Mga Kaalaman Tungkol sa Sipon

the_common_coldAng sipon, o sa Ingles ay common cold, ay isa sa mga pinakakaraniwang sakit ng tao na nakakaapekto sa itaas na bahagi ng hingahan (upper respiratory tract) na binubuo ng ilong at lalamunan. Ito ay dulot ng impeksyon ng cold virus na tumutukoy sa ilang uri ng virus kabilang ang rhinovirus, coronavirus, respiratory syncytial virus (RSV), at marami pang iba. Ang pinakalaganap at tinuturong pangunahing dahilan ng sipon ay ang rhinovirus. Sa ngayon ay walang gamot para sa sipon; ito ay kusang gumagaling sa paglipas ng panahon.

Bakit nagkakaroon ng sipon?

Ang mga virus na nagdudulot ng sipon ay maaaring makuha sa ilang pamamaraan, una ay sa hangin na maaaring nahaluan ng talsik mula sa bahing ng taong may sipon, at ikalawa ay mula sa mga bagay na kontaminado na maaaring nahawakan din ng taong may sipon. Kapag ang mga virus na ito ay nakapasok sa katawan, maaaring sa bibig o kaya ay sa ilong, gagawa ng aksyon ang depensa ng katawan (immune sytem) para labanan ang virus. Ang aksyong ito ng katawan ang nagdudulot ng pamamaga ng ilong at lalamunan, at kinalaunan, ay ang pagkakaroon ng mucus o sipon.  Ngunit bukod sa virus, may ilang allergens gaya ng pollen mula sa halaman at alikabok sa hangin ay maaaring makapgdulot din ng kaparehong reaksyon. Ang sipon na dulot ng allergens ay isang allergic reaction na kung tawagin ay Allergic Rhinitis.

Sino ang maaaring maapektohan ng sipon?

Ang sipon ay karaniwang sakit at maaari maapekto sa lahat ng tao, sa kahit na anong edad at kasarian. Ngunit pinakamataas ang kaso nito sa mga kabataan na wala pang sapat na immunity para sa mga virus na nagdudulot ng sipon. Pinakamataas din ang kaso ng sipon sa panahon ng taglamig o tag-ulan kung kailan mas nananatili ang mga myembro ng pamilya o kasambahay sa loob ng bahay. Ang pagsasamasama ng mga tao ay isang mahusay na oportunidad para sa mga virus na kumalat at makapagdulot ng sipon.

Totoo bang maaaring magkasipon kung maulanan?

Hindi ito totoo. Hindi ka magkakasipon nang dahil lang sa nabasa ka ng ulan. Tulad ng nabanggit sa itaas, mas mataas lamang ang mga kaso ng sipon sa panahon ng tag-ulan at taglamig sapagkat nagsasama-sama ang mga tao at nagkakasalamuha sa isa't isa. Mas mataaas ang posibilidad na magkahawaan kapag sama-sama ang mga tao.