdagang kaalaman). Pagkatapos nitong mala-trangkasong karamdaman, ang taong may HIV ay babalik sa normal at walang mararamdamang sintomas. Itong sitwasyong ito ay maaaring tumagal ng ilang taon (5-10 taon).

Sa sitwasyong ito na tinatawag na “Asymptomatic Phase”, ang HIV virus ay nagpapatuloy na dumami sa loob ng katawan. Kaya walang sintomas ay kinakaya pa ng katawan ang presensya ng HIV; hindi pa tuluyang nasisisra ang Immune System na syang inaatake ng HIV.

Kapag tuluya nang nasira ang immune system, mawawalan na ang kakayanan ang katawan na lumaban sa mga iba’t ibang impeksyon. Magdadagsaan ang sari-saring impeksyon sa balat, sa baga, sa tiyan, at sa lahat ng bahagi ng katawan.  Sa normal na tao, ang mga impeksyong ito ay kayang labanan ng ating immune system at hindi mo matatagpuan ang mga ito sa mga normal na indibidwal. Subalit dahil sira nga ang immune system sa HIV na malala na, malayang dumagsa ang mga impeksyong ito. Ang estadong ito ang siyang tinatawag na AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome. Ang HIV/AIDS mismo ay hindi direktang nagdudulot ng mga sintomas; ito’y nagbibigay daan sa mga impeksyon na siyang tuluyang sumisira sa katawan at nagdudulot ng kamatayan sa mga taong may HIV/AIDS. Kabilang dito sa mga impeksyong ito ay mga pulmonya na hatid ng fungi at mga di-pangkaraniwang bacteria, mga impeksyon sa balat, sa utak, at iba pa.

Maaari ring magdulot sa mga tumor o kanser ang HIV/AIDS, dahil na rin sa pagkasira ng immune system. Kabilang sa mga tumor na ito ay ang lymphoma o cancer ng mga kulane; o ang Kaposi’s sarcoma, isang agresibong kanser na tumutubo sa balat o sa bibig.

Dahil ang HIV/AIDS ay itinuturing na isang kahihiyang sakit o stigmatized disease (bagamat hindi natin dapat ituring ang mga sakit na ganito), maaari ring maghatid sa matinding pagkalungkot (depression) ang mga taong may HIV/AIDS. Ito’y maaaring side effect din ng mga iba’t ibang impeksyong nakaka-apekto sa mga taong may HIV/AIDS.

Sa kabilang ng mga sintomas na ito, hindi dapat mawalan ng pag-asa dahil may mga gamot na maaaring sumupil sa mga sintomas ng HIV/AIDS. Tunghayan ay susunod na artikulo, “Ano ang gamot sa HIV/AIDS”, upang alamin ang mga gamot na ito. Kung hindi tiyak sa iyong HIV status, magpasuri sa HIV sa pamamagitan ng HIV Testing; tunghayan ang artikulong “HIV testing: Paano malaman kung may HIV/AIDS?” para malaman kung paano.