Mga kaalaman tungkol sa Typhoid Fever

Ang typhoid fever ay isang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria na Salmonella. Ang bacteria ay naipapasa sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain at inumin. Ang sakit na ito ay maaaring magdulot ng mataas na lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, at maaaring matubig na pagtatae (diarrhea) o kaya ay hirap sa pagtae (constipation). Ang sakit na ito, kung mapapabayaan, ay maaaring makamatay dahil sa mga komplikasyon na nararanasan.

Gaano kalaganap ang sakit na Typhoid fever?

Ang sakit na typhoid ay laganap sa buong mundo, ngunit pinakamataas sa mga lugar sa Africa, Timog Asia at Timog-Silangang Asia. Responsable ito sa halos 190,000 na kamatayan noong taong 2010. Sa Asya, pinakamadalas itong nararansan ng mga sanggol at mga bata.

Paano nagkakaroon ng Typhoid Fever?

Ang sakit na dulot ng bacteriang Salmonella ay naipapasa sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain. Nagsisimula ito kapag ang taong mayroong sakit na typhoid ay dumumi ngunit hindi nakapaghugas ng husto. Ang kanyang kamay na maaaring may bahid ng bacteria ay maaaring makapagpasa sa mga bagay na kanyang mahahawakan. Ang mga inuming tubig o pagkain ay maaaring makontamina sa oras na mahawakan niya ang ito. Ang lahat ng taong makakainom o makakakain ng mga kontaminadong inumin at pagkain ay maaaring makakuha ng salmonella. At sa oras na makapasok ang salmonella sa sistema ng katawan ng tao, nagsisimula ang pagkakasakit ng Typhoid Fever.

Ano ang mga komplikasyon na maaaring mangyari sa malalang kaso ng Typhoid Fever?

Sa mga malalalang kaso ng typhoid, maaaring magdulot ng pagdurugo sa bituka o kaya naman pagkabutas mismo ng pader ng mga bituka. Dahil dito, maaaring lumabas mula sa bituka ang lahat ng dumadaan dito, patungo sa ibang istruktura sa tiyan. Ito ay seryosong komplikasyon at nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Nagsasagawa ng operasyon sa mga kasong ganito.