Sino ang dapat mag-HIV testing?
Ang sagot dito ay, “Dapat magpa-HIV testing ang mga taong nasa kategorya ng “High Risk”. Ang mga “High Risk” na tao ay ang mga sumusunod: (1) Mga lalaki na nakikipag-sex sa kapwa lalaki o MSM; (2) Mga taong gumagamit ng bawal na gamot at nakikipaghiraman ng karayom na gamit na (
IV drug users); (3) Mga taong nakikipagtalik ng walang proteksyon gaya ng
condom; and (4) mga taong nagpapabayad para sa sex o mga
commercial sex workers. Ngunit kahit hindi mo itinuturing ang sarili mo na kabilang sa ito, kung may posibilidad na nahawa ka ng HIV/AIDS batay sa mga paraan ng pagkakahawa ng HIV (tingnan ang artikulo sa “
Kaalam tungkol sa HIV”), rekomendado ring magpa-HIV testing ka.
Bakit mahalaga ang HIV testing?
Una, kapag mas maagang malaman ng isang tao na siya ay may HIV, kaagad siyang makakainom ng mga gamot na panlaban sa HIV/AIDS; hindi man kayang puksain ng mga gamot ang HIV sa loob ng katawan; pinapabagal nila ang paglala ng HIV patungo as AIDS, ang nakakapagpahaba ng buhay. Pangalwa, kapag nalaman ng isang tao na siya ay may HIV, maaari niyang maproketahan ang ibang tao sa pagkakaron ng HIV sa pamamagitan ng pag-iwas sa sex o abstinence o ang paggamit ng proteksyon gaya ng condom.
Paano malaman kung ikaw ay may HIV/AIDS?
Upang malaman ang HIV status (HIV positive o HIV negative), kailangan suriin ang iyong dugo sa laboratoryo – isang proseso na sa simpleng salita ay tinatawag na
HIV Testing.
Sa Pilipinas at sa maraming mga bansa, ang HIV testing ay binubuo ng dalawang hakbang. Una,
HIV Screening ang ginagawa sa pamamagitan ng
ELISA o isang uri ng laboratory test na naghahanap ng mga antibodies na reaksyon ng katawan sa impeksyon ng HIV. Ang mga antibodies ay lumilitaw makaraan ang anim na buwan matapos mahawa ng HIV ang isang tao. Dahil dito, maaaring hindi makita sa HIV Screening ang presensya ng HIV, lalo na kung ito’y bagong hawa. Ngunit kung negatibo ang resulta ng HIV screening, dalawa lamang ang posibilidad: ikaw ay walang HIV (HIV negative) o nakuha mo ang HIV sa huling 6 na buwan. Ngunit kung wala ka namang high-risk behavior na ginawa sa huling 6 na buwan, malamang ikaw ay
HIV Negative.
Kung positibo ang resulta ng
HIV Screening, kailangang ikompirma ng
HIV Confirmatory Test kung talaga bang ikaw ay may HIV. Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng isa pang laboratory test, ang
Western Blot. Ang pagsusuring ito ay “very accurate” at kung positibo ka, tiyak na positibo ka talaga. Kung positibo ka dito, ikaw ay
HIV Positive at dapat umpisahan ang gamutan sa lalong madaling panahon.
Ang HIV Testing ay confidential at maaaring gawin sa HIV Testing Centers sa Pilipinas. Bisitahin ang artikulong
Listahan ng mga HIV Testing Centers sa Pilipinas upang malaman kung saan maaaring magpa-test para sa HIV.