Unang una, dapat tandaan na ang ubo, o cough, ay hindi isang sakit. Ito ay sintomas lamang ng isang sakit na kadalasang nakaaapekto sa daluyan ng hangin at sa bandang lalamunan. Ang pag-ubo ang normal na pamamaraan ng katawan upang maaalis ang kahit na anong bagay na nakakasagabal sa pag-hinga o mga particles na nakakairita sa daluyan ng hininga. Dahil dito, napupwersang maitulak palabas ang bagay na nakakasagabal o ang sanhi ng iritasyon. Ito ay normal at pangkaraniwang nararansan ng taong may malusog na pangangatawan, ngunit kung ang ubo ay may kasamang plema na kakaiba ang kulay o kaya naman ay dugo, maaaring indikasyon ito ng ibang mas seryosong karamdaman. Dapat tandaan na ang pag-ubo ay pwersang nangangailangan ng enerhiya, kung kaya't ang patuloy na pag-ubo ay maaaring magdulot ng sobrang pagkapagod, sakit ng ulo, pagiging antukin o kaya naman, kung ang mga buto ay marupok dahil sa ilang kondisyon gaya ng osteoporosis, ay biglaan pagkabali ng buto sa likod o tadyang.
Bakit nakakaranas ng ubo?
Ang ubo ay sintomas ng napakaraming sakit na kadalasan ay mga karamdaman sa baga at sa daluyan ng paghinga. Ito ay maaaring magtagal ng ilang oras hanggang ilang linggo, depende sa kung ano ang naging sanhi ng ubo. Narito ang ilan sa mga seryosong sakit na madalas na dahilan ng pag-ubo:
- Bronchitis
- COPD o Chronic obstructive pulmonary disease
- Emphysema
- Kanser sa baga
- Laryngitis
- Tuberculosis
Ang mga tao na nakakaranas ng mga karaniwang sakit gaya ng asthma, allergies, pulmonya, sipon, trangkaso, at whooping cough ay madalas ding nagkaka-ubo. Ngunit bukod pa sa mga ito, ang taong aksidenteng nakalanghap ng bagay na nakakairita sa lalamunan o yung mga kaso na nabilaukan ay makaranas din ng tuloy-tuloy na pag-ubo hangga't hindi nailalabas ang sanhi ng ubo. Ang pagkakatoon ng parasitiko sa katawan ay maaari ring maging sanhi ng ubo.
Ang plema ay isa rin sa mga madalas na tinuturong dahilan ng pag-ubo. Ito ay nabubuo kapag nagkaroon ng impeksyon ng bacteria, virus, yeast, o kahit na anong bagay na nakairita sa daluyan ng paghinga. Ang ubo na dulot ng plema na nabuo mula sa karaniwang impeksyon ay kusang nawawala kahit na walang gamutan, kailangan lamang mailabas ang lahat ng plema na naipon sa daluyan ng paghinga.
Ano ang iba't ibang uri ng ubo?
Ang pagkakahati-hati ng iba't ibang uri ng ubo ay nakadepende sa kung gaano ito katagal at sa mga sintomas na nararanasan. Kung ang ubo ay biglaan at tumatagal lamang ng hanggang 3 linggo, ito ay
acute. Kung ito naman ay tumatagal ng higit pa sa taltong linggo, ang ubo ay tinatawag na
chronic. Ang ubo rin ay maaaring
non-productive o mas kilala bilang dry cough, o kaya nama'y
productive o ubo na may kasamang plema.
Sino ang maaaring makaranas ng ubo?
Gaya ng sipon, ang ubo ay isang karaniwang sakit na maaaring maranasan ng lahat ng tao. Wala itong pinipiling edad o kasarian, bagaman pinakamataas ang mga kaso nito sa mga kabataan na nasa paaralan. Higit ding naaapektohan ang mga taong may mabababang resistensya at naninigarilyo.